'YAN ANG wika ni Jimuel Dancel ng BlogPH.com
nang pumayag siyang i-host sa kanilang server ang Tinig.com, na alam
niyang bagamat may mga layuning maisulong ang mga makabayang kaisipan,
ay nananatili lamang buhay dahil sa pagtutulung-tulong ng patnugutan
at ng mga volunteer writers at iba pang sumusuporta.
Dahil sa pagbabakasyon ng patnugot at sa samu't saring problema gaya
ng pagkawala ng hosting at computer na luma at nagmamarakulyo, idagdag
pa ang kakulangan ng pambili ng Internet card, ang ating 'indie' e-zine
ay namahinga nang mahigit sa isang buwan.
Ngunit muli itong naririto para sa inyo, mga mambabasa, at para sa
bayan.
Para sa bayan.
'Yan din sigurado ang isa sa mga patakaran sa buhay ni Pangalawang
Pangulong Guingona, na tinawag ng Philippines Free Press na "the
nationalist" and "the man who serves." Pinatunayan
ng kanyang kasaysayan at kasalukuyan ang matibay niyang pagkapit sa
prinsipyo ng pagsusulong sa interes ng bayan bago ang pansariling
kapakanan. Patuloy siyang lumalaban at ngayon nga'y nananawagan sa
kabataan na samahan siya sa kanyang laban upang mapigilan ang tangkang
pagbabago sa Konstitusyon na halatang isinusulong ng mga mambabatas
para sa mga makasarili at makadayuhang kadahilanan. Kakaiba, ngunit
kahit siya ang pinuno ng Lakas CMD, nagwika si Guingona na titiwalag
sa partido kung ipipilit ng mga kasamahan ang kanilang kaduda-dudang
balak.
Samahan natin ang pangalawang pangulo.
Sa ika-4 ng Hulyo, kaarawan ni Guingona at Filipino-American Friendship
Day, magtitipun-tipon ang mga makabayang personalidad mula sa iba't
ibang grupo upang itampok ang mga makabayang adhikain ng mga Pilipino
at iprotesta ang walang kasingkapal na pagigiging sunud-sunuran ng
lideratong Macapagal-Arroyo sa United States.
Iba naman kasi ang pagkakaibigan sa pangangamuhan. Ang pagkakaibigan
ay pantay samantalang sa huli ay may agrabyado at may higit na nangingibabawparang
sa relasyong US-RP sa kasalukuyan.
Para sa bayan, dapat talagang labanan ang ganitong kaayusan.
Para sa bayan.
'Yan din ang prinsipyong gumabay sa buhay ni Dean Armando J. Malay,
isang peryodista, guro, at aktibista. Isa siyang maliwanag na tinig
ng pagbabago at kalayaan sa ating kasaysayan. Mula sa pagsisiwalat
noong siya'y high school pa lamang, sa pagtuturo ng matuwid na pamumuhay
sa kanyang mga tinuturuan sa Unibersidad ng Pilipinas, hanggang sa
paglaban sa kalupitan ng diktador, isang magiting na modelo si Dean
Malay.
Sa kanyang paglisan, nananatili ang kanyang halimbawa na dapat tularan
hindi lamang ng mga mamamahayag at mga guro, ngunit ng bawat Pilipino.
Angkop ang parangal ni Alex Remollino, Kapatnugot ng Tinig.com, kay
Dean Malay:
"Nalimbag na ang huling pahina
sa aklat ng buhay mo.
Ngunit ang tinig
ay di napaparam."
Sapagkat kailanman, lalung lalo na sa bago at ligalig na panahong
ito, hindi dapat maparam ang mga tinig na para sa bayan.
Nawa'y inyong maibigan ang isyung ito ng Tinig.com.

EDERIC P. EDER
Patnugot
---------------