KOLUM
Tindahan sa Garahe

BANDANG HULING bahagi ng Hunyo nang mapansin ko ang karatula sa isang bahay sa pangunahing lansangan ng aming subdibisyon. Ang mga tao raw sa bahay na iyon ay nagtitinda ng libro, sa mababang halaga, tuwing Linggo. Malapit sa simbahan ang bahay na ito, kaya't tamang-tama nga naman ang Linggo.

Ngunit ang bahay na ito ay isa sa pinakamagagara sa lansangang iyon sa aming subdibisyong panggitnang uri. Ibig sabihin, ang nagpatayo nito ay hindi rin gaanong matatawaran ang kakayahang pinansiyal, ngunit ngayo'y nagbebenta ng mga libro.

Ganito rin ang kaso ng dalawa sa aming mga kapitbahay. Pareho silang nagsagawa ng garage sale nitong nagdaang Hulyo. Ang kanila namang ipinagbili ay mga damit at iba pang kasangkapang pambahay. Kagaya ng tinutukoy na bahay sa pangunahing lansangan ng aming subdibisyon, ang mga bahay na ito ay kabilang sa pinakamagagandang bahay sa aming lansangan.

Nitong kamakailan, kapansin-pansing dumarami ang mga nagnenegosyo nang ganito saan mang dako tayo mapaliko, lalo na sa Kalakhang Maynila. At ang lalo pang kapansin-pansin dito, karamihan sa napapansin nating ngsasagawa ng ganitong negosyo ay mga tahanang hindi natin kailanman inakalang magnenegosyo nang ganito.

Ang mga garage sale ay mga negosyong napakaliit. Ang mga ito'y walang hinihinging puhunan liban sa mga lumang pag-aari o kagamitan. Di kasi, napakaliit lamang ng maaaring kitain sa ganitong mga negosyo—talagang panawid-gutom lamang na pansamantala, dili kaya'y pandagdag sa maliit na kinikita. Hindi magnenegosyo nang ganito ang sinuman sa ngalan lamang ng pagnenegosyo—ang nagnenegosyo nang ganito ay tiyak na may mahigpit na pangangailangang pinansiyal.

Sa kanyang mga State of the Nation Address (SONA) noong 2002 at 2003, sinabi ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na umunlad ang ating ekonomiya. Madalas pa, pag hindi siya nagbibigkas ng ganitong talumpati, ay gumagamit siya ng estadistika upang patunayan ang ganitong pinagsasasabi sa kanyang mga SONA: kesyo tumaas ang per capita income ng bansa, kesyo tumaas ang gross national product ng Pilipinas, at kung anu-ano pa.

Ngunit may estadistika at may estadistika. Hindi lahat ng estadistika ay kapani-paniwala; may mga estadistikang malalaman mong imbento lamang kahit na hindi ka dalubhasa sa sosyolohiya, ekonomiks, at matematika o kaya'y sanay na mananaliksik—estadistikang malalaman mong bula lamang kung titingnan mo ang paligid.

Maglakad tayo sa lansangan sa loob ng kahit na dalawang oras, at tiyak na may mararaanan tayong garage sale. Marami pa sa mga bahay na ito ay magaganda rin namang bahay. Sa mga lugar na dati na nating ginagalawan, mapapansin natin ang mga garage sale sa mga bahay na hindi natin kailanman inakalang magsasagawa ng mga ito.

Iyan ba ang mga palatandaan ng isang umuunlad na ekonomiya?

Sa librong Ang Prinsipe ni Niccolo Machiavelli, itinuturong ang panlalansi ay isa sa mga sandatang maaaring gamitin ng mga pinuno upang patagalin ang kanilang pamumuno. At mahusay itong nasusunod ng mga pinuno ng karamihan sa mga bansa.

Ang sandatang ito ay ginagamit din sa atin. Pilit tayong pinapaniniwalang mabuti ang ating kabuhayang patuloy na nauubos ang kapital dahil sa pangingibabaw ng mga transyasyunal na korporasyong Amerikano at ng mga kasapakat nilang ilang negosyanteng lokal tulad ng mga Cojuangco, Gokongwei at Concepcion upang huwag tayong makaisip na palitan ang kasalukuyang mga kalagayan.

---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977 at Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com. Madalas din siyang mababasa sa Dalityapi Unpoemed at marami-rami na ang nasulat niyang artikulo sa BNext. Sangkot siya sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o sa Internet

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan