"CLOSED
FOR Renovation," sabi ng karatula sa may kinalawang nang rehas.
"Wait for the grand opening," bandera naman sa may taas
ng lumang gusali.
Kailan naman kaya maghihintay ang mga padrino ng sinehang ito, tanong
ko sa sarili habang nakatayo sa kabilang kalye at naghihintay ng dyip
pauwi. Ganun naman talaga, kunwa'y closed for renovation, pero 'di
naman nagbubukas na. Kung 'di pinababayaan, pinapalitan ng bagong
gusali. Kung magkaganun nga, maraming manghihinayang sa Coronet, lalo
na yung mga suki na.
Pero kahit anupamang sabihin, napamahal na rin sa kanila ang Coronet.
Iba na yung palagi mong pinupuntahan pagkatapos ng trabaho nila o
pasok sa eskwela sa loob ng ilang oras, kahit dalawa o tatlong oras
sa isang linggo, kung saan nagiging totoo sila sa sarili, kung saan
nila naipadarama ang saloobin sa ibang tulad rin nila, kung saan sila'y
pansamantalang nakakatakas sa ipokritong mundo. Napamahal na rin sa
kanila ang Coronet. Ngunit, isa lang ang Coronet. Siguradong makakahanap
din sila ng bagong malilipatan.
Iba naman ako. Mas gugustuhin ko na noon pa nagsara ang Coronet,
at sana, ang lahat ng sinehan ng Cubao, noong niyaya ko si Bert na
manood, noong makilala ko si Josh.
Sakay ng humaharurot nang dyip, habang papalayo sa Coronet, sinabi
ko sa sarili ko na hinding-hindi ko na babalikan ang Coronet o anumang
sinehang tulad ng Coronet. Hindi na 'ko babalik. Hindi.
Medyo madilim na nang makarating ako sa Dorm. Malayo pa lang, nakita
ko nang maliwanag ang loob na kwarto ko. Pagbukas ko, nakita ko si
Bert.
"A, Mon, I'm back," medyo masigla ang pagbati niya sa akin.
"Ha? Kelan ka pa?" Naisip ko bigla si Mark at ang mga sinabi
niya tungkol sa pagkatao ni Bert. Tinantiya ko ang maaaring maging
sitwasyon namin ni Bert ngayon, mga pangyayaring hindi ko inaasahang
nagpabago sa aking buhay, tulad na lang ng hindi inaasahang pagbabago
sa pagbabalik ni Bert.
"Noong isang araw pa, inasikaso ko pa kasi ang paglipat ko dito.
Medyo nahirapan nga."
"A, Bert, nagkita na ba kayo ni Mark?" hindi ko siya pinatapos.
"Si Mark?" Kita sa kanyang mukha ang pag-aalangan.
"O bakit, anong sabi ni Mark? Nagkita na ba kayo?"
"Oo, bago ako umuwi ng probinsya. Nung birthday n'ya."
"Ano'ng sabi?"
"'Wala pa ring pagbabago ang gago, malibog pa rin," ngisi
ko.
"Kung anu-ano nga ang sinasabi e, lalo na yung lasing na."
Umupo si Bert sa kanyang kama, humupa nang tuluyan ang kanyang kasiyahan
sa pagdating ko. Nakadama ako ng awa sa kanya.
"Ano'ng sabi n'ya?"
Tinabihan ko siya sa kanyang kama, sabay akbay.
"Lasing din ako nun, kaya 'di ko rin matandaan."
Sabay kaming tumawa. Tiningnan ko siya. Hindi siya tumugon. Napansin
ko ang kanyang mukha, lalong umamo. Pumuti ang balat at nakalaylay
ang tuwid at humabang buhok sa may pisngi.
"Alam mo, may kasalanan ka sa 'kin."
Ngumiti siya. Naningkit ang kanyang mga mata. Gumuhit ang mga gilid
nito. Naisip ko, hinawi ko raw ang buhok, inilagay ko ang mukha nito
sa aking pisngi, at naramdaman ko ang nangangatog nitong laman. Ibinulong
ko na huwag alalahanin kung anuman ang nangyari. Niyakap ako nito,
nang naramdaman ko ang nangilid na luha nito sa aking batok.
"Kumusta na? Isang sem din tayong 'di nagkita ha. Ba't di ka
man lang nagpakita?'
"A wala, nagka-problema lang."
"Bakit? 'Di dapat sinabi mo sa 'kin. Ganun naman dapat, 'di
ba?"
"Wala yun. Mas mabuti nga 'yon eh. I really had to be alone.
Pero OK na 'ko ngayon."
"Bakit nga? Don't you wanna share it with me, friend?"
Medyo sarkastiko ang ngiti ko.
"Huwag na lang," iling nito.
"Family problem? Teka, siguro, iniwan na naman ng tatay mo ang
nanay mo, ano? Pero hindi na naman bago yun eh
" sabay lipat
ng higaan para magbihis ng shorts.
Tinawanan lang ako nito.
"Hmmm
imposible namang grades. I'm sure, CS ka na naman."
"Ewan ko ngayon, hindi na 'ata e."
"Aha!, don't tell me it's a heart problem?"
Para itong nabingi sa sinabi ko. May dinukot ito sa loob ng bag,
nakasupot pang cd, pirata siyempre.
"Pareng Bert, hindi ka na virgin?" Asar ko kay Bert.
"Natagtag yata ng byahe ang utak mo pare. Buti pa, pakinggan
na lang natin 'tong bagong CD ng The Calling. Kanina ko lang binili."
Kung saan-saan napunta ang usapan namin ni Bert. Isang semestre din
kaming 'di nagkita. Para kaming dalawang magkaibigang naglayo ng maraming
taon. Nakadalawang ikot na ang CD, pinalitan na ng Pearl Jam, patay
na ang ilaw, tahimik na ang aming kapit-kwarto. Tanging mga boses
na lang namin ang sumasabay sa huni ng lumang electric fan at mga
kuliglig ng gabi.
Hindi ko inaasahan na dalawang pagkikita sa dalawang tao ang magpapabago
nang tuluyan sa aking buhay, sa buhay ni Bert. Ang una ay ang pagtatagpo
naming muli nina Mark at Bert.
**********
"Nakita ko si Mark sa Lobby ha. Galing ba s'ya rito?"
"Oo."
Walang sigla ang kanyang boses, hindi katulad ng huli kaming magkausap
kagabi. Pilit na pilit ang kanyang mga galaw. Nakatitig lang siya
sa kisame, sa kawalan.
"May problema ba, pare?" Marahan itong bumangon para umupo
sa kanyang kama at humangos ng may kalaliman.
"Di pa ba sinabi ni Mm
Mark sa'yo, Mon?" Parang nilunok
na ni Bert ang kanyang salita.
Samakatuwid, alam na niyang alam ko na. Naninimbang ako sa sasabihin
ko. Pero wala naman talaga akong pagpipilian. Sinikap kong makalusot
sa sitwasyong hindi ko pa inaasahan.
"Nag-away ba kayo?"
Umiling si Bert. Nabigo ako.
"Ano bang nangyari?"
Namula ang pisngi ni Bert. Maya-maya'y may tumulong luha sa kanyang
mata. Pinigil niyang umiyak pero bumigay na ang kanyang dibdib.
"Pare, ba't ka umiiyak, ha?"
May kumatok sa pinto ng kwarto. Dali-daling tumayo si Bert nang bumukas
ito. Si Mark.
"Mon," mukhang nabigla ang ekspresyon ng mukha ni Mark
nang makita ako.
Lumingon ito sa may lamesa ko para kunin ang isang libro.
"Naiwan ko lang, sige," sabay anyong paalis.
Sinundan ko si Mark sa labas.
"Mark," hinabol ko siya, "alam na niya?"
Tumango ito at huminto sa paglakad.
"Nagtanong eh. Itatanggi ko pa ba? Sorry pare
Maiipit
ka tuloy ngayon," may pagsisisi sa mukha ni Bert.
Tinapik ko siya sa balikat
"Ok lang yun, Mark
Pero 'di ko rin alam ang gagawin ko."
Nagtawanan na lang kami ni Mark. Medyo humupa ang pag-aalala ko.
"Si Mark ba ang pinuntahan mo dito?"
"Ah hindi. Ikaw talaga ang sadya ko. 'Di ko alam, bumalik na
pala siya. Tulungan mo naman ako sa thesis ko. D'yan ka naman magaling.
Baka bumagsak ako."
"O sige. Pero walang toma," kondisyon ko.
"A wala, promise." Tumawa ito.
"Sige pare, aasahan ko yan a
sabihin ko na lang kung kailan,"
sabay kinamayan ako nito, "at a
ikaw na bahala kay Bert."
Sumibat na ito.
Sa totoo lang, nami-miss ko rin ang samahan namin ni Mark, ang gimikero
sa grupo, ang makulit pero kwela sa aming tatlo. Balik kay Bert.
Nang pumasok ako, nandun pa rin sa dati niyang posisyon, nakatalikod,
ngayo'y may hawak na isang basong tubig. Tila nag-iisip kung iinumin
ito o hindi. Hanggang sa nanginig ito nang bigla kong isara ang pinto.
"'Tang ina," hindi ko na napigilan. Hinawakan ko ang magkabilang
balikat niya. Halatang nanghina ito at lumingon ang kanyang mukha
palayo sa akin.
"Ano? Magsalita ka naman, pare. 'Tang ina. Hindi mo ba 'ko pinagkakatiwalaan,
ha?"
Sa wakas, nagsalita na rin ito, pero hindi ko pa rin pinakawalan.
"Alam mo na 'di ba?" at lalo pa itong naiyak.
"Gusto ko ikaw ang magsabi sa 'kin. Totoo ba?"
Patuloy parin sa pag-iyak.
"Ba't ka ganyan ha? Para kang
" hindi ko itinuloy.
Natahimik siya at dahan-dahang tumingin sa 'kin.
"Bakla
" itinuloy niya na halos hindi ko narinig.
Nabitawan ko siya.
"Pero hindi dahil umiiyak ako
kundi dahil
dahil ito
ito
ang nararamdaman ko."
"Matanggap ko naman e!"
Sinabi ko yun para pagaanin ang kalooban ni Bert. Pero hindi si Bert
ang inaalala ko sa mga oras na yun. Kundi ang sarili ko. Kung ano
ba talaga ako. Kung paano ko tatanggapin ito. Kung hanggang saan at
kailan ko dadalhin ito. Madilim. Mas madilim kesa Coronet. Nalaman
ko, nangangapa pala ako sa dilim.
Balik uli kay Bert.
"Si Mark. Pa'no n'ya nalaman?"
Napayuko ito.
"Ano?" pagtatanong kong muli na may inaasahang sagot.
Napakatagal na katahimikan. Pero maliwanag na sa akin ang lahat.
Hindi niya kailangan sumagot.
"Mahal ko siya."
"Sinabi mo?"
"Hindi"
"Pa'no?"
Tumawa ito nang pakimkim. Hindi ko inaasahan ang reaksyong yun. Tuloy
nag-isip ako ng kung anu-ano. Natawa na rin ako.
"May nangyari," pagtatapat ni Bert.
"Ha? May nangyari sa inyo?" laking pagkagulat ko.
"Hindi katulad ng iniisip mo," mabilis ang naging sagot
niya.
"Pinahuhula mo na naman ako eh. Sabihin mo na kasi ang totoong
nangyari sa inyo."
Matagal bago ito sumagot.
"Lasing kayo nun. Ako lang 'ata ang hindi. Tapos andito na tayo.
Humiga pa nga siya sa kama ko. Ikaw naman, humihilik na. Tapos yun,
natukso ako. Akala ko wala siyang mararamdaman,"
"Anong ginawa mo?" patuya kong tanong.
"Hinalikan ko sa pisngi."
"Sa pisngi?"
Hindi ako makapaniwalang sa pisngi lang niya hinalikan. Ano yun,
motherly kiss?
"Tapos biglang dumilat. Namutla ako. Hindi ko na naman maikakaila
yun, e."
"Anong ginawa sa 'yo?"
"Wala. Nasarapan din siguro. Tumayo tapos dire-diretsong lumabas
papunta sa kwarto niya."
Nauwi sa tawanan ang drama.
Bigla kami uling natahimik. Unti-unting dumilim ang paligid, Pero
hindi ito tulad ng dilim sa Coronet. Dilim ito na nagdudulot ng kapahingahan
ng katawan, dilim na tila umiiwan sa nakapapagod na liwanag upang
bigyan ng pagkakataon ang taong matakasan ang mata ng liwanag.
Hinayaan kong mahulog ang kay gaan kong katawan, sabay sa lumalamig
nang hangin sa aking kama.
"Bakit si Mark," tanong ko kay Bert.
Hindi na ito nabigla sa mga tanong ko. Nangiti na lang. Medyo nahihiya.
"Ewan. Hindi ko alam. Siguro dahil siya parati ang kasama ko.
'Di siya mahirap mahalin. Gusto ko na siya kahit noong high school
pa tayo."
"Mahal mo pa ba s'ya?"
Nag-isip ito nang matagal.
"Hindi naman basta mawawala yun. Pero pwedeng mawala. Pwedeng
bukas, hindi ko na pala siya mahal."
"Ganun lang ba kadali yun?"
"Hindi ko alam. Kasi syempre maghahanap din ako ng magmamahal
sa 'kin. Yung hindi lang ako ang magmamahal. Ayoko namang maghintay
kay Mark. Alam kong hindi darating ang panahong 'yon."
"Pa'no kung walang dumating?"
"Di tayo na lang," pabiro nitong sagot.
Natawa ito. Ako, hindi. Natahimik ito. Inisip na sineryoso ko ang
biro. Sa totoo, sineryoso ko nga. Paano kaya kung kaming dalawa. Siguro
mas mapag-aaralan ko ang sarili ko. Siguro mas liligaya ako.
"Joke lang yun, a!"
Natawa na rin ako. Late reaction.
"Anong naramdaman mo nung hinalikan mo si Mark?"
"Para ka namang si Boy Abunda n'yan, e!" protesta nito.
"Hindi nga. Nasarapan ka ba?" giit ko.
Wala nang ibang choice si Bert kundi sagutin ang tanong ko. Pumikit
si Bert. Tila nagbalik-tanaw sa pangyayari, tiniyak ang naramdaman.
Ipinikit ko rin ang mga mata ko, hindi para alalahanin ang aking nakalipas
kundi para isipin ang hinaharap. Ilang linggo na lang, finals na at
'di magtatagal, ibang mundo na ang sasalubong sa amin. Saan kaya kami
tatangayin ng kapalaran?
"Sa tingin ko hindi lang pisngi ni Mark ang hinalikan mo,"
asar ko sa kanya.
Wala itong naisagot, Naningkit na lang ang mga mata ni Bert. Napailing.
Nahiya. Lalong tumingkad ang kaamuhan ng mukha nito.
"Aminin mo na kasi," pagpipumilit ko.
Pero deny to death pa rin ito. Sa pisngi lang daw. Nag-isip ako ng
pang-black mail. Sinabi ko na na nagpapatulong sa 'kin si Mark sa
kanyang thesis.
"Ano kaya kung si Mark na lang ang tanungin ko. Kung sa pisngi
nga lang ba o sa
"
Halatang-halata ang kaba nito. Mabilis itong nag-react.
"Huwag. Baka isipin niya na pinagkalat ko kung ano ang nangyari
sa 'min," defensive ang tinig nito. Sabihin mo na kasi,"
pangungulit ko.
Tawanang muli.
"Kung nandito si Mark, tapos hindi pa namin alam na ano ka."
"Siguro masaya pa rin ako, kahit papa'no. Nakikita ko siya madalas.
Magkukuwentuhan tungkol sa mga babaeng pinapantasya niya. Ako naman
kunwari gandang-ganda kay Jeniffer Lopez tulad niya, kahit gusto ko
si Ben Affleck. Hindi ako dapat magkwento tungkol sa mga soap opera
kasi sasabihin niya 'You're so cheezy naman pare.'Tapos movies naman.
Dapat in-love din ako kay Nicole Kidman kahit ang gusto ko si Ewan
McGregor."
Maya-maya'y magiging seryoso ang gago. Tungkol naman sa mga pangarap
niya. At ito gustung-gusto kong marinig kahit paulit-ulit, paiba-iba."
"Pagka-graduate raw niya magma-migrate raw kami sa Canada. Matutulungan
daw kami ng mga kamag-anak niya dun. Tapos 'pag mayamang-mayaman na
kami, babalik daw kami sa Pilipinas, magtatayo ng food chain as business
partners. Ang saya-saya ko nun kasi, biruin mo, kasama ako sa mga
pangarap niya. Tapos sa sunod na araw, ayaw na daw nitong mag-migrate.
Maglo-law na lang daw siya. Samahan ko raw siya para sabay kami. Sabi
ko, sige gusto ko rin maging abogado. Tapos, tatakbo raw itong Mayor
sa Guian. Ako ang running mate niya."
Ang daming salita ang gusto pang lumabas sa bibig ni Bert. Pero titikom
ito at hihinga na lang ng may kalaliman. Lalamlam ang mukha.
"Sana hindi na lang siya nagising. Sana hindi na lang ako
natukso,"
halos pabulong ang huling salita.
"Sana hindi mo na lang siya hinalikan sa labi," nilakasan
ko ang huling salita.
Tawanang muli. Gusto ko doon muna magtapos. Baka kung maulit muli
ang drama. Kay bigat dalhin hanggang sa pagtulog.
**********
Akala ko, magiging maayos na ang lahat nang dumating uli si Bert.
Nakarekober ako kay Josh dahil kay Bert. Pero, hindi ko namalayan
na hahantong uli ito sa tinakasan kong problema. Mas komplikado ito
ngayon.
Nagsimula ito nang magkita uli kami ni William. Magtatanghali noon
nang mamukhaan niya 'ko habang nagbabasa sa may magazine section sa
isang bookstore sa loob ng mall.
Una niya 'kong binati. Nakasalamin ito ngayon at gaya ng una kong
nakilala sa party ng Mommy ni Josh, matangkad, maputi, at lalong kumisig
sa medyo hapit niyang puting polo.
"Nag-iisa ka yata?" may pagtataka ang tono nito.
"Ikaw rin."
"A hindi. I'm meeting someone. How about you?"
"May hinihintay rin?"
"Who? Someone new?"
Naunawaan ko ang ibig niyang sabihin. Tinatanong niya kung may pinalit
na 'ko kay Josh.
"Kaibigan. Kaklase," paliwanag ko.
Bumunot ito ng naka-display na Chalk magazine at mabiklis na ini-scan
ang pahina kung saan may calendar poster ang Powerboys.
"I like Jordan Herrera's butt, what do you think?" lumapit
ito sabay turo ng isa sa mga miyembrong pinatutungkulan niya.
Isa itong bitag. Alam ko ang gusto niyang mangyari. Gusto niyang
ipakita na open siya sa akin, gusto niyang maging komportable ako
sa kanya. Kapag umayon ako sa kanya, iisipin niyang gusto ko rin siyang
kausap. Magbabanggit pa ito ng mga opinyon niya tungkol sa lalaki,
bagay na sa palagay niya ay pareho naming kagigiliwan, kung saan kami
ay magmi-meet. Pero tulad noong una, ngiti lang din ang naibibigay
ko sa kanya. Pero 'di tulad ng inaasahan ko, iniba nito ng usapan.
"I've been trying to contact you, but I guess you have your
number changed," mahinahon nitong sinabi habang binabalik sa
shelf ang magazine.
"Ha?" pagtataka ko.
"It's about Josh."
"I have nothing to do with him anymore. Wala na kaming koneksyon,
simula nang umalis siya," matigas kong pakasabi.
"Yeah, he knew that. That's why he broke up with you. But it's
not that, Mon. There's one more thing I want to tell you." Humarap
sa 'kin si William. "But would you mind if we talk about it somewhere
else?"
Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng pagkakataong iyon. Wala na
akong maisip na dahilan para pahabain pa ang pag-uusap namin ni William.
Tumingin ako sa wallclock ng bookstore.
"Sana hindi magtagal 'to, ok."
"Yeah. It's alright. It's really important that you know this,"
pakiusap niya.
Lumabas kami ng bookstore at bumaba sa groundfloor ng mall, sa foodcourt.
Una, wala munang nagsalita sa amin. Nagbubuntung-hininga ito, inilapat
ang dalawang kamay na magkahawak at tumingin siya nang diretso.
"The day that he left you
he left for Chicago with his
Mom. He was crying then. He didn't really want to leave. I never saw
him cry."
Hindi tumalab ang drama ni William sa akin, pero hindi ko po rin
alam kung ano ang gusto niyang sabihin. Pinagbigyan ko siya.
"He's already there when he found out that he's
"
nahinto ito.
Hindi na ito makatingin ng diretso sa akin, humigpit ang hawak ng
mga kamay nito, bumitaw at napakagat sa labi.
Wala pa rin akong masabi. Pinanood ko lang ang kanyang mukha, ang
pagbabago nito.
"Hindi niya akalaing mangyayari ito sa kanya. Pero, believe
me Mon, he feels sorry for everything sa inyo. It was a mistake."
Mistake. Umalingawngaw ito sa aking tenga. Parang napatid ang aking
katinuan nang marinig ko ito.
"Mali, hindi siya nagsisi. Mali. Ginusto niya lahat," madiin
kong pagkasabi. "Ginusto niyang masaktan, ako, at kahit ikaw
noon."
Sinubok niyang sumabat pero hindi ko siya pinaraan. Hindi pa 'ko
tapos.
"Pero tama, it was a mistake. Maling-mali. Alam ko na yun, hindi
mo na kailangang sabihin yun."
"Hindi yun, Mon."
Putang ina. Balak ba niyang pahulain ako? Kailangang magdrama muna
kami bago niya sabihin ang sa palagay niya'y kailangan kong malaman.
Ayoko nang magtagal pa ang tagpong ito.
"Mon, he's diagnosed of HIV just last week. AIDS!"
Wala akong ibang narinig kundi ang umalingawngaw na AIDS, ang nakakatakot
na AIDS, ang pinandidirihang AIDS. Meron nito si Josh. Dinig na dinig
ko kay William. Merong nangyari sa amin ni Josh. Pilit kong inalala
kung ilang beses. Noong nasa Coronet, yung unang beses na nangyari.
Isa. Sa kanyang apartment, dalawa, tatlo, apat. Tama, tatlong beses
lang. Apat lahat.
"Nagpa-check-up na rin ako. Negative."
Pero paano kung may AIDS na si Josh bago pa kami nagkakilala? Pero
bago kami, sila muna ni William. Negative daw siya. Wala akong AIDS.
Pero kanino niya nakuha ang AIDS? Paano kung nahawa ako?
"I advise you to undergo testings, just to be sure. I know a
doctor. I can help you Mon."
Halos mapatid ang katinuan ko. Pakiramdam ko nasa madilim na madilim
na lugar ako, nasa dead end na walang babalikan at walang paroroonang
liwanag kundi mas madilim pang lugar. Walang makakatulong.
---------------