v32
Hulyo 1 - 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

MAIKLING KUWENTO
Huling Araw

"PARE, TAPANG yata n'yang kape mo."

Binitiwan ni Mulong sa hapag ang tasang may kapeng walang gatas. Lumingon siya sa kaliwa at sa kanan, hinahanap ang bumati. Nasa likod pala niya.

"Johnny."

Marahang tumayo si Mulong, iniurong ang isang upuan sa tabi niya.

"Upo ka, 'Tol."

"'Musta, Mulong?"

Hindi umiimik si Mulong.

Agad naisip ni Johnny na hindi na niya kinailangang magtanong nang gayon; napansin niya ang malaking ipinayat ni Mulong mula nang huli silang magkita. Di rin nalingid sa kanyang mga mata ang magulo nitong buhok na tila tatlong linggo nang nangangailangan ng gupit. Dati'y dumapo lamang sa tainga ang buhok ni Mulong ay agad itong nagpapagupit, naalaala ni Johnny. Wari ring hindi pinalantsa nang maayos ang kanyang polong nakapailalim sa tila inaalikabok na amerikana; at nasaan kaya ang dating kagila-gilalas nitong mga kurbata?

"Ayos lang, Pare."

Ngunit nahalata ni Johnny sa walang kagana-ganang himig ng boses ni Mulong na hindi maayos ang lahat sa kanya. Sinikap niyang ilayo ang usapan sa anumang tungkol kay Mulong; baka may ayaw itong pag-usapan.

"Pare, natatandaan mo si Miss Fernandez, y'ong dati nating teacher?"

"Y'ong napangasawa ni Raffy Sinbuena?"

"Alam mo pala 'yon, Pare?"

"Sino ba naman ang di nakakaalam ng tungkol do'n sa 'tin?"

"Sarap na siguro ng buhay n'ya, 'no?"

"Tao palang 'to, e. Hindi mo ba alam ang huling balita tungkol sa kanya?"

"Ano 'yon?" Bahagyang kinabahan si Johnny.

"Halatang matagal ka nang di nagagawi sa 'tin, e."

"Matagal-tagal na nga, Pare. Ba't, ano ba'ng nangyari sa kanya? Lalong kinabahan si Johnny.

Naubos ang kape ni Mulong. Humiling siya sa serbidor ng isa pa—wala uling gatas. "Dalaga na s'ya uli. Miss Fernandez na talaga siya uli."

Bagama't nagulat, nakahinga nang maluwag-luwag si Johnny. Akala niya'y kung ano na ang nangyari sa dati nilang guro. "Talaga, Pare? Mukha pa namang made in heaven y'ong pagkakapangasawahan nila."

"Bakit, Pare? Dahil mayaman si Raffy? Naaalala ko tuloy y'ong sinabi sa 'kin minsan ni Ben: 'Sino ba'ng nagsabing pera ang langit?' Tama si Ben, Pare, e. Sa totoo lang, Pare, nag-alala ako para kay Miss Fernandez nang mabalitaan kong nakipag-break s'ya ke Mr. Cornejo para sagutin y'ong si Raffy na alam namang me nobyo s'ya e tigas ng mukhang manligaw, palibhasa, mapera sila. 'To namang si Miss Fernandez, sinagot nga. 'Kala n'ya, ke Raffy n'ya makikita ang langit, e. Pareho nga ng sabi ni Ben, 'Prinsipe nga ang napangasawa n'ya, pero prinsipe pala ng imp'yerno.'"

"Bale naghiwalay sila?"

"Gano'n na nga. Annulled na y'ong kasal nila, last week lang. Wala pa silang isang taon, alam na n'yang mali ang pinasukan n'ya. Pero pinilit n'yang kumapit nang tatlo pang taon. Instant milyunarya nga naman s'ya, e. Sabi nga n'ya, 'Di mo makakain y'ong pagmamahal.' Pero nadaig din s'ya ng katotohanan sa huli. Naintindihan din n'yang aanhin mo y'ong milyunaryong asawa kung mas kawawa ka pa sa alila?"

Napailing si Johnny. "Saklap din pala, 'no?"

Muling naubos ni Mulong ang kanyang kape. Humiling siya ng isa pa sa serbidor—wala na namang gatas."'Wag na nga muna nating pagkwentuhan 'yan, nakakalungkot lang, e. Ikaw na lang ang pagk'wentuhan natin."

Tumawa si Johnny. "Hindi, Pare, ikaw ang magk'wento. 'Lang'ya, isa ka sa mga astigin sa 'tin ngayon, e. Ano, kumusta'ng buhay?"

"'Eto, Pare, huling araw ko na 'to sa trabaho."

Nanlaki ang mga mata ni Johnny. Ngumiti siya. "Bakit, Pare? Me offer kang mas malaking s'weldo? Talaga nga naman, bata pa, umaasenso na nang umaasenso!"

Mabilis na nilagok ni Mulong ang kape. Muli siyang humiling sa serbidor ng isang tasang kapeng walang gatas.

"Dami mo nang nainom, Pare, a."

"Pang-apat ko na 'to," wika ni Mulong nang dumating ang hiniling niya sa serbidor. "Parang di na 'ko tinatablan ng kape rito sa Makati, e."

"O, ano, kumusta na nga?"

"Huling araw ko na nga sa trabaho ngayon. Malapit na rin siguro'ng huling araw ko rito. Uuwi ako, Pare."

"Ano?" bahagyang sigaw ni Johnny, na ikinapatingin ng iba pang mga parukyano ng kapeterya. "Uuwi ka sa San Lucas?" wika niya sa higit na mahinang tinig. "Bakit e ang ganda-ganda ng buhay mo rito?"

"Ganyan din sigurado'ng sinabi ng iba nating dating kaiskwela nang mabalitang hihiwalayan ni Miss Fernandez si Raffy. Pero katulad din ng naisip niya sa bandang huli ang naiisip ko ngayon. Buong buhay ko, nagsikap ako para magkaroon ng magandang trabaho rito sa Ayala o sa Ortigas kaya kundi man dito. Ilang taong sinabi sa 'tin ng kung sinu-sino na pag nasa mga lugar ka na pareho ng Ayala at Ortigas, class ka, astigin ka." Inubos niya sa tatlong lagok ang kape. "Pero sabi-sabi lang 'yon. Dito lang kasi ang sentro ng mga maimpluwensya—sa pulitika, sa pera, sa kultura. Pero ano ang tunay na mukha ng mga lugar na pareho nito? Balon ng mga kagaguhang nagbabalatkayo bilang sibilisasyon. Katulad ng kaso ko. 'Kala ng mga tao, astig ako dahil abugado ako sa isang higanteng law firm, malaki ang kita ko, laging mamahalin ang nabibili kong damit. Kahalubilo ko'ng malalaking tao. Pero sino ba 'yang malalaking tao na 'yan? Mga korporasyong walang ginawa kundi dugasin ang mga karaniwang tao, mga negosyante't pulitiko't artistang walang alam kundi tarantaduhin ang bansa. Uuwi ako sa San Lucas, Pare."

"Ano'ng gagawin mo sa 'tin, Pare?"

"May binubuo ro'ng NGO na legal center na tutulong sa mga magsasaka sa 'tin na inaagawan ng lupa. Magta-trabaho 'ko ro'n, Pare. Maliit lang sigurado ang sweldo, pero do'n mas kailangan ang mga tulad ko, Pare."

Saglit na natahimik si Johnny. "Good luck, Pare," maya-maya'y nasabi niya.

Ngayon lang nakita ni Johnny na ngumiti si Mulong. "Salamat, Pare," sagot nito sa kanya. Maya-maya'y niyaya siya nitong lumabas ng kapeterya, at nagpaalam na ito sa kanya. "Kita na lang tayo pag nagawi ka sa San Lucas."

Sa wari ni Johnny ay kakaiba ang sigla ni Mulong nang lumakad itong palayo.

---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Madalas din siyang mababasa sa Dalityapi Unpoemed. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan