(Sa
alaala ni Armando J. Malay, peryodista, propesor, at aktibistang naging
Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas sa kasagsagan
ng batas militar)
Bawat pahina
sa aklat ng buhay mo
ay tinig.
Ang tanang paghakbang
ng panulat mo sa papel,
ang lahat
na pag-apak ng paa mo
sa lansangan
ay Sigaw ng Pugadlawin,
kapasyahan
ng Piringang Babaeng
may tangan sa Timbangan.
Nalimbag na ang huling pahina
sa aklat ng buhay mo.
Ngunit ang tinig
ay di napaparam.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Madalas din siyang mababasa
sa Dalityapi Unpoemed. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at
pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.