PATULOG NA ako noong maagang bahagi ng madaling-araw nitong Mayo
16 nang mabasa ko ang text message ng kasamahan sa Tinig.com na si
Ederic Eder tungkol sa pagpanaw, noong 11:35 ng nagdaang gabi, ni
Armando de Jesus Malaybatikang peryodista, propesor, at aktibista.
Nabalitaan ko noon lamang nagdaang hapon na si G. Malay ay nakaratay
sa Capitol Medical Center, walang ulirat.
Bagama't hindi ko nakilala nang personal kailanman si G. Malay, matindi
kong ikinalungkot ang balita hinggil sa kanyang pagyao. Isa siya sa
hindi ganoon karaming taong karapat-dapat sa matinding paghanga sa
mundo ng peryodismo sa Pilipinas. Naging masugid siyang tagapamandila
ng pamperyodismong tradisyong nagpapahalaga sa makabayan at makalipunang
pakikisangkot, isang tradisyong pinasimunuan ni Marcelo del Pilar
at siya ring tinalunton ng mga Amado Hernandez, Renato Constantino,
at Antonio Zumel.
Nasa haiskul pa lamang si Malay nang magpakita siya ng mga palatandaan
ng tatahakin niyang landas. Noong 1930, bilang patnugot sa panitikan
ng Torres Torch (opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Torres High
School), inilarawan niya ang mga kabulukan ng mga pasilidad ng kanilang
paaralan. Kinatay ang artikulo niyabagay na lubha niyang ipinagngitngit.
Noong siya'y nasa pamantasan, naging aktibo siya sa grupong Young
Philippines, isang grupo ng mga estudyanteng itinatag at pinamunuan
nina Wenceslao Vinzons at Arturo Tolentino noong dekada 1930 na nananawagan
ng nasyunalismo at matwid na pamamahala. Bilang punong patnugot ng
Philippine Collegian, binatikos niya hindi lamang ang mga kabulastugan
ng mga administrador sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) kundi pati na
rin ang kawalan ng noo'y Pangulong Manuel Quezon sa usapin ng kagyat
na kasarinlan.
Naging tagaulat, patnugot, at kolumnista si Malay sa iba't ibang
pahayagan, tulad ng The Tribune, Evening Chronicle, The Manila Chronicle,
The Manila Post, Victory News, Manila Sinbun-sya, Star Reporter, The
Daily Mail, The Manila Times, The Free World, Philippine Panorama,
Mr. and Ms., We Forum, Malaya, Abante, at Sunday Times Magazine. Bilang
mamamahayag, makatotohanan niyang ibinalita at matindi niyang dinuro
ang katiwalian sa pamahalaan. Ginamit din niya ang pahayagan upang
isulong ang kalayaan, katarungan, at karapatang pantao.
Naging propesor din siya ng Ingles, peryodismo, at kursong Rizal
sa iba't ibang pamantasan tulad ng Far Eastern University, Cosmopolitan
College, at UP. Bilang propesor, ibinahagi niya hindi lamang ang malalim
na kaalaman sa teoretiko at praktikal na mga aspeto ng peryodismo,
kundi maging ang isang matibay na makabayang oryentasyon.
Noong 1970-78, nagsilbi siya sa UP bilang Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral.
Bilang Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral ay naging instrumental si
Malay sa pagtatanggol sa kalayaang akademiko at mga karapatang pantao
ng mga mag-aaral sa UP, na noo'y malawakang nilalabag ng pasistang
rehimen ni Ferdinand Marcos.
Sa hanay ng mga mamamahayag, isa si Malay sa matitinding nakalaban
ni Marcos. Bukod sa panunuligsa kay Marcos sa kanyang mga artikulo,
madalas din siyang magsalita sa mga pamamahayag laban sa pamahalaan.
Dahil dito, nabilanggo siya nang isang linggo noong 1982.
Matapos siyang palayain, kumilos si Malay at ang kanyang asawang
si Paula Carolina (isa ring manunulat, guro, at aktibista) para sa
paggalang sa mga karapatang pantao ng mga bilanggong pulitikal at
sa pagpapalaya sa mga itokabilang ang kanilang manugang na si
Satur Ocampo (ngayo'y Kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso), na dinakip
noong 1976 at habang nakabilanggo'y matinding pinahirapan ng militar.
(Magiging bilanggong pulitikal din ang isa sa kanilang mga anaksi
Bobbie, asawa ni Ocamposa ilalim ng pamahalaang Aquino.) Naging
pinuno siya ng Kapatiran para sa Pagpapalaya ng mga Detenidong Pulitikal
at Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya.
Isa rin si Malay sa mga kauna-unahang bumatikos sa administrasyong
Aquino. Tinuligsa niya ang hindi nito paggalang sa karapatang pantao.
Nagretiro si Malay sa pagsusulat noong 1990 dahil sa matinding panlalabo
ng mga mata bunga ng katarata.
Ngunit hanggang sa kaya ng kanyang katawa'y nagpatuloy siya sa pagsama
sa mga kilos-protesta. Isa rin siya sa mga kauna-unahang kumilos laban
sa pamahalaan ni Joseph Ejercito Estrada.
Makalawa siyang ginantimpalaan ng College Editors Guild of the Philippines,
isang organisasyong kinabilangan niya bilang isang estudyanteng mamamahayag
sa UP: una'y ang Distinguished Alumnus Award noong 1966, at ikalawa'y
ang Gawad Marcelo H. del Pilar noong 1983.
Nakasulat si Malay o tumulong sa pagsulat ng ilang aklat: Our Animal
World, The Folkways, at Occupied Philippines: The Role of Jorge B.
Vargas During the Japanese Occupation, at The High School Paper, Reporting,
Editing, Advising. Katulong na patnugot siya ng Atlas of the Philippines
at patnugot ng Memoirs of Artemio Ricarte.
Kagaya ng isinagot ko sa text message ni Ederic, isa na naman sa
mga dakilang nakatatanda ng ating bayan ang lumisan.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Madalas din siyang mababasa
sa Dalityapi Unpoemed. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at
pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.