RAMDAM NA ramdam ko ang sakit habang ginagamot ko ang mga sugat sa
braso ko. Sariwa pa at medyo malalim ang mga sugat kaya bagamat maliliit
lang ang mga ito, hindi ko mapigilang mapa-Aray! sa bawat
dampi ng bulak na may alcohol. Sa totoo lang, hindi lang ang braso
ko ang makirot, kundi pati na rin ang anit ko. Alam kong wala naman
akong natamong bukas na sugat sa ulo, ngunit sa tindi ng sabunutan
namin, tila nalagas na nga ang kalahati ng aking buhok.
Hindi ito ang unang beses na nagkabanggaan kami ni Ate. Hindi rin
ito ang unang pagkakataong nagpalitan kami ng maaanghang na salitang
may kasamang sipa, tadyak, suntok, kalmot, at sabunot. Itong tatlong
hiwa sa braso ko ay bunga ng kanyang mahigpit na pagkakakapit sa aking
braso, habang kinukurot ko nang matindi ang kanyang mukha. Kung pagmamasdan
mo ang sugat ko, iisipin mong nakipagbakbakan ako kay Wolverine. Iyon
nga lang, mas mababaw naman ito, dahil sigurado ko na kung si Wolverine
ang nakalaban ko, tiyak, wala na akong braso ngayon. May bakas pa
ng dugo na naiwan sa aming dingding. Dangan kasi'y inaawat kami ni
Inay, hayun, tuloy, kumaskas pati siko nya sa kanto ng aming pader.
Na-korner ko kasi si Ate. Pero sa totoo lang, hindi yata siya nalugi
sa ngayon. Mas marami akong sugat. Mas masakit ang katawan ko kaysa
sa kanya. Pero sigurado ko pa rin na nanalo ako dahil mas marami akong
binitiwang salita na sa palagay ko'y habambuhay na tatatak sa isipan
niya.
Bastos ka sa magulang mo! Balang araw, malalaman mo rin ang
sakit ng ginagawa mo kapag ginawa na rin sa 'yo 'yan ng anak mo!
Sa totoo lang, hindi naman talaga kami ang magkaaway noong una. Ipinagtanggol
ko lang ang nanay ko mula sa kanya. Sabi nga ng iba kong kaibigan,
sana raw ay hindi na lang ako nakialam. Ngunit hindi ko na talaga
matiis ang masasakit na salitang namumutawi sa kanyang bibig. Hindi
ako nagmamalinis. Oo, sinasagot ko rin ang nanay ko. Sinasagot ko
siya kapag pinagbibinatangan niya akong nangungupit ng pera samantalang
ibinigay ko naman ang lahat ng resibo ng pinagkagastusan. Sinasagot
ko siya kapag sinisita niya ang mga kilos kong sa pakiwari ko'y hindi
naman mali, taliwas sa inaakala niya. Sinasagot ko siya kapag pinipilit
niya akong makiharap sa mga taong ayoko, gaya ng anak ng kumare niyang
pilit na kinukuha ang loob ko sa pamamagitan ng mga pagkain, pasyal,
at kung anu-ano pang mamahaling regalo. Sinasagot ko siya kapag biglaan
niya akong binubulyawan sa kaunting pagkakamali ko. May sala rin ako
sa nanay kokatulad din ng ate kopero ang kaibahan namin,
kinikilala ko pa rin ang kausap ko. Si Ate, hindi na niya kinikilala
ang pagiging magulang, ang pagiging ina ng taong minumura niya.
Putang ina mo! Makating babae ka! Pati lalaki mo, dinadala
mo pa rito! Para sabihin ko sa iyo, hindi ko utang na loob ang pagbibigay
mo sa akin ng trabaho. Pinaghirapan kong maging regular sa pinapasukan
ko. Ikaw lang ang naglakad ng mga papeles, pero ako ang naghirap magpakitang-gilas.
Wala akong dapat tanawing utang na loob sa iyo! Hindi ko na
talaga matiis. Tumigil ka na nga! Naghahanap ka ba talaga ng
away? Inaano ka ba ng mga tao rito? Iyon ang naging panimula
ng aming matinding sagutan. Bakit? Apektado ka ba? pang-iinis
niyang isinabat. Oo, apektado ako! Ang lapastangang babae,
nakuha pa akong tanungin kung bakit. Oo, apektado ako; nanay
ko ang binabastos mo. Doon pa lamang, alam na ng nanay na magkakasagupa
na kami, hindi lang sa salita, ngunit pati sa pisikal.
Ito ang ikalawang ulit na naipagtanggol ko ang nanay ko. Ang una
ay nang akayin namin siya paalis sa aming dating tirahan, at tuluyang
lisanin ang aming ama. Hindi na namin kayang makita siyang dinadagukan,
ginugulpi, sinisinturon, gayong hindi naman na siya batang nagkasala.
Hindi na siya bata, at lalong wala siyang sala. Sinabi ko sa sarili
kong mamumuhay na kami nang tahimik, wala na siyang asawang pinagsisilbihan
na ay nakukuha pang mambababae't magbuhat ng kamay. Mali ka, Ate.
Hindi ko siya kinukunsinti. Karapatan niya ang lumigaya. Bakit hindi
mo sitahin ang ama mo na may bagong asawa na ay may dalawang anak
pa? Bakit kailangang si Inay lang ang pagdusahin mo? Hindi lang siya
ang magulang na may responsibilidad sa atin. At bakit ba si Inay ang
sinisisi mo sa lahat ng kamalasang nagaganap sa buhay mo gayong ikaw
naman ang may hawak ng sarili mong kapalaran? Huwag kang mabuhay sa
nakaraan, Ate. Palayain mo sa pait ng lumipas ang sarili mo. Tama
na ang paninisi at pamumukol mo sa iyong ina.
Marami nang sakripisyo ang nanay ko. Marami na siyang paghihirap
sa buhay. Hindi biro ang magpalaki ng limang anak: tatlong barako
at dalawang rosas. Alam ko ang mga sakit na dinaranas niya, magpahanggang
ngayon. Mahirap maging ama't ina sa ganoong karaming anak. Dahil kahit
sabihin nang may asawa na ang dalawa kong kuya, si Inay pa rin ang
kanilang takbuhan kapag sila'y namumroblema. Si Inay pa rin ang tagahilot
nila kung makirot ang kanilang likod, at si Inay pa rin ang nag-aasikaso
sa kanilang mga anak sa tuwing iiwanan nila ang mga ito sa aming bahay.
Malakas ang hagulgol ko, matapos ang duwelo namin ni Ate. Nakabulabog
kami ng ilang kapitbahay kaya tiyak ko na kinabukasan ay magiging
bahagi kami ng usapan sa buong compound. Inaasahan ko nang iyon ang
mangyayari. Ganyan naman ang ibang mga tao, mahilig magpista sa kamalian
ng iba ngunit ang sariling putik sa mukha ay ayaw pahirin.
Aray. Masakit talaga ang mga sugat ko. Ngayon ko lang napunang may
pasa rin palang namuo katabi ng mga kalmot. Nasira ang balat ko. Pero
mukha silang obra maestra. Papangalanan ko itong, Kalmot ni
Wolverine. Bagong labas pa naman ang pelikulang X-Men 2. Di
ba mas maganda naman iyong pakinggan kaysa kung ang sasabihin ko sa
mga magtatanong kung ano o napaano ito ay, Bakas ng kuko ng
kapatid ko"?
Sa kabilang banda, ako'y nagdiriwang. Ito'y tanda ng aking muling
pagtatanggol sa aking ina. Kahit di ko man malimit bigkasin ang mga
katagang magpapahiwatig ng pagmamahal ko sa kanya, alam kong sa ginawa
ko ay napagtanto rin niya ang tunay na damdamin ng kanyang bunsong
anak na babae. Nakalimutan ko nga palang tanungin kung magaling na
ba ang mga gasgas sa siko niya. Mamaya'y bubunutan ko na lang siya
ng maliliit na puting buhok, pambawi sa kabang naidulot ko sa nangyaring
gulo.
---------------
Silakbo is a senior BA Organizational Communication student in the
University of the Philippines Manila. She fervently hopes to finally
finish her thesis this semester. She's tired of the bureaucracy she
undergoes when applying for residency.