"IYAKIN NAMAN 'yung mga junior officers na nagkudeta, parang
mga bata!" narinig kong wika sa kausap ng katabi ko sa jeep papuntang
office kaninang umaga.
Ako man ay may sarili ring obserbasyon sa nangyari kahapon sa Makati.
Sa totoo lang, maghapon akong nakatutok sa TV kahapon at dahil di
ako kontento sa napapanood ko, sinabayan ko pa ito ng pakikinig sa
radyo. Medyo nagulat pa ako nang marinig ko na sa kasama sa panawagan
ng grupong Magdalo ay ang pagbibitiw nila President Macapagal-Arroyo,
Secretary Reyes at ISAFP Chief Victor Corpus. Kaagad ay naisip kong
hindi ito isang kudeta na gaya ng tinangka ng grupo ni Senador Honasan
noong panahon naman ni Pangulong Aquino. Kung gayon ay ano ang kanilang
layunin?
Kung tutuusin, lehitimo naman ang karamihan sa kanilang mga hinaingcorruption
within the AFP organization and Arroyo's administration; AFP's terroristic
activities, poor condition and lack of benefits for ordinary soldiers.
Pero sa isang banda, hindi na naman ito bago! Hindi ito ang unang
pagkakataon na bulagain tayo ng mga ganitong sitwasyon. Matatandaan
na isiniwalat ni Fr. Cirilo Nacorda ang sabwatan ng AFP at Abu Sayyaf
kaya nga't nakatakas pa ang mga bandido nang makubkob ang mga ito
sa Lamitan. Kaya nga hindi na rin ako nagulat nang sabihin ng grupong
Magdalo na ang administrasyon ang may kagagawan sa Davao Airport Bombing.
Oo nga at lehitimo ang kanilang mga hinaing, pero ano ba talaga ang
kanilang layunin?
Noong una ay humanga ako sa grupo lalo na nang may nagsalita mula
sa kanila na kinukuwestiyon kung ano na ang mga nagawa ni Macapagal
matapos ang People Power 2. Pero sa bandang huli ay nadismaya ako
sa mga sumunod pang mga pangyayari. Di pa man sumasapit ang alas singko,
na itinakdang ultimatum sa grupo, ay ilang kasapi na ng grupo ang
sumuko. At lalo akong nadismaya matapos ang "matagumpay"
na negosasyon dahil nakita ko si Pres. Arroyo na halos hanggang tenga
ang ngiti. Naisip ko tuloy ano kaya ginagawa nya habang nagkakagulo
sa Makati? Ewan ko ba't bigla ko nalala na she has plenty of sex!
At matapos ang lahat ng kaguluhang ito, ano ba ang nagbago? Sino
ba ang mga nagkaroon ng pagkakataong magpapogi sa media? They are
too many to mention! Muntik ko na nga batuhin yung radyo dahil pati
ba naman komedyante sa Senado, kailangan pang interbyuhin?
Isang malinaw na resulta ng mga nasabing kaganapan ay ang pagkakalantad
kung gaano kabangkarote ang kulturang bumabalot sa AFP. Tila gustong
ipagsigawan ng pagkakataon na mistulang mersenaryo lamang ang mga
kasapi ng AFP. Naisip ko tuloy ang hirap sigurong ibili ng bigas para
ipakain sa kanyang pamilya ang sweldong nakukuha sa panunupil at pagpaslang
sa mga mahihirap na magsasakang walang ibang nais kundi ang magkaroon
ng sariling lupa at magkaroon nga maayos na kabuhayan. Inilalantad
din ng mga kaganapang ito kung gaano kahina ang pundasyon ng administrasyong
Macapagal.
Mas humanga sana ako sa nasabing junior officers kung imbes na sakupin
ang Oakland Hotel upang magdaos lang ng press conference ay tinahak
na lamang nila ang landas ng pakikibaka na naglalayong solusyunan
ang ugat ng lahat ng problema ng ating bayanpakikibakang tumutugon
sa hinaing ng mga mangagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba
pang aping sektor imbes na ireklamo ang butas nilang bota!
Habang sinusulat ko ito, naglalaro sa aking isip kung ano kaya naramdaman
ni Senador Lacson sa mga pangyayaring ito. E, si Senador Honasan kaya?
---------------
Si Apol, 27, ay Operation Head ng isang lending company sa Parañaque,
kung saan siya nakatira. Aktibo siya sa kilusang estudyante noong
siya'y nasa kolehiyo.