INTERNASYONAL NA ang DALITEXT!
Pinutungan bilang mga TextMakata ng Linggo sina Vladimeir Gonzales
at Frank Rivera sa ikalawang yugto ng DALITEXT Poetry Writing Contest.
Sina Libeto F. Vargas, Jr., Ricardo Palaypay, Ralph Vierneza, Desiree
Lustre, Joselito de los Reyes, Joel Malabanan, Karina Montesines,
at Frank Rivera ang mga consolation prize winners.
Nakatanggap ng higit sa tatlong libong lahok ang komite ng DALITEXT
, tatlong beses na mas marami kaysa sa unang linggo. Maliban sa mga
lahok na mula sa probinsya, maraming mga dalitero ang nagpadala ng
kanilang tula mula sa Qatar, Saudi Arabia, Hongkong, at South Korea.
“Gumamit ng iba’t ibang literary devices gaya ng allusion sa kaalamang-bayan
at sa mga nobela ni Rizal ang mga makata sa batch na ito. Siyempre
pa, maalam din sila sa mga pangyayari sa kasalukuyan,” pahayag ni
National Artist Virgilio Almario na pinuno ng mga hurado.
Narito ang mga nanalo:
Ang punong mangga’y tinagpas
at sinilaban ang ugat;
bunga’y nalaglag, naagnas,
namulat naging mansanas.
V. Gonzales
Kinakalambre sa lamig,
laging may ulang tikatik,
bayang parating may sakit,
iaangat ng pag-ibig.
F. Rivera
Maging malaya’y malayo,
sa politika’t pangako;
lalo na’t totoong puso,
sampalataya’y sa Kano. L. F. Vargas, Jr.
Saan na nga ba napunta
ang sinisigaw sa EDSA?
Tila sermon lang sa misa,
pauwi pa lang, limot na.
R.Palaypay
Ang hinaing mo, Malakas,
huwag daanin sa dahas.
Ibaba mo iyang armas,
magbasa ka at sumulat.
D. Lustre
Parang masakit na ngipin,
bayang nagpapaalipin.
Bulok dapat nang bunutin,
mabungi man, buo pa rin.
F. Rivera
Kung saliwa sa panahon
ang himagsik at paghamon
Ay! Mga Elias at Simoun,
ang baya’y hindi babangon
J. de los Reyes
Edukasyong makabayan: vIngles, pinag-aaralan.
Uunlad ang kabuhayan
nitong bansa ng dayuhan.
J. Malabanan
Kung kandilang makabayan,
sa ating puso’y sindihan,
di na natin kailangan
ang liwanag ng dayuhan.
K. Montesines
Ang bahay ko sa baryo,
walang kakanda-kandado,
parang kaban ng gobyerno,
labas-masok kahit sino.
R.Vierneza
Nilalayon ng DALITEXT contest na mapalaganap at mapasigla ang pagsulat
ng dalit, isa sa mga pinakamatatandang anyo ng tula, sa pamamagitan
ng makabagong teknolohiya. Ang dalit ay isang maikling tulang binubuo
ng apat na taludtod na may tugmang isahan. Bawat taludtod ay may walong
pantig na nagpapahayag ng isang buong diwa.
Ang mga lahok sa DALITEXT ay kailangang nakasulat sa Filipino at
nagpapahayag ng pagmamahal sa bayan. Ipadala ang lahok sa mga numerong
(0920) 836-7541 at/o (0918) 531-1669 kasama ang pangalan ng kumatha.
Tatanggapin ang mga lahok hanggang alas-singko ng hapon sa bawat Biyernes
ng Agosto.
Bawat linggo sa buwan ng Agosto, pipili ang mga hurado ng dalawang
mananalo ng Tig-lilimang libong piso (P5,000) at may walong consolation
prizes na tatanggap ng dalawang libong piso (P2,000). Hatid ito ng
National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Filipinas Institute
of Translation, Inc., UMPIL at UP Institute of Creative Writing.
Para sa dagdag na detalye, tawagan si Badong sa 922-1830 o ang NCCA
sa 527-2192.