MAHILIG AKONG maglaro sa may damuhan malapit sa tinitirhan naming
kubo. Kapag hapon, mag-isa akong aakyat sa isang mataas na bahagi
ng parang at doon nanamnamin ang malamig na dampi ng hangin. Tila
hinahagkan nito ang aking pisngi at hinahaplos ang aking buhok. Dinarama
ko ang katahimikang naghahari noong hapong iyon. Mapayapa, oo, subalit
gulung-gulo ang aking puso at isipan.
Naramdaman ko ang pagtapik mo sa aking balikat mula sa aking likuran.
Napapikit ako nang mariin dahil sa pagdaiti ng iyong mga palad sa
aking balikat. Parang kailan lang...
Kailan lamang noong ang mga kamay na iyan ang siyang iniabot mo sa
akin noong ako ay nadapa sa paglalaro, dito rin sa lugar na ito. Ang
mga daliri mong siyang humaplos sa aking pisngi upang mapawi ang aking
mga luha. Kailan lamang noong sabay nating pagsaluhan ang tanghaliang
handa ni inang, kasabay natin ang aking ama at ang iba pa sa ilalim
ng punong mangga.
Kailan nga lang. At nagbago na ang lahat. Nang magtapos ka ng sekondarya
ay nagpasiya kang ipagpatuloy ang iyong pag-aaral sa siyudad. Lalayo
ka. At ako, na huli ng isang taon sa iyong edad ay maiiwan dito nang
nag-iisa.
Ngayon, sa iyong pagbabalik, muli kong tinahak ang landas papunta
sa mataas na bahagi ng parang kung saan tayo dating naglalaro. Naisip
ko, maraming alaala ang lugar na ito na kung saan tayo ay may malaking
pagganap sa isipang iyon. Pinilit kong limutin ang mga iyon, subalit
nakikita ko ang sarili kong nagbabalik... tulad mo. Ika'y naririto.
Nagbalik para lamang sabihing matagal nang nagwakas ang mga panahon
ng tawanan sa ilalim ng malakas na pagpatak ng ulan. Matagal nang
napawi ang kasiyahan sa ilalim ng punong mangga. Wala na ang mapayapang
mga sandali sa parang.
Nang idilat kong muli ang aking mga mata, nawala naman ang iyong
kamay sa aking balikat, kasabay ng dahan-dahan mong pag-alis dito
sa ating lugar. Siguro nga. Wala na nga.
---------------