KOLUM
Win Natong Buwang Win

MARAHIL NABABASA nababasa na rin ito ng karamihan. Mahirap itong hindi mapansin dahil nagkalat ito sa Maynila.

Ang tinutukoy ko ay hindi ang MMDA (F)Art ni Bayani Fernando kundi ang naiibang sining o mensahe ni Natong Buwang.

Eto ang ilang halimbawa na talagang mapapaisip ka kung ano ang gusto niyang sabihin: win pres lim win, viva nuestra senora, gma nice jesus ok, viva sto nino, win lacuna win.

Nang una ko itong mabasa sa España habang nakasakay ng dyip, hindi ko ito binigyan ng masyadong pansin. Inisip ko lang na ito'y gawa ng isang fraternity o kaya'y ng mga panatikong tagasuporta ni Mayor Lim.

Pero hindi ko nakalimutan ang nabasa ko. At tinangka kong unawain ang lohika nito at ang layunin ng nagsulat.

Halos lahat ng mga pangunahing kalye ng Maynila ay may tatak nito. Kadalasa'y sa mga billboard ng Rotary (the 4-ay test) ito nakasulat at sa mga sidewalk, poste ng LRT at dingding na gigising sa isang naiinip na pasaherong naipit sa trapik.

Tahimik kong hinangaan ang makinarya ng fraternity o ng pulitikong nasa likod ng graffiti na ito. Ang sinumang magagawi sa Maynila ay tiyak mababasa ito at epektibong magtatagal sa likod ng kanilang isip.

Itinago ko ang obserbasyong ito sa iba dahil nahihiya akong malaman nilang pinagkakainteresan ko ang maliit na bagay na ito. Nabasag ang aking pananahimik nang minsang makakuwentuhan ko ang ilang mga estudyante ng PUP. Katulad ko, nabibighani din sila sa kakaibang sipag at pag-iisip ng nagsusulat nito sa Maynila. Sabi nila, gawa raw ito ng isang baliw gamit ang uling.

Sabi ng mga kaibigan ko sa U-belt, ang nasa likod nito ay isang adik na nabaliw sa Sampaloc. Pero sabi naman ng mga taga-Taft, baka raw si Salenga ang may gawa rin nito. Si Salenga, hinihinalang matalinong nabaliw na estudyante ang naglalagay ng mga karatula sa Taft ng kanyang teorya na negatibo ang proton at positibo ang electron.

Nalaman din namin ang sagot kung sino talaga ang misteryosong baliw nang makasabay siya ng mga aktibista sa UST isang hatinggabi bago ang pasukan sa may Morayta. Habang abala ang mga aktibista sa pagididikit ng kanilang plakard laban sa pagtaas ng matrikula, ang ating bida ay masinop na sinusulat ang kanyang obra sa isang bagong pintang sidewalk.

At dun nga nila nalaman na siya ay si Nato. Taga-Caloocan sa may A. Bonifacio at kilala roon bilang Natong Buwang. Dati siyang tagabuhat ng imahen ni Kristo tuwing pista ng Nazareno sa Quiapo. Sabi ng iba, siya raw ay nabaliw dahil iniwan ng asawa. Pero ayon daw sa nakakakilala sa kanya, si Nato ay dating relihiyosong manggagawa na nasira ang bait nang namatay ang anak nitong hindi agad nadala sa ospital.

Siguro hindi natin matutunton ang katotohanan tungkol sa buhay ni Nato o ang kanyang nais sabihin sa atin. Sa kanyang sariling mundo, ang sinusulat niya ay may angking sariling lohika at sining na maaring tanging paraan niya upang makipag-ugnayan sa atin.

Mahirap unawain si Nato at ang kanyang sining lalo na kung ang gagamitin nating pamantayan ay ang namamayaning paraan ng paghuhusga kung ano ang tama at mali, maganda at pangit, may kabuluhan at walang kabuluhan.

Kung ang layunin ni Nato ay mag-iwan ng isang bagay na pag-uusapan siya ng marami, siya ay nagtagumpay. Hindi man siya kilala, pero ang obra niya at ang kakaibang mensahe niya ay tumatak, nagpatawa, at naging paksa ng kuwentuhan ng napakaraming tao, aminin man nila o hindi.

Sa ganitong paraan nabubuo ang isang urban legend.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan