Siya si Amang, edad 21
tipikal na mag-aaral
sa pamantasang prestihiyoso,
"Ang Paaralan ng mga
Hubad na Kaisipan"
na kung tawagin ay
Skul op da Pyutcha
for the bigger, better,
and brighter pyutcha!
Siya si Amang, isang esyudyante.
Likas ang talino, likas ang galing,
subalit ikinahon
sa makalumang kultura't tradisyon;
masayahin, masunurin,
maibigin, mapangarapin!
Nangarap nang kay taas,
nangarap lumipad.
Nang umabot sa rurok ,
nalunod,
bumagsak sa bitag ng
sapot na lambat
ng impormasyomg pangteknolohiya.
Siya si Amang,
isang henyo,
paham sa kompyuter,
adik sa Internet.
Kaya't mula sa malayong lupain
ng kanilang probinsya,
siya'y naglakbay sa dagat at laot
hanggang umabot
sa Lunsod ng mga Pag-asa't Pangako,
sinuyod ang daan tungo
sa liblib na lunan,
bumulaga sa kanyang harapan
ang isang ginintuang pangalan:
"SKUL OP DA PYUTCHA!"
So what is yer pyutcha?
(I wanna be a software designer, in demand yan!)
Wat is yer pyutcha sa skul op da pyutcha?
(ako, Engineer! Sa On-the-Job-Training
pa lang may edge na ko)
Meron nga ba tayong pyutcha
("Cyber café owner! Course ko sa
Skul op da Pyutcha, magagamit ko"
E, ano ba ang course mo? "Political Science")
sa skul op da pyutcha?
Kaya't nang siya'y mag-enrol,
namintig ang kanyang mga paa
sa haba ng pila,
naduling ang kanyang mga mata
sa kupad ng kompyuter
sa pag-i-enlista,
at nang siya'y magbabayad na
"magkano po?" ang tanong niya.
"Beinte-kwatro siete mil, bale
Beinte-singko mil."
"Ang mahal naman po pala."
"Hijo, sa panahon ngayon, wala nang
mura, wala nang libre, lahat ng bagay,
kilos at pangangailangan, may bayad.
Aba'y teka, teka, teka,
magbabayad ka ba?
Ang dami pang nakapila!"
"A, e, kulang po ang aking pera."
"Naku hijo, wag kang mag-alala,
dito sa Skul op da Pyutcha
pwedeng installment ang bayad
tu gibs, tri gibs o por gibs
mamili ka."
"Ay, ganun po ba?"
"O kung talagang gipit ka,
meron kaming student loan board,
pwede kahit P500, o maski P100,
wag lang mas mababa dun,
magagalit na yung management"
"Tanong lang po? Pwede po bang
mag-enrol dito kahit kikiawt sa
ibang eskwelahan?"
"Pwedeng-pwede. Ang priority dito, e,
yung may ibabayad ka. Ganyan kami
sa mga kostumer, este sa mga estudyanteng
nagsisikap mag-aral."
Siya si Amang, isang estudyante
masunurin, madaling kausapin
at walang paki
kundi sumubsob sa libro,
tumutok sa kompyuter,
bumyahe sa Information Super-highway,
bumisita sa library,
tumulala sa katwok na nilulumot,
magpausok sa labas,
tumuhog ng pisbols,
makisawsaw sa isaw,
magkasinok sa maling lunok ng serbesa,
magpakalunod sa bisyo,
tumakas sa problema
habang patuloy ang pagtaas ng matrikula,
habang dumudoble ang pigura
ng Other Fees at Misc. Fees
at mga Imbisibol Unnecessary Fees,
NCC-UK Fee,
Microsoft Fee,
Insurance Fee,
Library Fee,
Printing/Copier Fee,
Smart Force Fee,
Cultural Fee,
Fee, fee, fee!
Fee ng Ina!
Habang mahinang klase ang mga facilities,
habang mabaho pa rin ang mga banyo,
habang mababa pa rin ang sweldo
ng ibang mga guro at empleyado,
habang mainit pa rin ang ulo ng mga sikyu,
habang patuloy pa rin ang pagtapak sa mga karapatan.
Siya si Amang, ngayo'y naguguluhan
habang ang Skul op da Pyutcha
ay nagpipista sa kanyang panganganak
ng iba pang Pyutcharistik Skul
(sa kyusi makati, ol ober da sitisong)
parang kabute, dumarami.
Siya si Amang, ngayo'y nag-iisip,
ngayo'y nagtatanong, ngayo'y nasasakal,
Ba't andameng bawal?
Bawal tumutol, bawal sumaway,
bawal magtanong, bawal mag-isip.
bawal sumali sa ganitong organisasayon,
bawal magtatag ng ganyang samahan,
bawal magsulat, bawal ang maghayag,
bawal magduda, bawal pumuna,
bawal sumigaw, bawal umangal,
bawal pumiglas, bawal tumindig.
"Kung ayaw mo sa sistema,
wag mo, maghanap ng ibang eskwela!"
Siya si Amang, naging desperado.
Nawawala, nagwawala.
Gulong-gulo-utak-sa-ulo-
lumuluwag-turnilyo!
Umaalingawngaw ang mga bawal
sa bawat buklat sa bawat pahina,
sa bawat talata, sa bawat salita,
sa bawat tuldok
sa Student's Handbuk.
Siya si Amang, naging suwisaydal
sa bigat ng problema,
naisip makpakatiwakal.
Nakahanda na ang blade, ang patalim,
ang lubid, ang liquid sosa, ang racumin
pero mas pinili ang kable ng mouse
may sentimental value daw kasi
at sa hudyat ng tatlo,
paalam, malupet na mundo!
Nang biglang
"WAAAAGGGGG!!!!!"
Ha! Sino ka?
"Hinde ako sinuka
ako'y iyong konsensya!
Naparito ako upang pigilan ka.
Hindi yan ang solusyon.
May paraan. May pag-asa!"
"E, ano po'ng dapat gawin?"
"Magmasid. Imulat ang iyong mata.
Pakinggan ang kanilang sigaw.
Ika'y di nag-iisa. May mga katulad ka ring ayaw nang magpakahon."
(Edukasyon edukasyon
Karapatan ng mamamayan!!!
-Voiceover)
"Tama ka. Kailangang kumilos.
Kailangang makisangkot!"
Siya si Amang, ngayo'y nagpasya.
Naisip niya, ang tunay na pagbabago
ay makakamtam lamang sa
sama-samang pagkilos,
pagkakaisa ng kolektibong lakas.
Nagbagong-bihis, naghanap ng kasama,
Nalaman niyang di totoong wala silang pakialam,
kulang lang sila ng wastong kaalaman
at paraan tungo sa kaganapan
ng pagbabagong kanilang panawagan.
(Tuition Fee Increase na naman,
salot, talagang salot, kasalut-salutan!)
"Hey, heywats dat demonstration
All about? D'ya have permission?
Don't ya know, dat any action
That would put the institution
Into an embarrassing situation
And would cause any interruption
To any skul operation
Will be subjected to suspension
And worst, expulsion?
In other words?
Bawal yan!!!"
This is our freedom, this is our right!
Ang mga patakaran sa mga pamantasan
na repleksyon lamang ng mga maling patakaran sa ating pamahalaan
ay nangangailangan ng pagbabago
upang tunay na makapaglingkod sa
higit na nakakarami.
Siya si Amang.
Nasa bawat klasrum.
Nasa koridor.
Nasa katwok.
Nasa tambayan.
Nasa ating bawat kamalayan.
Likas na mapagtimpi.
Ngunit kapag nasaid hanggang
sa dulo ng pisi
dulot ng patuloy na pang-aabuso't
pagsasamantala,
siya'y magpupumiglas,
lalagutin ng sama-samang pagkilos
ang tanikala tungo sa tunay na paglaya.
Siya si Amang, ngayo'y naninindigan.
---------------
Si Ambi Dextrose, isang manunulat na nagma-makata, dating lider-estudyante
sa unibersidad ng ama, dating nagmamartsa sa mendiola, minsang napatula
sa edsa 2, minsang nangarap at patuloy na nangangarap na maging isa
sya sa magpapalaya ng kaisipan ng mga pilipino tungo sa ganap na kalayaan,
madalas na tahimik ngunit maingay ang isip.