Bahagi ng tula na kasulukuyan kong inaakda para sa aking sarili.
I
Salamat sa iyong pagmamahal.
Malaking tulong sila
kapag naghahanap ng init
ang puyat kong sikmura,
at ang salat kong kusina
ay makakapag-alay lamang
ng instant batchoy la paz
(mainit, maanghang,
humahagod sa lalamunan
salamat sa teknolohiya
ng mga sakang).
Kasama ng mga piniratang
MP3 sa aking computer,
ang pagmamahal mo ay may
kakayahang sumira at lumikha,
magpasulpot ng mga nawawala.
Praning na kasi ako sa kahahanap;
kanina ko pang iniisa-isa
ang laylayan ng aking maong
at manggas ng kamiseta,
para sa mga naiwaglit niyang
dahilan at kahulugan.
Lubha siyang naging burara
nitong mga nakaraang araw.
At kapag sinumbatan ko siya
sa mga nawawalang bolpen at libro,
alaala at pandama, tiyak ko,
kakapain niya ang aking noo
para sa mga guhit na walang pangalan,
na paglaon ay pakakawalan
niya sa mga eskinita at lansangan
upang wisikan ng mga palayaw
na Lumpen, Coño, Jolog at Kupal.
May dahilan at kahulugan
ang lahat para sa amin.
Mga dahilan at kahulugan
na kung aming papagutin
ay manghihikayat pa dito nang higit
pang pagtatasa, pagsasadya.
Kaya mabuti na itong itaboy
ng aking noodles ang ginaw,
ikulong ang sarili sa tibabal
ng lumalayo niyang ngiti at pansin.
Iisa ang tinatapakan, ngunit parang
sa isa't-isa'y napakalayo namin.
II
Salamat sa iyong pagmamahal.
Mananabik ako sa marahan
mong paghaplos sa aking tagiliran,
lalo pa't ang mga hiwaga ko
ay lango na lumalangoy
sa mga ipinapahiwatig
_______ng kanyang tadyang,
_______ng kanyang pantugma.
Ano't bigla'y nagising akong
dinadantayan ng mga taludtod niya
_______na walang laya,
_______mga salita
_______na may iisang mukha?
Kumikiskis sa aking hita
ang kanyang mga patnig,
at dinudukot ng kanyang
mga patinig ang pumipintig-pintig
sa nagpapawis na salawal, upang
_______halukayin, buhayin,
_______ang aklat-aklat
_______at palapalapag
_______na kababalaghan.
Totoo sa kanyang ipinangako,
Mula nga ng umagang iyon
ay malalamig na anino sila
na ayaw humiwalay,
maya't-mayang nakikipagbuntalan
sa mga inaanak ng aking dila.
Walang anumang nilalapastangan
ang puso at pusod
ng aking aklat-kalatas:
mula sa nakasanayang
_______pagtitimpla ng diningding
_______at pagpapatutong sa sinaing,
_______hanggang sa kung
_______paano paaapakin sa lupa
_______ang mga abstraktong
_______damdamin at kaisipan,
_______paanong masasaksihan
_______ng mga panlasa at paningin
_______ang seminal na semilya
_______ng aking malay, kamalayan.
Ay! Nagtalsikan sila
sa lahat ng dimensyon-
mula sa mga pader ng simbahan,
hanggang sa noo at puwerta
ng mga poon at propeta!
At walang pag-aalala silang
nag-aabang na malunod
sa mga hinulaan niyang
sumpa at pangamba:
_______ang nagmula sa lumikha
_______ay sa lumikha rin mawawala.
Hanggang ngayon,
ang mga salita niya'y
pasanin sa aking balikat,
walang-habag na tumitigil,
naninirahan at naghahari-harian
sa labi ko at halik.
Nanghihimasok sa mga
tinuping damit sa aparador,
ihinihiwalay ang puti sa de-kolor,
Winasak ang nakasalansang
kumot at unan,
gumiba at nagpaguho
sa mga dating pantawag,
upang itanim sa aking dila
ang mga kinalalaswaang
_______bulbol,
_______puki,
_______titi,
_______bayag,
_______burat,
_______tinggil.
Nananahimik ako ngayon
pero ang bibig ay patuloy
na pumapalahaw sa kawalang-kibo
ng mga bagong tatag at latag na kataga.
At paulit-ulit kong isinumpa ang sarili.
isinumpa ko ang bawat hininga,
pinagpapaslang, pinagpapatay.
At ang kanilang mga sunud-sunurang
bangkay at kalansay
ay nagsilbing pangkulay
sa mga gabing katulad nito:
_______na habang isinasauli
_______ang mga natuping
_______maong at kamiseta
_______ay buong-tapang
_______namang naghihilik sa tabi
_______ang anino ng mga salitang
_______napulot ko sa daan.
III
Salamat sa iyong pagmamahal.
Matagal nang nagsupling
sa aking pintuan ang gabi-gabi
kong paglulunoy, paglangoy
sa kanyang higaan.
Sa banayad at tulog niyang dibdib,
ang pag-uusisa ko ay pusa
na dumidila sa talampakan
ng kanyang pananahimik,
_______pagtahimik.
Sa pagitan ng kanyang paghinga,
iniisa-isa ko ang mga pinatag
na baraha sa hapag,
mandi'y sugal o kapalarang
naitakda, itinakda,
inaalam ang pangalan
ng mga nakaambang panganib;
sakaling lisanin ang pangpang na ito
at magpasya akong maglayag
sa kabilang ibayo,
paano akong sasalubungin
ng Lumikha?
Nakasimangot o nakangiti?
Nakatikom ang mga palad
o nakabuka?
_______Upang higupin
ng kanyang mga daliri
ang aking
_______nagbubutil na buhay,
_______humihingang uhay?
Sino ang maaaring kumitil,
pumaslang sa akin?
Dalawampu't siyam na tag-araw
na akong inuugoy ng mundo.
Namatay na si inay,
namatay na si tatang at inang.
Araw-araw na lumuluwa ang obitwaryo
ng mga kaluluwang hindi makapagsalita,
ayaw magsalita, nawalan ng salita.
Dalawampu't siyam na tag-ulan
na akong inuugoy ng mundo
at naglalaway pa rin ang sarili
sa ipinangakong dahilan, kahulugan
ng mga nakadantay na salita.
Mga kahilingang hindi mapagbigyan.
Mahirap makalimutan at kalimutin,
kahit na gabi-gabi kong puyatin ang sarili
sa pagtutupi ng awit at galit,
at halukayin ang mga kulay
upang alukin ng buhay
ang tahanan kong naghahanda,
sa pagdalaw ng mga bisitang
ipinakilala ako sa
bulbol, puki, titi, bayag, burat, tinggil.
Nasaan na sila?
Pinananabikan ko noon pa
ang kanilang sayaw at sigaw,
awit at tawanan,
nakatutuwang halakhakan
pag napaso sa paghigop
ng mainit at maanghang
na batchoy la paz.
May katwiran pa kaya
na lumikha ng mga bagong aklat
gayong ang mga kapit-bahay ko
mula sa kaliwa hanggang kanan
ay nag-aalinlangan at walang nalalaman,
tungkol sa tunay kong pangalan?
Tinawag akong Lumpen, Coño, Jolog at Kupal,
gayong ang kasalanan
ko lang naman ay
_______tinangka ko na isawika
_______ang pinagbabawalang mahika
_______sa bungo ng mga mandirigma;
_______dahil ang dugo sa puso ko
_______ay mas amoy banyaga;
_______at ang lumalapat
_______sa kaluluwa't balat
_______ay mga imported
_______na maong at kamiseta;
_______habang nakasaksak sa bulsa
_______ang bente nuwebe,
_______ice pick, sumpak, paltik ;
_______dahil may kapangyarihan
_______akong panatiliing buhay
_______ang sarili gamit ang bisa
_______ng pansit, mami,
_______loglog, instant noodles,
_______nang walang pag-aalala
_______na kulang ang sustansyang
_______kinukomunyon
_______ng aking laman at diwa.
Buong-buhay na akong namamanghal
Sa paghahanap.
Nagbanta na ang
konstelasyon:
walang laman ang lapidang
itatanim sa aking libingan.
Kaya itigil na ang kahibangan!
hindi ko nais pang mabuhay para sa iba.
Pagmamay-ari ko na
Ang natitira pang hininga.
IV
Salamat sa iyong pagmamahal.
Kanina'y hanap-hanap kita habang
tinititigan ko ang orasan.
Parang kinakapos palagi ako sa panahon
nitong mga nagdaang kahapon.
Kayraming dapat agawin at gawin-
_______itatanim na rosas sa hardin,
_______nobela sa pakikidigma na susulatin,
_______batchoy la paz na dapat lutuin.
_______Paghahanap sa sarili na dapat,
_______painumin, pakainin.
Dagdag pa na ang pasalit-salit
na pagsasalsal ng mga nakasalansan
na salita sa aking kandungan,
ay parang mga sundang
na iginuguhit sa aking talampakan
ang nais nilang tuntunin.
Pinupunit ko minsan
ang aking kamiseta upang magsilbing
panangga at pantanggap
_______sa nais tunguhin ng mga paa,
_______sa nais makita ng mga mata.
Kung makikinig naman ako
sa sumbat ng orasan
ay higit lang akong maghahangad
at maghahanap ng mga bagay
na hindi naman na dapat, nararapat.
Kung mangusap ako ngayo'y
hindi na sumasayad sa lupa
ang mga tamod kong isinusuka
ng bunganga.
Wala ng relasyon, koneksyon
ang mga iginagabay na yabag
ng mga bagay-bagay.
At ang pagtitimpi ko ay nariyang
umiksi at humaba,
lumuhod at dumapa,
magbutong-bulaklak at magbalat-bakal;
hindi alinsunod sa niloloob
ng matandang gunita
kundi ayon sa kung ano
ang ipinapasya, ikaliligaya,
ng mga metro at sukatan
ng mga makatang inuulam
sa agahan, tanghalian,
at hapunan, ang mga
bulbol, puki, titi, bayag, burat, tinggil.
V
Salamat sa iyong pagmamahal.
Nakikita kita sa mga bigote ko
na kinukuyog ng kambal kong pantabas.
At kapag sasabunin na ang pisngi
ay hindi ko maiwasang sariwain
ang sinabi mo sa akin noong magpista
tayo sa mga biniling biskotso
at sabaw ng buko:
"sa ilalim ng ating mga damit,
ang bawat parisukat sa ating balat
Ay magkakulay," kamo.
At hindi ko makikita sa iginuguhit
ng iyong pisngi ang nasa isip mo
na dumudurog, humuhubog
sa aking sariling anyo.
Ano ba ang nais mong ipahayag at sabihin?
Nanghahapdi ang mga mata ko
sa paghahanap ng mga iwinaglit
mong dahilan at kahulugan.
Nailadlad na ang lahat
ng laylayan ng mga maong.
At ngayong ako'y magtsitsinelas,
tiyak ko, muli kitang maaalala
kapag bumusina ang mga dyipni
at dinala ako sa mga lansa
at alikabok-lansangan ng Diliman.
Maaaring may mangyari
sa akin na masama.
Baka tumagilid ang sasakyan
o kaya naman ay may magtarak
ng bente-nuwebe sa aking tagiliran.
At mamamatay ako sa kalsada
nang walang kahulugan,
walang dahilan, walang pangalan,
at hindi kailanman napaamo
sa mga palad ang mga pinugutan nilang
bulbol, puki, titi, bayag, burat, tinggil.
VI
Salamat sa iyong pagmamahal.
Kung pagmamahal ngang ituturing
ang labis-labis na pagharap mo
_______sa salamin,
_______sa nilalarawan
_______ng mga salagimsim.
Damang-dama ko ang pananabik
sa pagpisil mo sa aking bayag,
kapag huhugasan ko ang mga pinggan
at hinubad na ang binili mong singsing
para sa akin.
At bigla, kahit gising at nakatayo
ay dumarating ang mga salita,
ang kanilang mga sandata,
at sinusugat ng kanilang
mga dila at ngipin
ang mga sapin-sapin na takipsilim
sa aking paningin.
At ang pangitain ko'y magagawang tumagos
sa mga ipinagkakaila nilang akala:
damdaming itinubog
sa mga pangako ng tula
na hugasan man ng maaanghang
na dugo'y mananatiling alapaap at alaala
na kung matuto ngang maglayag,
o manaog sa kinaaapakan
ay mananatili namang bilanggo
ng sariling larawan sa salamin.
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa mga karton ng sigarilyo, ginuhitan
ng mga nagsasalitang itik at daga,
upang italaga sa magandang bata
sa tindahan. Ngiti lang ang sinukli niya
sa iyo, ngunit ang natanggap mong ligaya
ay hindi mapagkasya sa dalawang bulsa.
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa isang dilaw na palaisipang ibinigay sa iyo,
isang gabi, ng isang dalagitang nag-alay
ng kahuli-hulihang ngiti, upang hindi na muling
makita pa, magkita pa. Kung ilang laksang
ulit nang nanliwanag at nandilim ang pag-asa,
ngunit ang huli niyang pabaon sa iyo'y andito pa rin,
masinop na nakatupi at patuloy
na nanganganak ng mga palaisipan.
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa isang kulay ng kapapanganak na dugo.
Andito pa rin ang kaisa-isa niyang sulat
na paulit-ulit mong nilalanghap, kinakabisa,
sinusukat ang ugnayan ng mga kurba at kulay,
lapad at taas; isinaisip ang mga salita,
titik at pananda; liham na nangungusap sa panaginip,
at sa paggising ay nananaog sa iyong ngiti
bilang mga talulot na titik, paruparong salita.
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa malambing na pagsulyap at pagngiti
ng isang Reyna Elena, isang gabi ng Mayo
at nakikipag-agawan sa mga alitaptap at bituin
ang talinghaga ng mga rosas at kamya.
Sinibat niya ang iyong damdamin.
Dumugo ng ligaya ang nagbibinata mong dibdib
at ang di-masukat na saya ay sa lupa bumaha.
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa mga paglalambing at pagtatampo
ng isang mutyang parating hinihimatay,
lalo pa't hindi magkasundo ang apoy at tubig
sa kanyang bibig at dibdib.
Isinumpa mo man siya at minura,
ngunit hanggang ngayon ay humahalakhak
ka pa nang umiyak siya matapos tumanggi
nang tanungin, kung mahal ka ba niya?
Nginingitian kita, ngunit ang mga alaala mo'y hitik
sa mga elektronikong titik na hindi lulumain,
bubulukin. Dahil likha sila ng pinalayang damdamin.
Pumaroon at pumarito patawid sa dagat Artiko;
kapwa nagsalo sa pagkakasalang umibig ng sabay,
habang ang dibdib ay nag-aalay sa iba
Pang manlalakbay, kaakbay, kaagapay.
Nginingitian kita, ngunit ang igaganti mo sa akin
ay isang mito na hindi matapos-tapos,
o siguro ay ayaw mong tapusin.
Dahil ang salita mo'y hinahabol
ang sariling buntot, kinakain
ang sariling ugat, sa isang selebrasyon
ng koneksyon at diskoneksyon,
pag-ayon at kontradiksiyon.
Pagkatapos ng labinlimang taon
ay napabalitaang mo ang bata sa tindahan
na nambabalibag ng pinggan
sa malibog na asawang ginagawang pain
ang mataas na pangalan at maliit na bayag.
May mga anak na sila, pero kinuwentuhan
ka niya kung paano nila pinapatulog
sa pagmumura ang mga sarili;
dahil magulo ang pagkakaayos ng langit
at ang galit at inggit
ay pirming nakaamba sa kanilang
bulbol, puki, titi, bayag, burat, tinggil.
Kumare ko na ngayon ang babae
Sa kabilang dako ng Artiko,
maging ang dalagang hinihimatay.
Palaisipan sa aking ngayon ang dilag
na hindi na muling nagpakita.
Nangibang-bayan na ang dalaga
na naghulog ng mga titik na talulot,
doktora na si Reyna Elena.
Ako, andito, kinukulit ng asawang Bikolana
na itigil na ang pag-akda,
dahil malamig ang gabi,
at ang mga bisig ay naghahanap
ng kayakap, ang mga labi'y naghahanap
ng kausap.
Alas tres na na naman ng umaga.
Hindi ka naman dati umiinom ng kape,
pero nitong mga huling linggo'y
nakikipaglandian na ang mga asido
ng iyong tiyan sa asukal at caffeine.
Kasamang napupuyat ng tasa at platito,
kutsarita at baso ang mga papel
mong nagpagulung-gulong sa mesa.
Tulog na ang buong mundo
ngunit ikaw ay nakaupo sa iyong trono,
pilit na pinupudpod ang talino.
at ngayon nga'y hinihingahan mo
ng buhay ang palapalapag ng tula
na kung matuto mang maglakad
ng mag-isa'y wala namang katiyakan
na igagalang ng iyong mga anak,
kapag natuto silang magbasa
at maghanap ng naiwaglit
na dahilan at kahulugan
sa tinuping laylayan ng iyong
mga awit at tula, taludtod na may laya.
Paanong magiging bahagi
ng alaala nila ang mga
bulbol, puki, titi, bayag, burat, tinggil?
Sa halip, maaari mong itanim sa isip
nila kung paano mo timbangin
sa magdamag ang dalawampu't siyam
na pamamaaraan kung paano
masusungkit ng iyong dila
ang mga natitirang karne sa tatlong singit
ng iyong tinidor.