ILANG ARAW na rin ang nakalipas matapos ang SONA ng kagalang-galang
na Ginang ng ating matatag na pamahalaan. Napakatalas ng dating ang
aking panimula sa artikulong ito, hindi po ba? Napakatalas: kasintalas
ng isang maliit na piraso ng cotton bud na ipinampitik sa ilong, tulad
ng mga SONAng ibinibigay ng magiting na SONAtang Ina.
Hangarin ng isang SONA, o State of the Nation Address, ang paghahayag
ng kasalukuyang kalagayan ng isang bansa at ang mga hakbang na binabalak
isagawa ng pinuno ng Pamahalaan upang pagyamanin ang mabubuting pangyayari
o durugin ang ugat ng masasamang pangyayari. Ito ang nagsisilbing
talaan ng mga kabutihankung mayroon mano kasamaang hinaharap
ng kasalukuyang Pamahalaan. Nagsisilbi rin itong talaan ng mga pangarap
ng mga disilusyonadong pinuno na hindi nila kailanman matutupad sapagkat
puno na ang kanilang mga palad ng iba pang mas mahalagang gawain;
tulad na lang ng pagnanakaw ng salaping ipinangbabayad-buwis ng mamamayan,
pagsisinungaling, at ang pinakakinahihiligang pampalipas oras ng kanilang
angkan: ang pag-iisip tungkol sa wala (ipinagpapalagay
muna ng may-akda na ang nilalang na binabanggit ay mayroong utak).
Masasabing makapangyarihan ang mga isinasagawang SONA nitong ating
SONAtang Ina. Ito ay sa puntong kahit hindi makadalo ang isang tao
sa isang SONA niya ay alam pa rin ng taong iyon ang mga tinalakay
doon dahil iyon din ang tinalakay sa nakaraang SONA na dinaluhan niyao
sa SONAng kasalukuyan niyang dinadaluhan; tila hindi rin tuluyang
makarating sa dapat niyang kalagyan ang panginoon ng pagbabago sapagkat
mayroong isang malakas na puwersang animoy humaharang sa kaniyang
daan. Katulad ng sinabi ko kanina, tunay na makapangyarihan ang mga
SONA ng SONAtang Ina.
Gayun pa man, mayroon pa ring mga kailangang talakayin ukol sa SONAkahit
sa kalakihan ay wala naman talaga silang pinagkakaiba. Sa una niyang
SONA, ipinakilala ng SONAtang Ina ang tatlong batang taga-Payatas:
sina Jason, Jomar, at Erwin. Ayon sa SONAtang Ina ay nakatanggap siya
ng tatlong bangkang papel mula sa mga bataipinalaot daw ng mga
batang iyon ang bangkang papel sa Ilog Pasig patungong Malacañan.
Bawat bangkang papel ay naglalaman ng mga kahilingan ng mga bata.
Kay Jomar: permanenteng hanap-buhay para sa kanyang ama; kay Jason:
tulong para sa kaniyang pag-aaral hanggang sa kolehiyo; at kay Erwin:
Pagpapasara ng Payatas dumpsite at lupa para sa kanilang pamilya.
Bawat isa sa mga bata ay binigyan ng scholarship; sa kasamaang palad,
ubos na ang lahat ng iyon (sa aking pagkakaalam, hanggang Kolehiyo
ang hinihinging tulong ng bata). Ang kanilang mga magulang ay wala
pa ring hanapbuhay o lupa man lang.
Sa ikalawa niyang SONA, ipinahayag nitong SONAtang Ina ang pagbuo
niya ng isang "matatag na republika" sa anyo ng matigas
na bato. Maaalala sa nauna kong isinulat, ang Pagpapaalam sa Maximum
Tolerance, na siya rin ang tila sumisira sa matigas na batong iyon
gamit ang isang bakal na maso.
At sa pangatlong SONA, ipinagmalaki ng SONAtang Ina ang pagkakasugpo
niyasa loob ng isang arawng "kudetang" naganap
nang nakalipas na araw. Sa aking palagay ay hindi niya dapat ipinagmamalaki
iyon kundi'y dapat pa nga niyang ikahiya, sapagkat ang mga sundalong
nag-alsa ay may makatuwirang layunin: ipinahahayag nila ang kanilang
pagkabanas sa kasalukuyang kinahahantungan ng pamumuno sa Sandatahang
Lakas ng Pilipinas. Bago pa man nagsimula ang kudeta ay ipinahayag
na nila sa publiko ang kalagayan nila sa kasalukuyan: tulad ng mga
nagyayaring bentahan ng mga armas at bala, pagkakasangkot ng dating
Chief of Staff na si Angelo Reyes sa pagbomba sa Davao, at iba pa.
Tatlong taon, tatlong SONA. Ngunit tila walang nagaganap na pagbabago
sa pamamalakad ng ating Pamahalaan.
Kung iisipin, mayroon din naman pala: pataas nang pataas ang presyo
ng langis, kuryente at tubig at ang paglawak ng kahirapan sa ating
bansa. Ang dating Juan dela Cruz na nakagapos sa tanikala ay dinagdagan
ng pabigat na unti-unting bumabasag sa kaniyang mga buto.
Sa mga "nakamit" ng ating Pangulo ay mayroon akong tatlong
salitang ihahandog: SONAtang Ina ka!