TULA
Takbo Gloria Lipad

Ang sabi ni Ate Gloria
Tagumpay na naman ang demokrasya
Ay naku, ang coup, agad natapos
Naligaw na rebelde ay nagbalik loob
Konting kuskos, nawala na ang gusot
Si Gloriang Labandera,
Darna ng Demokrasya!

Ngunit naku, Diyos ko!
Meron kayang mababago?
Kung itong pangulo,
Abala sa pagtakbo!
Reynang ang panunungkulan,
Tila walang katapusan,
Ibilad kaya natin sa araw
Nang matauhan
sa kanyang kabalbalan.

Takbo, Gloria, Takbo!
Lipad Gloria Lipad!
Ding, ang bato!
Ihagis sa daraanan ni Ate Glo!
Ang pangulong sakim sa kapangyarihan
Matitisod ng saring kahayukan
Ding, ang bato!
Ipukol na kay Ate Glo!
Ang pangulong ayaw tuminag sa luklukan
Ay dapat daganan
nitong taumbayan.

Ay, Gloria Labandera y Valentina,
Ahas kang nakapulupot sa mamamayan
Lubayan na kami’t tantanan
Ang hanap lang naman namin
Ay konting katiwasayan,
Konting kaginahawahan,
konting kapayapaan.

Takbo, Gloria, Takbo!
Lipad Gloria Lipad!
Takbo, lipad, palayo sa aming lahat!
Huwad na Darna ay ibabagsak!
Ng aming galit, ng aming lakas!

---------------
Si Joi ay isang premyadong manunulat at ang bagong halal na Cultural Committee Head ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy, UP chapter (CONTEND-UP). Siya rin ay associate professor ng Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipino, Kolehiyo ng Arte at Literatura (DFPP-KAL) sa UP Diliman.

Ang tulang ito ay binasa niya sa mobilisasyon kaugnay ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 28 Hulyo 2003 sa harap ng Ever Commonwealth.

 

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan