KOLUM
Mga Basketbolista Magkaisa

BABALA:BAWAL na raw maglaro ng basketball sa kalye. Huhulihin ng MMDA ang sinumang lalabag dito at sinimulan na nga nilang magtanggal ng mga court sa dalawang barangay sa Sta. Cruz, Maynila.

Malaki ang aanihing galit nito mula sa mga kabataan sa maraming komunidad. Marahil pati mga magulang ay tututol sa pinakabagong patakaran ng MMDA. Ilang beses ko nang narinig mula sa mga nanay na mas nanaisin pa raw nilang mag-basketball ng buong araw ang kanilang mga anak, huwag lang gumamit ng droga.

Mahalagang bahagi ng kulturang popular ang basketball sa lipunang Pilipino. Kahit nagmula ito sa ibang bansa, lubusang tinangkilik ito ng mga Pilipino at higit pa ngang minahal kaysa sa ibang tradisyunal na laro. Hindi ba't may namamayaning kaisahan na matalo na tayo sa lahat ng kumpetisyon sa SEA at Asian Games, huwag lang sa basketball (pasintabi sa mga manlalaro ng bilyar at bowling). Kahit sa UAAP at NCAA, alam ng mga estudyante ang standing ng kanilang eskuwelahan sa basketball pero hindi na nila iniintindi ang status sa ibang laro.

Paboritong proyekto ng mga mambabatas ang pagpapagawa ng mga basketball court. Sa katunayan, sa sobrang dami ng mga proyektong ito ay ipinagbawal na ng Kongreso ang paggamit ng pork barrel para sa mga basketball court.

Maraming artista at pulitiko ang nakilala dahil sa basketball. Bata o matanda, kilala si Jaworski o kahit si Jun Bernardino. Hinahabol ng BIR ang mga manlalaro ng PBA sa laki ng kanilang kinikita. Humihinto ang mundo kapag NBA finals.

Maging sa akademya ay tinukoy ang papel ng basketball sa paghubog ng sarili nitong lenggwahe na lalong nagpayaman sa pambansang wika. Walang institusyong nagdikta kung ano ang tama o mali, pero sa buong kapuluan ay may nabuong komon na wika ang mga manlalaro ng basketball na kahit ang mga walang hilig sa laro ay naiintidihan ito.

Sinisid ang bola, tirang palaka, agawang-buko, nangalabaw, buwakaw, ala-Jawo, tirang-Caidic, tambak, kapos—ang mga imaheng tinutukoy ng mga salitang ito ay nalikha sa mundo ng basketball at kayang sapulin ng halos lahat.

Ito ang basketball, tatak Pinoy. Ang pambansang libangan, paboritong laro't kapuso ng bawat Pilipino. Nawala na si Thalia at ang Ghostfighter pero nandyan pa rin ang basketball. Malalaos ang Meteor Garden at mga soap opera ngunit mananatili pa ring matatag ang natatanging lugar at halaga ng basketball sa popular na kamalayan ng mamamayan.

Totoo na lumiliit ang bilang ng mga nanonood ng PBA. At nakakalungkot din ang pagdami ng mga Fil-Am samantalang maraming talento sa bansa ang hindi napapansin. Pero problema ito ng PBA at hindi ng basketball ng Pilipinas sa kabuuan.

Buhay na buhay ang basketball sa kalye't mga komunidad. Hindi humuhupa ang pagsulpot ng mga liga sa bawat barangay.

Ito ang target ni Bayani Fernando: ang basketball sa kalye, ang basketball ng mahihirap.

Tama na dapat laruin ang basketball sa loob ng gymn at hindi sa kalye. Ang kalye ay ginawa para daanan ng mga sasakyan. Pero bakit ba makukulit ang kabataan at sa kalye itinatayo ang mga basketball court?

Kung tutuusin, ayaw ng mga kabataan ang maglaro sa kalye. Una, ito'y nakakasagabal sa paglalaro dahil kailangang huminto kapag may dadaang sasakyan. Tayo nga kapag nanonood ng laro sa TV at biglang nagbrown-out, hindi ba't nakakabitin? Ano pa kaya ang pakiramdam ng isang manlalaro na nakabuwelo na sa paglalaro pero biglang mabibitin dahil may tricycle na kailangang padaanin?

Pangalawa, ang paglalaro sa kalye ay peligroso para sa mga manlalaro at mga pasahero ng mga sasakyang dumadaan. Sabi nga nila, ang bola ay bilog at hindi mo alam kung kailan, kanino at gaano kalakas ito tatalbog. Walang gustong masaktan at makasakit, lalo na ng mga naglalaro.

Kung gayon, bakit sa kalye pa rin itinatayo ang mga basketball court?

Ang kawalan ng sapat na pasilidad para sa paglalaro ang nagtutulak sa ating mga kabataan na gamitin ang mga kalye bilang alternatibong laruan. Ang mga barangay na may mga sports plaza ay hindi naman problema ang kalye na ginagawang basketball court. Kalakhan ng ating mga kabataan ay walang access sa mga pasilidad na ito.

Sa kalye itinatayo ang mga basketball court hindi dahil likas na suwail ang mga kabataan at hindi marunong sumunod sa batas kundi nangangailangan ng malaking espasyo ang paglalaro ng basketball. Pansinin halimbawa na hindi sa kalye nilalaro ang bilyar kundi sa loob ng mga bahay o gusali dahil pwede itong pagtiyagaan gamit ang maliit na espasyo.

Hindi ako naniniwala na malaking sagabal sa trapiko ang mga basketball court sa kalye. Nakakita na ba tayo ng court sa mga pangunahing kalsada, halimbawa sa EDSA o Espana? O maging sa mga sekundaryong daan? Itinatayo ang mga basketball court sa mga hindi dinadaanang kalye, dun mismo sa kaloob-looban ng mga komunidad dahil ayaw ngang paistorbo ng mga manlalaro sa daloy ng trapiko. Kung ang kalyeng yun ay naisipang gawing pampaluwag ng trapiko, ang mga kabataan mismo ang magtatanggal ng court at ililipat ito sa ibang lugar, dun sa walang tao at malayo sa trapiko.

Mukhang may problema ang MMDA sa pagkilala sa basketball sa kalye bilang sagabal lamang sa trapiko. Hindi nito nakikita ang kapakinabangang idinudulot nito sa komunidad at sa lipunan. Hindi dapat maliitin ang positibong birtud na pinapalaganap nito sa ating kabataan tulad ng pagkakaisa, pagkakaibigan at kolektibong kamalayan. Ito ang salbabida ng ilan upang may matirang katinuan sa isang kapaligirang puno ng kabaliwan at kawalang pag-asa.

Kung nakikita ng MMDA sa mga basketball court sa kalye ay sira-sirang plywood, kinakalawang na bakal, kawalan ng disiplina at buhul-buhol na trapiko, ang nakikita ko ay determinasyon at mapanlikhang aktitud ng mga kabataan upang magkaroon ng isang libangang ipinagkait sa kanila ng pamahalaan.

Kailangang kilalanin ang kontribusyon ng basketball sa kalye sa kabuuang pag-unlad ng basketball sa bansa. Karamihan ng ating mga propesyunal na manlalaro ay nahubog sa maagang paglalaro ng basketball sa mga kalye. Katulad sa iba pang palakasan, ang mga manlalaro ng basketball ay gumagaling kung nakakalaban nila ang iba't ibang kalidad ng manlalaro. Sino sa ating mga propesyunal ang magmamalaking nahubog ang mga kasanayan nila sa paglalaro lamang sa mga gym?

Dapat isipin ng MMDA ang pangmatagalang implikasyon ng kanilang gagawing mapangahas at elitistang hakbang sa sosyolohiya ng basketball.

Sa kasalukuyan, ang basketball ay parehong spectacle at nasasabuhay na karanasan. Pinapanood natin sa TV sa gabi at nilalaro natin sa umaga. Hinahangaan natin ang pinong galaw ni Johnny Abbarientos at sinusubukang gayahin sa susunod nating laro sa kalye.

Kung masusunod ang MMDA, matitira na lamang ang mga basketball court sa mga plaza at gymn. Magiging spectacle na ito para sa karamihan at nasasabuhay na karanasan para sa iilan. Ayaw naman nating dumating ang sitwasyon na sa arcades at TV na lamang ang ugnayan natin sa larong basketball. Sa hinaharap, ang maging manlalaro ay isang ispesyalisasyon na wala nang pangmasang katangian.

Ang basketball sa kalye ay mabisang kabaligtaran sa kapitalistang oryentasyon ng PBA o PBL. Hindi ito negosyo at lalong hindi ginagamit upang magkaroon ng makataong imahen ang mga korporasyong may pinopondohang koponan. Kapag nanonood si Danding ng PBA sa Araneta Coliseum, ang tumitimo sa isip ng mamamayan ay katoto nila ito sa pagsuporta sa Coca Cola Tigers o San Miguel Beermen imbes na yung usaping kinakaharap niya tungkol sa coco levy at landgrabbing sa Isabela.

Hindi lamang trapiko ang nasa likod ng bagong patakaran ng MMDA. Dapat itong ibunyag at mahigpit na tutulan.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan