KAMAKAILAN, ANG Kagalang-galang na Kinatawang Roque Ablan, Jr. ng
Ilocos Norte ay naghain ng isang panukalang batas na naglalayong ideklarang
Marcos Day ang Setyembre 11. Ang Setyembre 11 ay kaarawan ni Ferdinand
Emmanuel Edralin Marcos, na isinilang sa Batac, Ilocos Norte noong
1917 at naging Pangulo ng Pilipinas mula 1965 hanggang 1986.
Sa panukalang batas na ito, malinaw na hangad ni Kin. Ablan na gawing
pista opisyal ang Setyembre 11, kung paanong ang Nobyembre 30, kaarawan
ni Gat. Andres Bonifacio, ay ipinagdiriwang bilang isang pista opisyal.
Sa istorikong tradisyon ng ating bansa, ang kaarawan ng isang tao
ay ipinagdiriwang lamang bilang isang pista opisyal kung siya ay isang
bayani. Maliwanag na ibig ni Kin. Ablan sa panukalang batas na ito
na ihanay sa mga Andres Bonifacio at Jose Rizal ng ating bansa si
Marcos.
Subalit sino nga ba si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos?
Si Marcos ay naging Pangulo ng bansa sa isang panahong papatindi
ang matanda nang krisis ng lipunang Pilipino.
Sumisidhi noon ang kahirapan ng bansa dahil sa walang-bakod na pangingibabaw
sa ating ekonomiya ng multinasyunal na puhunang Amerikano, na napakalakas
sumipsip ng kapital sa atin. Wala ring pakundangan ang pakikialam
ng pamahalaang Amerikano sa mga patakaran ng Pilipinas. Sa maraming
sulok ng bansa, matindi ang inhustisyang panlipunan: ang mga manggagawa
ay saksakan ng baba ang sahod at hindi binibigyan ng karampatang mga
benepisyo, at ang mga magsasaka ay inaagawan ng lupa at binabarat
sa sahod o ani. Talamak ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Dahil dito, papasidhi rin ang lakas ng mga kilusang aktibista, na
nananawagan ng makabansang mga patakaran sa ekonomiya at ugnayang
panlabas, katarungang panlipunan, at matwid na pamamahala. Dumami
rin ang mga kasapi at kaalyado ng liberal na oposisyong pulitikal.
Tinugon ni Marcos ang lakas ng kilusang aktibista sa pamamagitan
ng pagdedeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972. Sa maraming
taon ng batas militar, laksa ang mga aktibistang dinakip nang walang
basbas ng hukuman, pinahirapan, pinaslang, o nawala at magpahanggang
ngayo'y di pa muling lumilitaw. Nakasapit din ng katulad na kapalaran
ang mga kasapi at kaalyado ng liberal na oposisyong pulitikal.
Ito ang Pangulong gustong gawing bayani ng Kagalang-galang na Kin.
Roque Ablan, Jr. ng Ilocos Norte.
Si Imee Marcos, kinatawan din ng isa sa mga distrito ng Ilocos Norte
at anak ng yumaong Ferdinand Marcos, ay tila nagpakita ng kawalan
ng pagkawili sa panukalang batas ni Ablan. Bagama't pinahahalagahan
niya ang mga pagsisikap ni Ablan, aniya, baka raw humantong sa malalang
kontrobersiya ang hakbang na ito.
Ngunit ang tila katabangang ipinakikita ni Kin. Marcos sa harap ng
panukala ni Ablan ay pinasisinungalingan ng kanyang aktibong pagtatangkang
linisin ang pangalan ng pamilya nila. Noong isang taon, ang kanyang
tanggapan ay nagpadala ng mga pahayag sa mga opisina ng pabatirang
madla na nananawagan ng isang "masusi at obhetibong pag-aaral"
hinggil sa panahon ng batas militarna para bang hindi pa sangkatutak
na indibidwal at organisasyon ang nakapagsagawa na nito. Di pa gaanong
nagtatagal, inulit niya ang panawagang ito sa isang pakikipagpanayam
kay Love Añover sa The Probe Teamkung saan niya unang
inihayag nang tahasan ang balak na tumakbo sa pagka-Senador sa darating
na halalan.
Ang lahat nito kaya'y bahagi ng isang malawakang iskrip upang bawiin
ang dating paghahari ng mga Marcos sa bansa?
Huwag sana nating hayaang salaulain ang ating kasaysayan.