TINIG
May Pulis sa Ilalim ng Tulay!

MINSAN KO nang narinig ang awiting may ganitong lyrics: "May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay." Madalas itong awitin sa mga umpukan sa mga tindahan, lamayan, at maging sa mga kasiyahan na nauuwi sa kantyawan. Kamakailan lamang ay narinig ko na naman ito sa isang patalastas sa telebisyon. Hindi ko maunawaan noon ang gustong ipabatid ng awting ito sa mga nakikinig, basta't ang alam ko lang ay masaya kong napapakinggan ito habang sinasaliwan ng tugtog ng gitara.

Subalit nang ako ay mamulat sa mga nangyayari sa kapaligiran, nagkaroon ng malaking kahulugan sa akin ang awiting ito. Naitanong ko minsan sa aking sarili kung hindi kaya isang malaking pambabastos ang awiting ito sa mga kapulisan ng ating bansa? Hindi kaya tila lumilitaw na napakababa ng mga pulis? Bakit sa ilalim ng tulay siya nakapirmi? Ano ang ginagawa niya roon? Takot ba siyang mainitan ng araw? Nagpapalaki ba siya ng tiyan sa lugar na iyon? Naghihintay ng tong?

Marahil ang ganitong pagtingin sa mga kapulisan ay bunga narin ng ipinapakita ng ating lipunan ukol sa kanila. Binibigyan nila ng hindi magandang imahe ang mga pulis, gaya halimbawa ng mga palabas sa telebisyon.

1. Laging huling dumating ang mga pulis sa isang krimen. Asahang pagkatapos ng barilan ng bida at kalaban ay doon palang darating ang mga pulis.

2. Lagi silang kasangkot sa mga krimen at ipinagbabawal na gamot. Kadalasan sila ang lider ng sindikato.

3. Nangongotong sila.

4. Hindi sila pinagkakatiwalaan ng mga taong bayan.

5. Sila mismo ang lumalabag sa batas.

6. Ginagawa silang mga katawa-tawa sa mga pelikulang pang komedya.

Ilan lang ito sa mga napansin kong laging imahe ng pulis sa mga palabas sa telebisyon. Hindi ba't ang mga ito ay nagpapababa sa imahe ng mga kapulisan? Na kaya sila ay nasa ilalim tulay sapagkat bumababa ang pagtingin ng tao sa kanila at nagiging daan ito upang sila ay hindi pagkatiwalaan?

Kailan kaya mapapalitan ang lyrics ng kanta at maging "May pulis sa itaas ng tulay?" HIndi lahat ng pulis ay ganito ang ginagawa. Sana'y gawing maganda ang imahe nila sa paningin ng nakararami upang manumbalik ang pagtitiwala ng mamamayan sa kanila at tumaas ang paggalang sa kanila. Isang paraan marahil ay ang isama sa pagbabalita sa telibisyon, radyo at pahayagan ang mga nagagawa nilang kabutihan at kabayanihan gaya ng:

a. Pagsagip sa mga nagiging biktima ng krimen.

b. Pagbabalik sa may-ari ng mga napupulot nilang kagamitan.

c. Mahusay na pagtatrapik sa mga kalsada

d. Paggabay sa mga matatanda kapag tumatawid sa daan.

e. Pagtataya ng sariling buhay upang mailigtas lamang ang buhay ng iba.

Ilan lang ito sa kanilang mga mabubuting nagagawa. Sa aking palagay, makabubuti ito upang maging maganda ang kanilang imahe at lalong maging masigasig sa kanilang pagtatrabaho. Naniniwala ako na sa darating na panahon ay titingalain silang muli at hindi na muling makikita sa ilalim ng tulay.

---------------
Si Nestor Calaguas De Guzman ay guro sa Filipino sa Angeles University Foundation.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan