ANG PAG-AAKLAS sa Makati noong Linggo ay hindi na kataka-takang mangyari
sa isang bansang ang gobyerno'y tulad ng administrasyong Macapagal-Arroyo.
Sinasabi ng mga lider ng Magdalo na sila'y nag-aklas dahil sa katiwalian
sa militar, pagpapabomba nina Angelo Reyes at Victor Corpus sa Davao,
at dahil may balak si Macapagal-Arroyo na magdeklara ng batas militar
ngayong Agosto.
Sa mga imbestigasyon ngayon, parang mga aso ang mga nagpapanggap
na imbestigador na hanap nang hanap sa pusang pasimuno ng pag-aaklas.
Kesyo si Estrada, kesyo si Gringo Honasan, at pati si Laarni Enriquez
ay idinadawit pa.
Subalit kung mahilig lamang silang magbasa, malalaman nilang nasa
ilalim ng kanila mismong mga ilong ang kanilang hinahanap.
Hindi ko alam kung si Lt SG Antonio Trillanes IV ay nakatapos na
ng kanyang MA Public Administration o nakahinto lamang sa ngayon.
Ngunit noong pumapasok siya sa Public Admin, sumulat siya ng dalawang
research paper tungkol sa katiwalian sa Philippine Navy. Ang dalawang
research paper na ito ay kanyang ipinakalat sa pamamagitan ng mga
kaibigan, na nagpasa ng mga kopya ng mga ito kung kani-kanino.
Isa sa mga nakatanggap ng mga kopya ng dalawang research paper na
ito si Sen. Gringo Honasan. Dito nagsimula ang pagkakakilala nila
ni Trillanes. Aaminin niyang isa si Trillanes sa mga nakausap niya
sa mga ugnayang humantong sa pagkakagawa ng National Recovery Program,
na ang isang malaking bahagi ay si Trillanes ang sumulat.
Ibig sabihin, hindi pa man nakikilala ni Trillanes si Honasan ay
naiisip na niya ang marami sa mga usaping dinala ng Magdalo noong
Linggo. Sa katunayan ay makikita pang si Honasan ang nangopya sa kanya
para sa isang bahagi ng National Recovery Program, na ibinabandila
ng Magdalo.
Kung babalikan ang mga kudeta mula 1987 hanggang 1989, na si Honasan
talaga ang pasimuno at pinuno, makikitang iba ang kilos ng mga nag-aklas
noon sa ikinilos ng Magdalo.
Kaya't malabo ang ispekulasyong si Honasan ang pasimuno nito. Hindi
niya itinangging may ugnayan sila ni Trillanes, malinaw na may impluwensiya
siya sa mga ito, at malamang ay may alyansang taktikal si Honasan
at ang Magdalo, subalit malabo ang sabihing kaya lamang nag-aklas
ang Magdalo ay sapagkat inudyukan ni Honasan.
Malabu-labo ring si Estrada ang nagpakana nito. Bagama't masasabing
hindi gaanong naplano nang maayos ang ginawa sa Makati, napakaliwanag
namang hindi magagawa ni Estrada ang mag-isip ng ganitong pakanalubha
itong kumplikado sa katulad niya. Bagama't maaaring siya at ilan niyang
bataan ay nagsamantala sa mga hinaing ng Magdalo at nagbigay sa kanila
ng tulong pinansiyal at lohistiko, na tila ipinakikita ng pagkakasangkot
ngayon ni Ramon Cardenas sa kaso.
Balikan natin ang mga usaping dinala ng Magdalo sa Makati.
Inilathala na ng Philippine Center for Investigative Journalism ang
dalawang paper ni Trillanes. Halos Kasabay ng dalawang ito, si Ed
Lingao ay sumulat ng report para sa PCIJ rin tungkol sa ganyan ding
paksa. Marami sa mga sinasabi sa mga ulat na ito ay naririnig natin
sa mga kakilalang nakapagtrabaho o may kaugnayan sa militar na hindi
sang-ayon sa mga nangyayari roon.
May batayan sa katotohanan ang alegasyon hinggil sa katiwalian sa
militar.
Lalo pa itong pinatutunayan ng pangyayaring nakatakas ang Abu Sayyaf
sa isang napakahigpit na military cordon sa Lamitan noong 2001kailangan
pa bang ipaliwanag ito?at sa kaganapang hindi sila mahuli-huli
hanggang ngayon gayong kitang-kita naman, nang ipasagip si Jeffrey
Schilling, na kung gugustuhin ng militar ay kayang-kaya nilang iligpit
ang mga bandidong ito sa ilang malalakas na bira lamang. Hindi ba't
mayaman sa ransom money ang Abu Sayyaf? Kapalit ba ng hindi paghuli
sa Abu Sayyaf ang porsiyento sa ransom money?
Tungkol naman sa alegasyong sina Angelo Reyes at Victor Corpus ang
nagpabomba sa Davao.
Hindi ba't sa kasaysayan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)
ay inaamin nila ang anuman nilang kagagawan, maging yaong puno ng
kapalpakan tulad ng pag-atake nila sa Siocon? Kaya may dahilan upang
paniwalaan sila kapag sinabi nilang hindi sila ang may pakana ng alinmang
pangyayari. Inamin nila ang masama nilang kagagawan sa Siocon, ngunit
mahigpit ang pagtanggi nilang sila ang maygawa ng kaimpaktuhan sa
Davao.
Ay sino ba naman ang makikinabang sa ganitong pambobomba? Hindi ba't
ang militar ay kating-kating makakuha ng ayuda sa panginoon nilang
si Uncle Sam? Datapwat upang makakuha sila ng dagdag-ayuda, kailangang
lumitaw o palitawing may binabaka silang matinding banta sa kaayusan
(parang wala na nito sa Pilipinas; angkop pa ba ang gamit ko nitong
salita?). Kalaban nila ang MILF nang magkaroon ng pambobomba sa Davao,
sapagkat sumalakay sila sa mga lugar na sakop ng naturang grupong
rebelde kahit na may umiiral noong negosasyong pangkapayapaan.
At sa diumano namang planong magdeklara ng batas militar ngayong
buwan, kating-kati ang pamahalaang magpasa ng isang Anti-Terrorism
Bill na kung saan napakalawak ng maaaring pagpapakahulugan sa terorismo
kaya't kahit ang mga ligal na kilos-protesta tulad ng mga ginagawa
ng Bagong Alyansang Makabayan at iba pang katulad na pangkat ay pupuwedeng
ituring na gawaing terorista. Ito'y tanda ng isang militaristang utak
na siya lamang na makaiisip ng mga senaryong tulad ng batas militar.
Iniimbestigahan daw ang pinagmulan ng pag-aaklas sa Makati. Ngunit
walang tandang ang mga usaping dinala ng mga nag-aklas ay susulyapan
man lamang, at sa halip ay kung anu-anong katarantaduhan ang inaatupag
ng mga nasa pamahalaan.
Nananatili ang mga ugat ng pag-aaklas sa Makati, samakatwid. Kaya't
hindi tama ang sabi ni Macapagal-Arroyo na tapos na ang krisis sa
Makati. Kundi ito maulit sa anyong higit na malaki at sa paraang higit
na marahas, magpaparamdam ito sa ibang anyo at paraan. Lalo pa't walang
popular na pagtangkilik ang pamahalaanhindi ba't napakakaunti
ng nagpunta sa prayer rally na ipinatawag upang magpahayag ng pagtangkilik
kay Macapagal-Arroyo?