KAMI AY mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines. Kami ay
humaharap sa taong bayan ngayon upang ideklara ang aming withdrawal
of support mula sa chain of command ng AFP at sa gobyerno ni Gloria
Macapagal-Arroyo. Hindi namin ito ginagawa dahil gusto namin ng kapangyarihan
o dahil gusto namin guluhin ang ating bayan. Ito ay ginagawa namin
dahil sa mga sumusunod na malalaking kasalanan ng gobyernong ito sa
taong bayan.
Una, ang gobyerno ni GMA, sa pamamagitan ng AFP leadership at ni
Sec. Angelo Reyes, ang nagbebenta ng mga bala at armas mula sa government
arsenal tungo sa MILF, Abu Sayyaf at npa. Sa madaling salita, ang
mga balang pumapatay sa kapwa naming sundalo ay nanggaling din mismo
sa gobyernong ipinaglalaban namin. Ito ang dahilan kung bakit higit
sa tatlumpung taon na ang giyera, hindi pa rin nauubusan ng bala ang
mga kalaban. Isa sa katibayan nito ay lahat ng nare-recover na bala
sa mga na-overrun na kampo ng kalaban ay may mga tatak na galing sa
DND arsenal. Ilang sundalo na ang namatay at ilan pa ang mamamatay
para sa isang giyerang wala namang planong tapusin? Dagdag pa rito
ang daang-libong mga civilian na nadadamay na walang kalaban-laban.
Ginagawa nila ito upang ang giyerang walang katapusan ay maging gatasan
ng mga sakim at traydor na mga opisyal ng gobyerno at ng AFP.
Aming naranasan ang tunay na kalagayan ng ating mga sundalo. Ang
paghihirap at sakripisyo sa gitna ng armadong sagupaaan na kung saan
ang suporta na kinakailangan sa pangil ng kamatayan ay ibinubulsa
lamang ng ating mga lider para sa kanilang pansariling kapakanan.
Naniniwala kami na hindi natin makakamit ang tunay na kapayapaan habang
mga kurakot at ganid ang namumuno sa AFP at PNP. At kung walang kapayapaan
ay hindi uusad ang Pilipinas.
Pangalawa, ang gobyerno ni GMA, sa pamamagitan ng mga special operations
teams nina Sec. Reyes at General corpuz, ang may kagagawan ng mga
pagsabog sa Davao City. Ito ay ginawa nila upang tuluyang mabansagang
terorista ang MILF para maging basehan sa paghingi sa anti-terrorist
fund ng Amerika bago si GMA bumiyahe roon. Ang mga buhay ng mga sibilyang
namatay doon ang kapalit ng mga military hardware na nilimos ni GMA
sa Amerika.
Pangatlo, natuklasan namin ang plano ni GMA na magdeklara ng martial
law nitong darating na Agosto para makapagpatuloy sila sa poder ng
kapangyarihan na lalagpas sa 2004. Ito ay gagawin nila sa pamamagitan
ng ilang pagsabog sa Metro Manila at isisisi sa iba't ibang grupo.
Ang pagtakas ni Fathur Al-Ghozi ang senyales ng operasyong ito. Mga
kapwa naming Pilipino, nasa gobyerno natin ang mga tunay na terorista.
Subalit hindi namin ito papayagang mangyari. Hindi namin hahayaang
matuloy ang karumal-dumal na plano ng gobyernong ito. Kami ay sumumpa
na poprotektahan ang estado at ang taong bayan. Hindi namin tatalikuran
ang sumpang ito.
Sa pagharap nila sa amin ngayon, gagamitin nila ang Konstitusyon.
Subalit alam ng lahat na naibasura na ang Konstitusyon noong iniluklok
si GMA sa pamamagitan ng People Power. Hinayaan lang natin silang
magpatuloy dahil sa pangakong lilinisin nila ang gobyerno at iaahon
mula sa kahirapan ang masang Pilipino.
Ngunit higit sa dalawa't kalahating taon na ang nakalilipas simula
ng iniluklok sa kapangyarihan ang gobyerno ni GMA, laganap pa rin
ang pangungurakot ng mga opisyal ng gobyerno at wala pa ring pagbabago
pagkus lalo pang humirap ang mga masa. Dagdag pa rito, lalo pang lumala
ang peace and order situation ng bansa.
Binabawi na ng taong bayan ang tiwalang ibinigay sa administrasyon
ni GMA. Hinihingi namin ngayon ang pagbibitiw ng mga lider ng kasalukuyang
rehimen na walang ipinagkaiba sa mga nakaraan. Isang rehimen na walang
inisip kundi ang pananatili sa kapangyarihan, pagpapayaman sa sarili
at pag-aaruga sa mga mayayaman at maimpluwensyang personalidad.
Dahil dito handa kaming ibuwis ngayon ang aming buhay upang ipatupad
ang isang programa na walang bahid ng pamumulitika dahil buo ang paniniwala
namin na ito ang tanging pag-asa tungo sa pag-ahon at pag-unlad ng
ating bayan. Ito ang National Recovery Program. Kung ating susuriin,
ito lang ang programang naghahain ng mga solusyon sa mga pangunahing
problema ng bayan at wala ng iba.
Sa taong bayan at sa mga kapwa naming mga sundalo, magkaisa tayo
sa likod ng NRP at bantayan natin ang pagsasakatuparan nito.
Ang ginawa naming pagtayo ngayon ay hindi lamang upang isigaw ang
mga hinaing ng mga miyembro ng AFP kundi sa kabuuan, upang ipahayag
ang hinaing ng sambayanang Pilipino. Sa lahat ng miyembro ng AFP at
ng sambayanang Pilipino, kung sa tingin ninyo ay mali ang aming ipinaglalaban,
narito kami, tapusin niyo na ang aming buhay, subalit kung sa inyong
pananaw kami ay tama, nawa'y tumayo kayo at kami'y suportahan. Ang
lahat ng ito ay para sa ating magandang kinabukasan at sa ikabubuti
ng darating pang mga henerasyon.