TINIG
Nangungulit Ang Iyong Alaala

ILANG TAON na ang lumipas. Hindi pa rin kita makalimutan. Sana nga ay alam ko kung bakit—pero hindi talaga. I shouldn't be thinking about you. Ang tagal-tagal na nun ano—fourth year highschool pa tayo. Kung tutuusin nga ay talagang dapat naglaho ka na sa diwa ko. May boyfriend na ako. Apat na taon na. Kaso nandiyan pa rin ang alaala mo eh—nangungulit.

Actually, naiinis nga ako sa 'yo; mukha akong tanga sa pagpapa-cute sa'yo. Pinansin mo ba naman ako? Hindi! Pero laking pasasalamat ko do'n sa kaklase mong si Dino—ipinakilala niya tayo sa isa't isa. Napaka-ginoo ng tingin ko sa 'yo noon kasi nakipagkamay ka pa. Kinilig nga ako. Sobra. Ayoko sanang hugasan ang kamay ko pagkatapos noon. But I had to—kakain kasi kami.

Naalala ko pa no'ng nag-student teacher ako. Bigla kang lumapit sa akin sa canteen ng San Lorenzo. Tahimik kong ninanamnam ang cheese pie habang nagtse-check ng quizzes ng klaseng hawak ko. Ang alam ko lang noon, pinanonood kita nang patago. Pasulyap-sulyap lang ako. Bigla kang nawala sa paningin ko. Pagtalikod ko bumulaga ka sa akin. Nagulat pa nga ako. Nag-blush. Pero hindi mo siguro nahalata 'yon. Manhid ka kasi. Tinanong mo pa ako kung anong oras na. S'werte ka, may relo ako. Nakipagdaldalan ka pa ng konti. Makikipag-usap ka pa sana kaso tinawag ka na no'ng maarteng babaeng kaibigan mo. Inirapan pa nga niya ako pag-alis n'yo. Feeling ko crush ka rin no'n dati.

Kilala mo ba yung babaeng "secret admirer" mo? Ako 'yon. Binigyan pa nga kita ng recollection letter na nasa test tube. Tapos nagdrowing pa nga ako ng anime—kinopya ko sa stationery ng kaklase ko. Pinaghirapan ko 'yon. Para sa 'yo. Balita ko kasi mahilig kang magdrowing. 'Ayun, ginaya kita.

Akala ng mga ka-batch natin nililigawan mo ako dati. Tinatanong nila ako. Ang laging sagot ko, "Hindi." Sa isip-isip ko, "Sana." We didn't even become close friends. Tapos nalaman ko na lang pagka-graduate natin yung natsitsismis na nililigawan mo, buntis na. Kayo na pala, di ko pa alam. Di ba tinanong pa kita dati kung kilala mo siya? Sabi mo lang "Sino 'yun?" Samantalang ikaw pala ang ama ng nasa sinapupunan niya. Malihim ka talaga.

Balita ko lalaki raw ang anak mo, at sobrang guwapo kagaya mo. Sayang, di naging tayo kahit sandali lang. Mahal na mahal pa naman kita. Kaso may pag-asa pa ba ako? Wala na. Ang ganda naman kasi ng naging asawa mo. Yun nga lang parang may personality disorder—kahit kasi kinakausap na siya hindi pa rin sumasagot. Saksakan ng tahimik. Ikaw rin tahimik. Sa tahimik pala may nabubuo. Biro lang.

Nung bandang huli rin naman pala, nalaman mong ako ang sikretong manliligaw mo. Sagwa 'no? Okay lang. Di naman nakakahiya para sa akin. At least naipakita ko ang nararamdaman ko para sa iyo. Mahal na mahal kita—noon. Talagang minahal kita. You kept me sane. Your thoughts kept me sane. Muntik na akong maloka dahil sa manloloko kong boyfriend. Pero no'ng nakita kita, nakakita rin ako ng dahilan para magpatuloy sa buhay, para lumigaya.

Natotorete nga ako sa pagka-senti, lalo na pag naririnig ko ang kanta ng Barbie's Cradle. Bagay sa atin yun: "Don't you know/ Eleven years is a long time/ To freeze a heart/ Eleven years is long enough/ To make a girl insane, Paul." Kaso wala pa namang eleven years ang nakakaraan. It just seems so.

You know, I want to see you. One last time. Gusto ko lang malaman kung ayos ka lang ba talaga. Sana kapag nagkita tayo, pansinin mo naman ako. Nami-miss ko na rin kasi ang maliliit mong mata na nagtu-twinkle kapag ngumingiti ka.

Haaayy... Hindi na siguro kita malilimutan, Paul.

---------------
Inaalay ni Silakbo ang piyesang ito kay Paul Dominic.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan