TINIG
Ang Istorya ng Isang Ewan

IN DEMAND pala ako ngayon sa kabilang buhay. 'Tang ina, akalain mo bang pina-pirate na ako ni Kamatayan sa kabilang buhay? Marahil, may malaking theater production doon sa impiyerno at nangangailangan sila ng isang kaluluwang sintu-sinto. Wala sigurong maispatang kaluluwang may pitong personality disorder na nababagay sa role na hinahanap ni Satanas. Nagtaka nga ako nung una kung papaano nalaman ni Kamatayan ang malaki kong sikreto. Wala namang tao sa Internet cafe noong nag-take ako ng personality test at di inaasahang nahakot ko halos lahat ng personality disorders. Pero sinabi ko sa sarili kong lalabanan ko ang mga disorders na 'yon.

Hanggang sa isang araw na talagang wala na akong kapag-a-pag-asa dahil sa isang insidenteng dulot ng aking katangahan, at pagiging palaging wala sa sarili. Inatake ako ng pitong personality disorders at mas pumangibabaw dun ang pagiging paranoid ko. Whew. Lintik, akalain mo ba namang habang sinasarili ko ang problema at emote na emote e na-discover ni Kamatayan ang acting ability ko. Hanep, kinontrata agad niya akong pumunta sa kabilang-buhay at bibigyan niya ako ng mga fringe benefits; muntik na nga akong masilaw:

1. Pagiging popular sa impiyerno.

2. Magiging matinee idol.

3. Maha-harness ang acting career ko.

4. Malaya kong gawin lahat ng nais ko.

5. Lalayo ako sa problema.

Hu, natagpuan ko na lang ang sarili kong nagba-browse ng suicide sites dahil sa nasilaw ako sa mga pangako nang biglang may narinig akong napakalakas na ungulan sa Internet cafe. Tiningnan ko kung ano 'yon at halos lahat ng mga nagsu-surf ay napatingin sa 'kin.

Nakakahiya, sa speaker ko pala nanggagaling ang malaswang tinig na yaon. Nakalimutan kong nagda-download pala ako ng malalaswang video with sounds para maaliw at mawala ang depression.

Pero salamat doon at nauntog ako, at para pagtakpan ang nagawa kong kahihiyan, nilakasan ko ang speaker at nagdownload ng kanta o chant ng Gregorian Chant, "Tears in Heaven" ang tugtog, akalain mong naging simbahan ang buong Internet cafe. At dahil sa tugtog na iyon, kinilabutan ako at naalala ko ang walang hanggang impiyerno. Aba't ayoko yatang matusta habang buhay, kaya tinigilan ko na ang kahibangan ko. Nag-logout na ako at dali-daling umalis dahil sa kahihiyan.

Inisip ko kung ano na kaya ang susunod nilang itatawag sa akin sa Internet cafe na iyon. Dati, Bookworm at TextTwist ang tawag nila sa akin dahil sa palagiang paglalaro ng mga larong ito. Marahil, Ungol King na ang maririnig ko sa susunod na mag-i-Internet ako duon

Depressed pa rin ako, pero masarap ang tulog ko nang gabing iyon, pero paggising sa umaga, kinakabahan na naman ako na ewan. Pero nalampasan ko lahat ng mga iyon nang malaman kong:

1. Nakakahiya akong ma-depress: ungol ang maririnig mo sa speaker ko.

2. Magastos madepress: nanlilibre kasi ako.

3. Nakakataba: kain ako nang kain, sayang ang pinaghirapan kong katawan; balak ko pa namang sumali sa mga patimpalak ng pagandahan ng katawan, kaso, 33 inches pa rin ang waistline ko.

4. Maraming nagmamahal sa akin: marami akong mga kaibigan na sa gitna ng mga gabi at umagang-umagang tine-text ko at sa kabutihang palad e nagrereply sila ng mga inspirational messages. Ngunit sa katunayan, gusto nilang sabihing, anak ng lintik kang Sherbien ka, umagang-umaga/gabing-gabi na, iniistorbo mo ang tulog ko.

5. Hindi pa ako nakakaganti sa mga nang-aapi sa akin, siguro, kung bumigay ako sasabihin nilang (iiyak muna sila), "naku, napakabait niya no'ng nabubuhay pa," at deep inside sasabihin nilang "he's a loser at kahit kelan, wala pa siyang napapatunayan sa buhay." Naku, ayokong maging kaluluwang nanggagalaiti sa galit. Baka mamaya e mabalot ang mundo ng kadiliman dahil sa galit ko.

6. Marami pa akong mga pangarap, tulad ng ma-feature bilang number one sa sexiest men in the world.

7. Inisip kong marami pang taong mas malaki ang problema sa akin gaya ng mga senador na nag-iisip kung papaano makalusot sa ginawang milagro.

8. Wala akong paggastos sa burol. Gusto ko maging enggrande ang burol ko at isa pa di naman ako maililibing sa libingan ng mga bayani. So, puwede na akong mamatay kapag pwede na ako sa libingan ng mga bayani nang walang mga taong tututol. At ayokong mamatay nang walang kahit ni singko.

9. Ayon sa kanta, everybody cries, everybody hurts at di lang ikaw ang nagdurusa, di lang ikaw ang... pasakit mo'y may katapusan kaya mo yaaaaaaan...

Kaya sa mga huling minuto, nag-back out na ako sa offer ni Kamatayan. Baka mamaya habang pagalagala ako sa mga mall e may maka-discover sa aking talent scout at pasisikatin niya ako—dito sa mundo at hindi sa impiyernong natotorta ang pinaghirapan kong morenong kutis.

Hanggang sa ngayon, balak kong maggala sa mga mall kaso tinatamad pa ako. Maybe this is not the right time for me to enter showbiz. Marahil, sa pulitika ako babagsak dahil may traits akong gaya sa mga pulitiko: pagiging paranoid at schizophrenic.

---------------
Si Sherbien ay isang sintu-sinto, tahimik na tao pero bastusin ang bunganga pag nagsasalita, at paminsan-minsan at palagi, nonsense ang sinasabi.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan