Pagkapatay mo ng kandila kagabi,
tumakas ako, lumabas,
nakipagniig sa
dilim.
Sumanib ako sa kulay niyang
tumalo sa aking karupukan.
Saksi ang ilang matandang bituin sa
pag-unat ng baluktot kong ugat
at sa paghalinghing ko
hanggang sa tumirik ang mga mata
sa galak;
hindi ko alintana ang tawag mo.
Bakit ako makikinig?
Ngayon lang ako magtataksil—
dapat bingi ako at
di dapat magpapigil.
Mas nakahuhumaling nga ang halik ng
maligamgam na hangin.
Iba ang kiliting dulot sa bawat himaymay ng aking laman.
Napabalikwas tuloy ang tulog kong
kaluluwa
na di man lang nagising
sa mga sinunog mong kamanyang.
Laos ang ang alam mong ritwal ng
Pagsasanib,
walang binatbat sa dasal mo
o sa yong salmo na di makapagpatindig ng kahit
isang balahibo.
Iba siya, ibang-iba nga sa iyo.
walang kondisyon ang pagmamahal,
walang bakod ang kaligayahan,
walang utos ng kapaimbabawan.
Bakit nga ba ako nagtiis sa iyong
sagradong santuaryo
gayong maluwang ang pintuan palabas,
gayong lahat ng bintana'y bukas?
Ah, tama, bukas muli,
sa paghimlay ng araw sa kanyang puntod,
pagkatapos kong tumiwalag sa pag-ibig mo,
nakadipa kong sasalubungin
ang kapangyarihan ng dilim.
Hahayaan kong magpista siya sa aking kahubdan
sa muli naming pagsisiping
at ako nama'y magpakabaliw sa pagsamba sa kanya
hanggang sa tuluyan ng magpatiwakal at mabuhay
sa tawag ng paglaya.
---------------