SA KALIKASAN lamang matatagpuan ang kapayapaan. Marahil ito na ang
kaalamang kaakibat ng pagsilang naming mga kung tawagin ngayon ay
lumad. Kung kaya naman pinili kong maging bahagi ng kalikasan sa pusod
ng kabundukang ito.
Nasa sinapupunan pa lamang ako ay naririnig ko na ang tilaok ng kalasanon
sa madaling-araw. Hudyat ito ng pagbangon at pagsaklang ng kape upang
maibsan ang lamig sa nagyeyelong hininga ng umaga sa bahaging ito
ng mundo. Sadyang ganito talaga ang temperatura sa paanan ng kabundukang
piniling pamugaran ng ipinagmamalaking agila ng bayang hindi naman
namin maipagmalaki.
Ipinaglihi raw ako sa sardinas at miki. Nakakatawa pero hindi nakakatuwa
ang kasaysayang iginuhit ng sardinas at miki na isang dahilan kung
bakit nalugmok kami ngayon sa hirap. Ngunit bago iyon ay mas mainam
na isalaysay ko sa inyo ang maikling pagbubuod sa mahabang kasaysayan
ng aming pamumuhay sa bahaging ito ng mundo.
Nang iniluwal ako ng sinapupunan ni Kainayan ay naaamoy ko na ang
halimuyak ng sinanlag na kapeng binabayo na siyang inilalaga sa umaga't
hapon. Sa bawat umaga ay nauulinigan ko ang lagaslas ng sapa sa may
di kalayuan. Ipinaghele ako ng batis at mga kuliglig. Lumaki akong
nakikipaghabulan sa mga kalibangbang at tapuri sa damuhan. Sa araw
ay nakikita ko ang kayod-kalabaw na paglinang ni amay sa sakum. Pawisan
naman ang mga kapatid kong nagbabayo ng palay. Kapag kumukulo na ang
sinaing lagi akong lumalapit kay kainayan para humingi ng lawot. Naaalala
ko tuloy ang sarap ng pakiramdam kapag sinasamyo ang kakaibang aroma
ng sinaing na bagong pinawa. Lalo na kapag ito ay galing sa dinorado
na matiyagang inihahasik ni amay sa sakum.
Nakamulatan ko na ang pagmamahal sa kalikasan na itinuro sa amin
ni amay. Ito rin ang itinuturo ng iba pang laas ng aming tribo. Mataas
ang aming pagpapahalaga sa kalikasan. Itinuturing namin na banal ang
kabundukang bukal ng mga ilog na pinangigisdaan namin, sapa kung saan
kami naliligo at batis na pinagkukunan namin ng malinis na tubig.
Sa kabundukang ito rin kami nangangaso ng usa at salarong. Bahagi
na ito ng araw-araw naming pakikipagtunggali upang magpatuloy ang
mayamang kasaysayan ng tribo.
Narito ako ngayon sa pinakamatayog na tuktok ng kabundukang ito.
Sabi ni tatang wala pa noon itong mga tore ng radyo at telebisyon
na nakatayo ngayon dito. Tanaw na tanaw dito ang halos buong kalupaan
ng Mindanao kapag nahihiyang takpan ng ulap ang mukha nitong kabundukan.
Sabi nila, kung mayroon kang teleskopyo ay makikita mo pa ang kabahayan
sa gilid ng lawa ng Lanao. Pinagmamasdan ko ngayon ang kapatagang
pinaghahatian ng pastulan, mais, palay, at tubo. Pinaghahatian na
rin ito ng mga dayong nangangamkam sa lupaing yaon na datirati ay
pag-aari rin ng aming tribo. Ngayon, naitaboy na kami sa paanan ng
mga kabundukan. Ang iba naming kapatid na nasa kapatagan ay halos
sapat lamang ang lote para pagtayuan ng bahay. Ang iba ay halos namumulubi
na sa hirap samantalang ang mga malalaking establisyemento roon ay
pag-aari ng mga dayong kabalat din na naghahariharian ngayon sa aming
bayan.
Sabi ng mga nagmamalinis na mga tusong kabalat din, kasalanan daw
namin na hindi kami umunlad dahil kami ay mga mangmang. Dahil ipinagpalit
daw ng aming mga magulang sa sardinas at miki ang aming mga lupain.
Habang silang mga dumayo dito ay mga nakapag-aral kaya ayos lang sa
kanila na ipagpalit ang kanilang sardinas at miki sa ekta-ektaryang
lupain ng mga magulang namin. Kaya hindi raw nila kasalanan na makamkam
ang mga lupain ng aming tribo dahil binili naman daw nila ito ng sardinas
at miki.
Ayon sa kwento ni Tatang, sinabi sa kanya ng kanilang kaamayan na
nagsimulang dumagsa rito ang mga dayong kabalat din na mula sa Luzon
at Visayas sa panahong dumating ang mga mapuputi ang balat. Ang unang
bugso ng pagdating ng mga mapuputi ang balat ay hindi ganoon kaepektibo
sa pagkamkam ng aming mga lupain. Natikman nila ang mapait na lasa
ng pangayaw ng aming mga ninunong magahat. Hindi rin sila nilubayan
ng mga kapatid naming kung tawagin ng mapuputi ang balat ay Moro.
Bago pa dumating ang mga mapuputi ang balat, maunlad na ang relasyon
namin sa mga kapatid naming tinatawag na hanggang ngayon na mga Moro.
Sa pangalawang bugso ng mapuputi ang balat, medyo matindi ang hinarap
naming pakikipagtunggali. Ibang wika ang dala nila kaysa doon sa mga
naunang pumunta rito. Iba rin ang taktika nila upang lupigin ang aming
pagtutol sa kanilang paghahari sa aming mga bayan. Pinag-aaway nila
kami at ang iba naming mga kapatid. Pinaghahakot nila ang ibang taga-Luzon
at Visayas upang iharap sa amin. Binabayaran nila ang mga buhong sa
salapi upang hudasin ang aming pagkakaisa. Ngunit patuloy kaming nakipagtunggali
kahit pa bakal na may pulbura na ang karamihan nilang gamit. Samantalang
kami ay mga sibat, palaso at kris pa lamang halos ang ipinananggalang.
Masidhi ang mga ginawa naming pagtutol lalo na ng mga kapatid naming
kung tawagin ay mga Moro. Kung kaya nga sinadyang gawin para sa mga
kapatid naming kung tawagin ay Moro ang kalibre 45. Hindi kasi nila
madaling mapatay ang matatapang na mandirigmang binansagan nilang
mga huramentado.
Subalit dahil sa kahayukang makamkam ang yaman ng aming mga bayan,
pinaigting ng mapuputi ang balat ang kampanyang pagkubkob at paglipol.
Inubos nila ang mga nagpatatag sa Bud Dajo at Bud Bagsak. Lahat na
naroon, bata at matanda, babae at lalaki, ay pinagpapatay nila na
parang mga hayop. Marami pa silang pinatay nang masahol bago pa iyon.
Marami pa silang pinatay nang mas masahol pagkatapos noon. Ngunit
dahil hindi namin sila nilubayan, hindi nila nasakop ang lahat naming
bayan.
Nang ang maghari na ay ang mga katiwala ng mapuputi ang balat, nagpatuloy
ang kampanyang agawan kami ng aming mga lupa. Ito na ang yugto kung
saan dumating ang mga dayong kabalat din na may dalang sardinas at
miki. Sa pamamagitan ng mga batas na sadyang ginawa ng mga katiwala
ng mapuputi ang balat upang alisan kami ng karapatan sa aming mga
lupa, madaling nagsiyaman ang mga oportunistang dayong kabalat din.
Kaya ngayon, sila na halos ang namamahala sa aming bayan. Sila na
ang naging mga punongbayan, kinatawan sa kongreso, gobernador, at
sa iba pang posisyon sa gobyernong sila at ang amo nilang banyaga
lamang ang nakikinabang.
Sa ngayon, itong kabundukang iningatan ng aming tribo mula pa noong
bago dumating ang mga mapuputi ang balat ay aagawin pa sa amin. Idineklara
itong pambansang parke at sa bisa ng batas na tinatawag nilang NIPAS
ay pinagbabawalan na kaming ipagpatuloy rito ang aming mga nakagawiang
pamumuhay sa bahaging ito ng mundo. Hindi na kami pinahihintulutang
mangaso rito ni ang magsakum sa paanan ng kabundukang ito. Ang gobyernong-sila-lang-ang-nakikinabang
na raw ang mag-iingat sa kabundukang ito. Kung tutuusin, kulang na
lang na pagbawalan na nila kaming huminga. Ang kanilang mga ginagawa
ay halos katumbas na ng pagbabawal sa amin na mabuhay. Lahat na ito
ay matapos nila kaming agawan ng lupa at limasin ang yaman ng kalikasan
sa aming bayan. Ano naman kaya ang alam nila sa pag-iingat sa kalikasan
gayong ang kabisado lang nila ay pumutol ng mga puno para sa kanilang
mga bansuhan?
Kaya naghahanda kami ngayon sa pangayaw. Hindi lamang ito isang simpleng
pangayaw laban sa dayong kabalat din namin na naghahari sa aming bayan
sapagkat alam naming malaki ang kinalaman dito ng hegemonya ng kapital
ng mapuputi ang balat. Alam na namin paano isinasanla ng gobyernong
mga kabalat naming naghahari lamang ang nakikinabang ang likas na
kayamanan ng aming bayan. Kaya pinag-aaralan namin ang pagsusulong
ng pangayaw na ito. Nakikipagkaisa kami sa mga taga-patag na katulad
din naming pinahihirapan ng gobyernong mga kabalat naming naghahari
lamang ang nakikinabang at ang amo nilang banyaga na gustong maghari
sa daigdig. Samantala, nababalitaan namin ang paglakas ng pagkikipagtunggali
ng mga kapatid naming kung tawagin ay mga Moro.
Hindi na namin pipilitin pang mabawi ang mga lupang pinalitan ng
sardinas at miki. Ang mahalaga ngayon sa pangayaw na ito ay makakamtan
namin ang aming lupaing ninuno na nakapaligid sa kabundukang ito.
Ang mahalaga ngayon ay nakikipagtunggali kami kasama ang mga kapatid
naming taga-patag na kung tawagin ngayon ay mga namundok upang maitayo
ang gobyernong magsisilbi sa kapakanan ng tulad naming hindi pinaglilingkuran
ng kasalukuyang gobyernong banyagang kapital lamang at lokal na naghahari
ang nakikinabang.
Ang pangayaw na ito ay hindi na lamang para sa mga lumad. Ito ay
bahagi na ng pagbabalikwas ng sambayanan ng arkipelagong tinatawag
na Pilipinas na nagmamalaki sa pagkakaroon ng agilang sikat sa buong
mundo samantalang hindi namin kayang ipagmalaki ang bayang ito. Ang
maipagmamalaki lamang namin ay ang aming lumalakas na pagkakaisa sa
pagbabalikwas sa kuko ng agilang kanluranin na kilala sa buong mundo
sa pagiging mapanlupig. Lugong ha kinalabaw!
---------------
Glosari
kalasanon: labuyo
miki: isang uri ng pansit
sakum: kaingin o bukid
kainayan: ina
laas: matanda o pantas sa tribo
lawot: kulo ng sinaing
kalibangbang: paru-paro
tapuri: tutubi
pangayaw: pakikidigma ng tribo
salarong: usa
usa: baboy-damo
amay: tatay
sinanlag: sinangag
kaamayan: ama
Tala: Halaw sa karanasan ng kaibigan kong
Talaandig.
Si Usman, 22, ay isang freelance writer daw.
Mahilig siyang magkape. Mas gugustuhin niyang tumulay sa alambre kaysa
magluto ng ulam.