LUNES. HAPON noon sa loob ng isang silid-aralan ng isang premyadong
pamantasan. Malakas ang ulan. Kausap ng guro ang isang pisarang sa
tingin ko ay aantukin din kung ito lamang ay may buhay. Nagkukuwento
siya tungkol sa mga metal at alloychemistry 'ata. Ang mga mag-aaral
naman ay kung anu-ano ang ginagawa: lumabas ng silid ang ilan marahil
na rin siguro sa kaantukan; ang iba naman ay nakatulog na; at ang
ilang iba pa ay nagkukuwentuhan. Pero ayos lang 'yun, wala naman kasing
pakialaman sa kolehiyo. Mayroon din namang mga nakikinig. Marahil
ay iba't iba rin ang dahilan nila kung bakit: tunay silang interesado
sa chemistry, kailangan sa nalalapit na exam o kaya nama'y wala silang
magawa at sayang ang perang ibinayad nila kung kaya't buong tiyaga
nilang pinapanood ang trip ng ng guro: ang pakipag-usap at problemahin
ang iba't ibang mga hindi humihingang mga bagay.
Lunes. Hapon noon sa gilid ng isang kalsadang malapit sa Cubao. Malakas
ang ulan. Nagmamadaling kumilos ang mga taong naabutan ng ulan, marahil
pauwi sa kani-kanilang mga bahay o patungo kung saan man. Subalit
ang isang bata ay hindi. Hindi man lang siya natitinag ng ulan. Patuloy
siyang kumakatok sa bintana ng mga kotse. Humihingi ng kaunting barya,
pambili lang siguro ng panglagay sa sikmura niyang kinain na ang iba
pa niyang bituka dahil sa gutom. Ang iba nama'y may dalang mga lata
at baso, lalagyan din ng mga barya. Marahil ay pambili naman ng gamot
sa kapatid o inang maysakit. Ang iba nama'y may bitbit na basahan,
kaunting punas kapalit ng kaunting barya. Ang malungkot na katotohanan,
kung sa kolehiyo'y walang pakialaman ay mas higit na walang papakialaman
dito. At hindi ayos 'yun.
Mayroon namang iilang natulog na lang sa ilalim ng tulay. Umaasang
kung hindi man sa paggising, kahit lamang sa panaginip, ay makarating
sila sa silid-aralan kung saan hindi nila alam na ang guro'y nakikipagkuwentuhan
sa pisara't hangin.