NANDITO ANG cellphone ko sa mesa. May load nga, wala naman ka-text.
Nagagamit lang ang load sa kakadownload ng mga picture message, ringtone,
at horoscope. Para na rin akong walang cellphone. Nakakalungkot. Wala
ka man lang mababasang "1 message received" o "1 missed
call." Walang nakakaalala sa akin.
Minsan iniisip ko, huwag ko na lang kayang gamitin. Sayang lang ang
kuryente sa kakacharge. Napupudpod na lang ang daliri ko sa kaka-Snake
II. Nakakadagdag na lang rin sa noise pollution kapag pinapatugtog
ko ang mga ringtone. Wala talagang nagmamahal sa akin. Lecheng horoscope
na iyan.
VIRGO: You are ready to invest
more money on your new business.
Akala mo naman may business ka. Akala mo naman may pera ka. Leche
talaga. Leche. Matutulog na lang sana ako, nang biglang, "brrrt...
brrrt... brrrt..." Nagvibrate ang phone ko sabay sa ringtone
na 'im with u.' Nagtaka ako. May nag-missed call.
Tumayo ako sa kama at inabot ang aking cellphone. "1 missed
call," sabi nito sa akin. Hindi naman nakaregister sa phone book
ang number niya. Siyempre, sinave ko yung number bilang "unknown."
Dahil hindi ko siya kilala, tinext ko siya. Ang pambansang reply:
"hu u?"
Matapos ang ilang minuto, nagreply siya. Pero hindi sinabi kung sino
siya. Nagsend siya ng quote.
(>" "<) ")
( ' o,' ) /
(,,)---------
Hi! How Are You?
Nangiti ako. Sa wakas. May nagtext din sa akin. May nakakaalala.
May nagmamahal. Rineplyan ko siya ng quote.
imagin urslf n a
DARK r0om
with RED WALLS
u c n0tHin...
bt u fiL d BLOOD
flowin on u
frm all syds..
DNT B SCARED.
coz ur jst nsyd
MY HEART... :)
Nakangiti pa rin ako hanggang makita ko yung "Message Sent"
sabay lipad nung envelope sa screen. Sumaya ako kahit kaunti. Nakatulog
din ako ng may munting kaligayahan sa loob.
Sa mga sumunod pang araw, nagtetext pa rin kami ng quotes sa isa't
isa. May mga patawa, may mga senti. Minsan, matutulog na lang ako,
bigla pa siyang magmimissed call, na tila nanghihingi ng quote. Iti-text
ko naman siya. Isang buwan nangyari ang ganoon. Basta't lagi, "1
message received." Tapos, pagbukas ko ng Inbox, hayun ang 'unknown'
na may icon na hindi pa bukas na envelope sa tabi. Missed call siya
ng missed call, pero hindi ako naiirita. Bawat missed call niya ay
panibagong kaligayahan sa akin.
Isang madaling araw, habang nanonood ng TV, bigla siyang nagmissed
call. Hindi naman bago yun eh. Ang bago lang ay may naramdaman ako.
Hindi pag-ibig. Hindi rin pagkasawa. Nakaramdam ako ng pagtaka.
Mahigit isang buwan na noong simula kaming nagtext at nagmissed call
sa isa't-isa, ngunit ang tanging pangalan lang niya sa aking phone
book ay 'unknown.' Naalala ko. Hindi ko pala siya kilala. Ako kilala
niya siguro, kasi siya ang unang nagpamissed call. Madaya naman yata.
Naglakas loob akong tanungin siya.
ei. not dat i want to end ds but i want t0 ask u sumthin.
up 2 now, u r regstrd n my f0nbuk as 'unknown.'
can u tel me hu u rily r? jaz wondrin... :)
Medyo kinabahan ako matapos masend. Hindi ko alam kung bakit. Akala
ko tulog na siya kasi madaling araw na, pero nagreply pa siya after
30 minutes.
uy s0ri l8 na ko nagreply. naglowbat kc.
ako pla c ghem.
Hindi pa rin ako nakuntento. Nagkusa akong magpakilala. Kumpleto:
NASL.
hi ghem! im jas0n, 15, m, angeles cty.
i bet ur vry much oldr dan me. :)
Kung bakit nag-assume ako na mas matanda siya sa akin ay hindi ko
alam. Antagal niyang magreply. Bakit kaya? Siguro nabigla siya sa
mga sinabi ko.
ur ryt, im much older dan u. im 25 n i wrk in
a semic0ndctr corp hir in manila. layo mo pala n0h?
Nagreply ako, medyo kabado. Hindi ko pa rin alam kung bakit.
oo. pero balak kong magManila 4 collge.
ang layo ko nga, hehe.
angeles city, tp0s kaw manila. :)
Hindi na siya nagreply. Tinext ko siya ng isa pa.
so... shal we cntinue sndng qu0ts 2 each odr?
Buti na lang nagreply siya agad. Simple lang.
sure, y n0t? cge, gud am! 2log na k0.
Nakahinga rin ako. Naalis ang aking misteryosong kaba. Natulog na
rin ako.
Kinabukasan, hinintay ko ang missed call o message man lang niya.
Wala akong natatanggap. Hindi na 'unknown' ang nasa phone book ko
kundi 'ghem' dahil alam ko na ang pangalan niya. Kung paano niya nalaman
ang number ko ay hindi ko alam. Nagtext ako ng isang quote sa kanya
at nagmissed call pa ng isa. Natapos ang buong araw, wala pa rin siyang
pagpaparamdam.
Alam ko na kung bakit ako kinabahan noon. Duda ko kasi na kilala
niya ako. Palagay ko, wrong number. Akala siguro niya ang number ko
ay number ng isa niyang kakilala o ng crush niya. Kaya kinabahan ako
kasi parang alam ko sa loob-loob ko na titigil na siya sa pagtetext
at pagmimissed call. At tama nga ako. Nagkamali siya ng ka-text. Akala
niya, kilala niya ang ka-text niya.
Doon pa lang sa "cge, gud am! 2log na k0" naamoy ko na
na nadisappoint siya sa aking pagpapakilala. Simula noon, wala na
ulit nagte-text sa akin. Tanga kasi ako. Ba't pa kasi ako nagpakilala?
Maganda na sana eh. Ginuho ko ang sarili kong kaligayahan.
Ngayon, heto na naman ang cellphone ko. Tahimik. Walang ka-text.
Wala ng mga missed call at mga message na nagpapaalala sa akin na
may nagmamahal pa rin sa akin. Wala pala talaga. Talagang wala.
pag d kta tntxt,
d ibig sbhin
nklimutan na kta..
tnitiis lng kta n0!
d ko pala kaya..
na-miss 2loy kta.!
daya mo nman
hirap mo klimutan.
Lecheng mga quotes na iyan. Di rin pala totoo, parang mga horoscope.
Ang huling quote na na-receive ko sa kanya ay ito. Talagang leche.
Leche talaga. Wrong number.
---------------