Ako ang siyang naghatol:
Narito sa aking palad
ang sangkap ng kamatayan,
bantuan ng dalamhati
at moog ng kasalanan.
Buong kaluluwa'y nananabik
sa nakalalangong kamandag
na mananalantay at lulupig
sa punla ng mga pangarap.
Minsan nang nalason,
minsan nang namatay
sa bukal ng pag-ibig
at masidhing paghahangad.
Ngayo'y muling wawakasan
ang luha at hikbi.
Lahiran ng dahas
ang hinagpis at pagtangis.
Elehiya ko'y nananaig
sa koro ng mga nimpa.
Hinaharana ng mga gunita
ang anino ng kahapon.
Ngayo'y kikitilin muli
ang mga alitaptap ng pangako
habang amiha'y nagluluksa
sa mapanglaw na dilim.
Sa muli kong pagpanaw
ibubulong sa huling hantungan:
"isa lang akong lason
sa inyong pagmamahalan."
---------------
Si Ron Vilog ay kasapi ng Ang Pahayagang Plaridel ng De La Salle University.