TINIG
Para Kay Kasamang Berto

GLEN, ENTENG, Berto—iba't ibang pangalan at katawagan mula sa kanyang naging kapamilya, kakilala, kaibigan, at mga kasama. Subalit iisa ang anyo ng kanyang layunin—ang layuning makapaglingkod para sa bayan. Ang mag pangalang iyan ay malaki ang naging bahagi sa buhay ng mga taong nagmahal at nagpahalaga sa kanyang mga magagandang gawain.

Tahimik siyang tao. Minsan lamang maririnig ang kanyang boses sa mga pulong at mga pag-uusap. Sa unang kita, parang napakamahiyain niya. Parang maiilang kang kausapin siya dahil sa pagiging di niya palakibo.

Subalit sa katagalan ng aming pagsasama sa isang komunidad, doon ko natuklasan ang ibang mukha ng kanyang pagkatao. Sa likod ng tahimik at walang kibong tao, siya pala ay matalino at puno ng talento.

Nagulat ako at nagalak nang matuklasan kong magaling siyang magpinta at magdrowing. Kumakanta rin siya na siya mismo ang naggigitara. Lalo na nang malaman kong marami na pala siyang naipanalo sa mga patimpalak sa pagguguhit na kanyang sinalihan.

Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya, pangalawa sa apat na magkakapatid. Mas kilala siya sa pangalang Glen. Ayon sa Nanay niya, gustung-gusto niyang makapag-aral sa kolehiyo, subalit dahil na rin sa kahirapan ng mga magulang niya, siya ay nagpasyang di na mag-aral sa pag-unawa na rin sa kalagayan ng mga magulang.

Marami siyang naging kakilala at kaibigan bago namin siya nakilala at nakasama sa Anakbayan at sa mga laban ng mamamayan. Dito naman siya nakilala sa pangalang Enteng at naging lider sa iba't ibang mga mobilisasyon. Pilit niyang binabaka ang mga maaaring humadlang sa kanyang pagkilos bilang organisador at lider ng kabataan ng aming komunidad. Lagi niyang hinihikayat ang kanyang mga naging kaibigan na maglingkod sa bayan at kahit papaano ay nagtagumpay siya. Ang ilang mga kaibigan niya ay napapadalo niya sa mga educational discussion, sa mga pagkilos kontra sa pagtaas ng matrikula, langis, pagtutol sa demolisyon, kampanya sa pagtaas ng sahod at pagpapatalsik sa isang sugarol na pangulo.

Higit sa lahat, naging bahagi siya ng pag-usbong at pagdaloy ng aming organisasyon. Nahalal siya bilang pangkalahatang kalihim ng Anakbayan sa aming komunidad. Sa kabila ng kasalatan sa edukasyon, pinatunayan niya na kaya niyang tumulong at maglingkod para sa kabataang Pilipino.

Kapalit niyan ang pagtutol ng ilang kabahagi ng kanyang pamilya, subalit di iyon nakapagpahinto sa kanyang mga laban. Kumilos siya bilang full-time organizer at tumira sa aming headquarters. Nagtiis siya at nagsakripisyo na wala halos makain, walang pamasahe, o kahit pangkape man lang. Umaasa na lamang siya sa mga tulong ng ibang mga kasama na nagtatrabaho o nakakaangat sa buhay.

Mahirap ang kanyang napag-daanan, subalit hindi iyon naging hadlang sa patuloy na pag-unlad ng kanyang kaalaman sa mas mataas pa na antas ng pakikibaka. Noong Marso 2002, nagpasya siyang kumilos sa hanay ng mga magsasaka sa Bataan at para na rin maitaas ang kanyang antas ng pakikibaka—pakikibakang pinili at mahigpit niyang ginampanan.

Tumutulong siya sa hanay nga masang magsasaka na maipaalam at maipaabot ang kanilang mga laban at karapatan laban sa mga mapang-aping uri. Nakilala siya ng mga masang magsasaka bilang Berto, isang payat at hikaing kabataan subalit buo ang kanyang determinasyong makatulong at maging kabahagi ng kanilang laban.

Kahit kailan sa kanyang mga huling naging sulat ay ni hindi niya pinagsisihan ang kanyang naging pasya na tumungo sa kanayunan. Bagkus, kalakip noon ang kanyang paghihikayat at mahigpit na tagubilin na pasikhayin pa ang aming pagkilos para sa masang Pilipino.

Subalit nitong ika-24 ng Hunyo ay pinatay siya ng mga berdugo at halimaw at pasistang militar sa Bataan. Hindi man lang nila iginalang ang maliit na katawan ng kanilang pinatay. Karumdumal ang pagpatay sa kanya. Hindi na makilala ang mukha dahil sa tama ng baril sa kanyang panga. Balibali ang tuhod at maraming tama ng baril.

Ani nga ng mga naging kasama ni Ka Berto sa kanayunan, siya ay isang malaking kawalan sa mga hanay ng nakikibakang mamamayan sa kanayunan. At sa kanyang mga sakripisyo, siya ay itinuturing na halimbawa ng isang dakilang martir na Anak ng Bayan.

Si Kasamang Enteng para sa aming nakasama niya ay isang dakilang martir at tunay na Anak ng Bayan na nag-alay ng buhay para sa bayan. Isinakripisyo niya ang lahat ng karangyaan sa buhay na maari pa niyang matamasa sa kanyang murang edad. Tunay ngang wala nang dadakila pa sa pag-aalay buhay para sa bansa.

Isang napakasakit na pangyayari iyon para sa kanyang naiwang magulang, kapatid, kaibigan, mga kumupkop at nag-aruga sa kanyang mga magsasaka sa Bataan, at higit sa lahat sa amin na kanyang mga naging kasama at katuwang sa mga laban at pakikibaka sa buhay. Subalit ang nangyari sa kanya ay magsisilbing inspirasyon at mananatiling buhay ang kanyang mga alaala sa amin. Magiging daan din ito para muli naming iangat, buhayin, at palakasin ang organisasyong naging bahagi siya sa pagbuo nito.

Kaya naman ang Anakbayan, lalo na ang komunidad ng Pandacan ay lubos at taas-kamaong nagpupugay para sa kanyang kadakilaan at mga sakripisyo. Si Kasamang Glen, Enteng o Berto man, mananatiling buhay para sa amin ang kanyang mga gawain at pakikibaka. Tuloy pa rin ang buhay at laban para dugtungan at ipagpapatuloy ang kanyang mga nasimulan. Minsan man ay di kami magdadalawang isip na tahakin ang landas na kanyang tinahak.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan