v32
Hulyo 1 - 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Ipinapakilala: Ang Anak ng Bayan

DUMADAGUNDONG NA balita ngayon sa kilusang masa ang pagbubuo ng partido ng kabataan na lalahok sa eleksiyong party-list sa susunod na taon.

Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng kabataan sa kasaysayan ng bansa. Mula sa pakikibaka para sa kalayaan laban sa mga dayuhang mananakop hanggang sa paghamon sa diktaturya ni Marcos, isang muog na bakal ang pwersa ng kabataan. Aktibo sa pulitika ng lipunan, matibay na sandigan para sa pagbabago.

Muling ipinamalas noong EDSA 2 ang dinamismo ng kabataan upang mapabagsak ang rehimeng Estrada. Malaki ang ambag ng sektor upang maging lubusan ang tagumpay ng People Power. Subalit habang kinilala ng bagong rehimen ni Pangulong Macapagal-Arroyo ang kontribusyon ng kabataan, hindi nito pinansin ang kahilingan para sa mataas na badyet sa edukasyon at pagkontrol sa tumataas na matrikula. Ilang buwan matapos ang EDSA 2 ay luminaw na wala itong pinagkaiba sa pinatalsik na administrasyon at sa katunayan ay patuloy itong naging mas masahol hanggang sa kasalukuyan.

Mula sa pagkadismayang ito ay nabuo ang Nagkakaisang Kabataan Para sa Sambayanan (United Youth for the People) o Anak ng Bayan. Aktibo ang kabataan sa pulitika subalit wala itong sariling partido na ipaglalaban ang interes nito sa loob ng gobyerno. Sa tuwing halalan ay sinasabi ng mga pulitiko na susuportahan nila ang kapakanan ng kabataan. Subalit hanggang ngayon, nananatiling madilim ang kinabukasan ng kabataan dahil sa lumalalang kahirapan, bulok na edukasyon, kasalatan sa trabaho, katiwalian sa pamahalaan at karahasan sa lipunan.

Pinangunahan ng mga progresibong organisasyon ng mga kabataan tulad ng ANAKBAYAN, League of Filipino Students, Student Christian Movement, National Union of Students, College Editors Guild at mga miyembro ng Estrada Resign Youth Movement ang pagtatayo ng Anak ng Bayan bilang bagong larangan upang maisakatuparan ang mithiin ng tunay na pagbabago sa lipunan.

Sa haba ng mga dinaanang pagsubok ng kilusang kabataang estudyante sa bansa ay nakaipon na ito ng sapat na lakas upang maitayo ang isang nagsasariling partido. Puhunan ang nakalatag na malawak na pambansang makinarya at impluwensiya sa mga eskuwelahan at komunidad upang madaling makapagbuo ng partido at lumahok sa eleksiyon.

Plataporma ng Anak ng Bayan ang pagtitiyak sa karapatan sa edukasyon at trabaho ng kabataan at mamamayan. Itataguyod nito ang pulitika ng pakikibaka at pag-asa laban sa namamayaning pulitika ng trapo na pinapakinabangan lamang ng iilan at mga dayuhan. Bilang henerasyon na naging saksi sa pagtataksil ng mga lider ng bansa, tayo rin ang kikilos upang maging malinis ang pamahalaan at mapaglingkuran ang sambayanan.

Ngayon, higit kailanman, ang lakas, giting at talino ng kabataan ay kailangan ng bayan para sa isang maningning na kinabukasan. Ang boses ng kabataan ay dadalhin ng Anak ng Bayan sa loob ng pamahalaan. Ito ang partido ng kabataan na binuo ng mga kabataan, pinamumunuan ng mga kabataan at para sa interes ng kabataan.

Higit sa lahat, ito ang partido ng mabubuting anak ng bayan.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan