Minsan sana
habang hinihigop ang mainit na kape,
habang nagpapadede,
habang nilalasap ang tamis ng
sorbetes at tsokolate,
habang itinatawid sa gutom ng
instant mami,
habang natutuwa sa mga bagong
dyingel at komersyal sa TV,
sana maisip mo
ang daan-daang manggagawang
binobomba ng tubig habang
payapang nagwe-welga
...ang daan-daang hinahambalos
ng daan-daang pulis
at mga bayarang gwardya.
...ang daan-daang nawalan ng trabaho
habang ang may-ari'y nalilito
kung saan magpapasko.
Kaya habang nag-aalmusal, sana maisip mo
na sa likod ng daan-daang ito
ay daan-daang asawa,
daan-daang maliliit na bata
daan-daang humihingi lang ng mga
pinaghirapan din naman nila.
...daan-daang mag-aaplay pa.
daan-daang nagugutom at
daan-daang mahahapding sikmura.
at daan-daang tulad mo,
may karapatan din namang
makapag-almusal tuwing umaga.