AT TAAS-NOO ko 'tong ipinagmamalaki.
Hindi ako nahihiyang maging kung sino ako. Hindi ako takot sa panunukso
ng isang lipunang mapanghusga, sapagkat suot-suot ko ang tunay kong
balat. Bakit ko hahayaang kontrolin ng ibang tao ang factors of happiness
ko para sa aking sarili? Dito ako masaya eh.
Ano'ng masama kung trip ko ang get-up ng Salbakuta? Hindi ba't get-up
din iyon nina Nelly, Ja Rule, Eminem, at kung sinu-sino pang rapist,
este, rapper sa kabilang banda ng mundo? Ah, alam ko na. Siguro ang
nasa isip ninyo, ang feeling-feeling namin, hindi naman namin bagay.
Mga istupidong mga baduy. Mala Carlos Agassi ang dating. Wooshoo.
Di lang kayo sanay makakita ng exotic.
Oo nga naman! Hindi naman kami mga Kano, kung anu-ano ang mga pinagsasabit-sabit
namin sa aming pantalon na galing sa kung kaninong poodle at German
shepherd. Tapos ang kasama ko pa, nagsuksok ng singsing sa labi niya,
impluwensiya ni Chester ng Linkin Park. Masyadong colonial ang mentality
namin, ano? Kung kaya ba naming magbahag lang? Maipagmamalaki pa kami
siguro ng mga titser kasi tinatangkilik namin ang sariling atin. Pero
sa tingin ko, hindi rin. Jologs na naman ang dating namin noon. Mga
cheap na tao, mga "the others," mga TH jumaporms. Ang the
list goes on and on and on.
Sawa na akong mapabilang sa mga, ano na nga ba iyon? Styropipe? Ah,
oo! Stereotype nga naman pala. Putseks. Sori. I does not mean it.
Medyo hindi kasi ako marunong umingles eh.
Ika nga nila, crowds don't lead; they follow. Kanya-kanyang eksperimento
lang naman sa sarili iyan. Minsan, mapagtitripan mo na lang ang buhok
mo't pakukulayan mo ng matingkad na kulay, kasi lagi mong nakikita
sa TV. Pupunta ka sa mall at kapansin-pansin na hindi maaaring walang
mapapa-head-turn sa iyo. Doon na magsisimula ang impluwensiya. Ayan
na ang mga aspiring jologs, mga aspiring to be exotic. Isa-isang magsusulputan
ang mga rapper-look-alike na parang mga damo sa garden ni Imang. Ito
na ang sinasabi nilang stepping in the sign of the times. Kanya-kanyang
sakay. Bahala na. Hindi naman namin nalilimutang maghanda sa baygopri
ng mga tao. Puwede ba namang mawala iyon? Ay, oo. Bigotry pala.
Ang pagiging jologs ay pagiging matapang. Ito'y pagiging matibay
sa mga pangungutya ng mga tao. Kailangan mo talagang maging daring
para lang makamit ang saya sa sarili. Ang pagiging jologs ay pampataas
ng self-esteem at confidence. Dinedare mo ang sarili mong umalis sa
pangkarinawang agos at magtatag ng sariling daan. Ito ang konsepto
namin ng pagiging unique.
Wish ko lang, walang mantapak ng pagkatao dahil wala kaming ina-ano.
Alam niyo na siguro ang madalas nilang sabihin. Huwag daw husgahan
ang tao sa kanyang pagmumukha, kundi sa kanyang mga ginagawa. Hindi
naman kami nang-iirita ng kapwa. Hindi rin kami mga adik. Hindi rin
kami ganito pinalaki ng mga magulang namin; baka isipin ninyo pati
ang mga tatang namin ay mga hiphop. Sariling kagustuhan lang ito.
Cheap man at madalas japeyk ang dating at galing pa sa kung saang
bangketa ang mga kasuotan, may porma din naman kami. Aminin niyo.
Iba nga lang sa inaasahan at nakasanayan ng madla.
Kaming mga jologs ang nasa baba. Ang mga stereotype ang nasa gitna
(playing safe ang iba). Ang mga konyo ang nasa taas. Oo, tanggap na
namin na nasa baba kami. Kung baga, kami ang masa, the underprivileged.
Naks! Natatandaan ko pa iyong term na iyon, ah. Sa masa naman talaga
na-coin ang jologs eh. Dilis, tuyo, itlogisa sa mga cliché
na pagkain ng masang Noypi. Diyologs. Jologs. Ginawa na lang J para
medyo hindi pansin.
Okey lang na sa baba ang puwesto namin sa lipunan. At least, masaya
kami. Totoo sa sarili. Matapang. Taglay namin ang we-don't-give-a-damn
attitude, na masasabi kong may halaga rin naman. Kung lahat na lang
ng sinasabi nila ay susundin mo, talagang wala ka ng tsansang maging
exotic. Marami kasi sa mga tao ang gumagalaw ayon sa sabi-sabi. Ang
hirap talaga ng buhay-jologs. Ayoko ng sabihin na mahirap din ang
buhay-konyo. Baka sabihin pa nila we have no right to compare ourselves
to they, este, them.
Respetuhin na lang natin ang isa't-isa. Tutal, nagko-co-exist naman
tayo. Magiging makulay at masaya ba sa 'Pinas kung walang jologs?
Kung walang stereotype? Kung walang konyo? Aba'y hindi!
Pahabol: Walang term na jolog. Ang jologs ay adjective at noun. Ang
singular ng jologs ay jologs din. Kapag plural, lagyan lamang ng "mga"
before the term, dahil sa wikang Filipino galing iyon. Gets?
Mabuhay ang mga jologs. You all rocks, dude!
---------------
"Hindi ako jologs. Just speaking out," sabi ni Jason.