KOLUM
Bawal Magkasakit

DATI-RATI'Y SI si Sen. Juan Flavier (na napababalitang tatakbo sa halalang pampangulo sa 2004 at isa sa mga nangunguna sa talaan ng mga iboboto ng madla sakali ngang kumandidato) ang nagsasabing, "Bawal magkasakit!"

Ang pangungusap na ito ay pinasikat ng isang serye ng mga patalastas ng Clusivol, isang produktong bitamina. Ang Kagalang-galang na Sen. Flavier ay nakagawa ng ilang patalastas sa seryeng ito. Lahat ng patalastas na ito ay umiikot sa temang, "Bawal magkasakit!"

Sa isa sa mga patalastas na ito, marami siyang kasama at isa sa mga ito ang nagsabing, "Sa panahon ngayon, parang iresponsable na'ng magkasakit."

Ngayon nama'y si Sen. Loren Legarda-Leviste, na diumano'y nakikain sa mga dampa noong siya'y nangangampanya para sa eleksiyon ng 1998, ang nagbibigkas ng pangungusap na ito sa isang patalastas ng Clusivol pa rin. Kung lahat tayo'y magkakasakit, tanong ng Senadora, ay ano na lamang ang ating mararating? "Ngayon, higit kailanman," dagdag pa ni Sen. Legarda-Leviste, "bawal magkasakit!"

Sa sinumang magtitiyagang mag-isip nang kaunti ay magiging napakalinaw ang mensahe ng mga patalastas na ito. Ang kalusugan ay kailangan ng katawan upang matamo nito ang lakas na kailangan sa mahahalagang gawain. Kailangan ng katawan ang mga bitamina upang malayo tayo sa mga sakit. Sapagkat ang Clusivol ay produktong bitamina, bawal ang hindi paggamit nito, at kung hindi tayo gagamit nito ay iresponsable tayo at ano na lamang ang ating mararating?

Datapwat di ganito kapayak ang katotohanan.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Ibon Foundation noon pang Abril 2002, lumalabas na ang isang pamilyang binubuo ng anim na tao—ang karaniwang pamilya sa Pilipinas—ay nangangailangan ng mahigit sa P530 upang mabili ang lahat nitong pangangailangan sa isang araw.

Ang karaniwang manggagawang Pilipino ay kumikita ngayon ng hamak na halagang P250 sa isang araw, at ang hinihinging P125 na dagdag sa arawang sahod ng Kilusang Mayo Uno—na kung idaragdag sa kasalukuyang arawang sahod ng karaniwang manggagawa sa Pilipinas ay aabot sa P375 lamang—ay ayaw pang ibigay ng pamahalaang walang pinakikinggan kundi ang mga kapitalistang kung magtapon ng pera sa mga handaang ipinangangalandakan sa mga society page ng mga pahayagan, lalo na sa mga pitak ng mga Maurice Arcache at Kris Aquino at Tim Yap na kaipala'y sapat na sapat lamang ang Ingles na natutunan sa kani-kanilang pinasukang mga paaralan upang sumulat ng walang iba kundi kaungasang binuhusan ng Drakkar, ay parang yaong mga dayuhang fastfood restaurant na naghahagis ng basura sa mga ilog.

Kaya't kung ikaw ay kumikita ng P250 lamang sa isang araw at may tinutustusan ka pang limang kapamilya, maging sa pang-araw-araw na pagkain ay kulang ang kita mo at dahil sa kakaunti lamang ang mabibili mong pagkain ay hindi ninyo makukuha ang sapat na sustansiyang kailangan sa lubos na ikalulusog ng inyong mga katawan. Paano ka pa ngayon makabibili ng Clusivol?

Hindi na kailangan ang kahenyuhang pangmatematika ng isang Pythagoras, dili kaya'y ng isang Euclid, upang mapagtantong sa kasalukuyang kalagayan ng karaniwang manggagawang Pilipino, walang sinuman ang may karapatang magsabing bawal ang magkasakit.

Sa isang banda, maikakatwiran ng ilang mahilig magmagaling, lalo na yaong hindi kailanman nakakita ng mga impis na tiyan at butuhang dibdib na karaniwang matatagpuan saanmang sulok ng bayang ito, na ang sinuma'y makabibili ng mga produktong bitamina tulad ng Clusivol sa pamamagitan ng wastong paghawak ng pera. Ganito marahil ang ikakatwiran ng mga may kagagawan ng mga patalastas ng Clusivol.

At may katwiran din naman sila, kung magmamatwid nga nang gayon. Ang isang karaniwang manggagawang Pilipinong may tinutustusang limang kapamilya ay tiyak na regular na makabibili ng Clusivol kung babawasan niya ang salaping inilalaan sa pang-araw-araw na pagkain nilang mag-anak.

Mapatatawad si Sen. Loren Legarda-Leviste sa pagsasabing bawal magkasakit sa kabila ng kalagayan ng karaniwang manggagawang Pilipino sa kasalukuyan. Marahil ay hindi naman gayon kalawak ang naging karanasan niya sa pakikisalamuha sa mga dukha nating kababayan. Maipapayo sa kanya ang higit na malimit na pagtungo sa mga looban at sa mga liblib na nayon.

Subalit si Sen. Juan Flavier?

Siya'y lumaki sa piling ng mga dukha. Ang elementarya at haiskul ay kanyang tinapos sa mga paaralang pampubliko. Sa kolehiyo, kumuha siya ng Public Health at pagkaraa'y nagtuloy sa Medisina—parehong sa Unibersidad ng Pilipinas niya tinapos ang mga ito. Bago siya naging kalihim ng kalusugan at senador ay matagal siyang nanggamot sa kanayunan.

Higit sa lahat, siya ang dapat makaalam na katarantaduhan ang tema ng mga patalastas ng Clusivol.

---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977 at Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com. Madalas din siyang mababasa sa Dalityapi Unpoemed at marami-rami na ang nasulat niyang artikulo sa BNext. Sangkot siya sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o sa Internet.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan