'DI KO dati napapansin itong si T. Nung ipinakilala s'ya sa'kin ni
D, wala s'yang dating. Napaka-plain. Akala ko pa naman may hitsura
itong jowa ni D. Pero 'di rin naman s'ya pangit. Soulful eyes ala
Demi Moore. Or 'yung mata ng Carebears 'pag masasaya sila. Oo nga,
naaalala ko ang Carebears 'pag nakikita ko 'tong si T. Kasi medyo
slightly chubby s'ya. 'Tsaka medyo bilog din ang mukha n'ya. Short-haired.
Teacher din daw s'ya. Nagtuturo outside Manila. Magka-college pa kami.
Pero 'di ko talaga s'ya nakita dati noong pumapasok pa 'ko. Pero normal
din 'yun na 'di ko s'ya kakilala kasi wala naman akong matagal na
nakabarkada sa college namin. Busy ako sa pag-a-alienate ng sarili
ko.
Mga apat na oras na kaming magkasama. Nandito kami sa isang restaurant
sa Timog. Kakaunti lang ang tao at 'di masyado malakas ang sounds
kaya nakakapag-usap kami ng masinsinan. Sobrang weird nga e. Dahil
dito lang kami nakapagkwentuhan nang maayos talaga. May kasalanan
kasi itong si D. Kaya bigla kaming naging close ni T.
Actually, mas close talaga kami ni D. Marami kaming similarities.
Para nga kaming soulmates na hindi. Pareho kaming may deep religious
upbringing. Pareho din kami na may carefree lifestyle. Pati hairstyle
nga e. Mas maputi nga lang ako nang kaunti. Sa ugali, mas wild itong
si D. Nag-ju-jutz nga ito kung saan-saan. Ako naman gusto ko dating
i-try 'yun pero nanghihinayang ako kasi ayokong ma-addict. Ako pa
naman madalas ma-addict 'pag may nagustuhan ako. Niyaya nga ako dati
ni D, pero tumanggi talaga ako. Mas liberal pa sa 'kin 'tong walanghiyang
'to.
Kabaligtaran naman si T. Kanina noong nagkukwentuhan kami, nabanggit
n'ya na simple lang ang buhay n'ya. Masyado ngang simple na medyo
boring kung ikuwento ko pa. Actually bagay sila dahil sa opposite
silang dalawa. Nagco-compliment kumbaga. Itong si T kasi, jowa material.
Itong si D, para s'yang addict sa Caladryl. Palagi kasing nangangati.
Isa ako sa mga kumamot kay D. Trip ko kasi s'ya. Para s'yang mas
extreme na embodiment ng pagkasiraulo ko. Nakikita ko ang sarili ko
sa kanya na times three pa. Pero ayoko maging katulad n'ya. May parte
rin kasi sa sarili ko na mabait gaya ng personality ni T, na kapag
una mong makita, para s'yang hindi makakabasag ng baso. Itong si D,
parang gabi-gabi nambabasag ng bote ng beer. At itong si T ang magwawalis
ng mga binasag ni D.
As I was saying, naging prospect ko itong si D. Kaya nga parang ang
laki ng paghanga ko sa kanya. Na noong pinakilala nya itong si T,
bigla akong nagulat. Mas may dating naman ako, ah. Siguro, naunahan
lang talaga ako. Kaya rin siguro 'di kami close ni T kasi may pagtingin
ako sa jowa n'ya. Sobra ngang naging sikreto kasi almost one month
yata na nagpaparamdaman kami ni D. Three weeks ago, n'ung medyo lasing
kami nina D, 'tsaka dalawa pang kabarkada namin, hinalikan n'ya ako.
Matagal na rin akong tigang kaya siguro tinanggap ko 'yung halik.
Atsaka trip ko s'ya, 'di ba? So normal lang naman 'yun, sa tingin
ko. 'Di kami close ni T, kaya 'di ako nagi-guilty dahil doon. Ginusto
ko rin 'yun eh. Pero sa tingin ko mahal din ni D si T kasi nagtext
s'ya sa 'kin noong pauwi na s'ya na 'di n'ya raw sinasadya 'yung ginawa
n'ya. Sana daw walang magbago sa barkadahan.
Tama ba naman 'yun?
Mga halos dalawang linggo pa kaming naglalandian ni D pagkatapos
nung kissing scene namin, pero itong si T nakakahalata na. Naging
bukambibig kasi ako ni D. Atsaka madalas s'yang tumambay sa apartment
ko. Medyo malayo kasi ang bahay nila sa isa't-isa kaya parang wala
silang tambayan kundi sa school lang. Itong apartment ko kasi accessible
kaya madalas sila tumatambay. Inuman, kwentuhan, laro ng cards, 'tsaka
nagfi-fish ng mga taong nasa Internet na walang magawa kundi maghanap
ng Caladryl, panandaliang pananggal kati.
Last week, may di kami pagkakaunawaan ni D. Nag-inuman kami kasama
ang barkada. And that time, kasama rin si T. Bago kami pumunta sa
inuman, may nabanggit si T tungkol sa may bakante na posisyon daw
sa pinagtatrabahuan n'ya. In-offer-an n'ya ako na mag-apply, kasi
nga pareho kami ng linya ng trabaho. Kaya bigla tuloy ako tumakbo
sa computer ko at in-edit ang résumé para maibigay na
ni T sa boss n'ya. Napatigil ako bigla. Nakakahiya sa kanya. Nandyan
na may ginagawa akong kalokohan with D tapos si T pa ang tutulong
sa'kin na makahanap ng trabaho. Ang bait niya! Ang sama namin ni D!
Dahil doon, sabi ko sa sarili ko na di ko na iproprospect itong si
D. Although wala naman talagang namamagitan sa'min ni D. 'Yung halikan
lang ang pinakamabigat na kasalanan namin kay T. Pero masama pa rin
ako. Kailangang maghugas ng kamay. Kaya noong nag-inuman kami, sobrang
mabait na ako kay T. Lasing ako noon. Tawa ako nang tawa. Sa sobrang
tuwa ko, kinamayan ko si T. Sabi ko sa kanya na bilib ako sa kanya.
Sabi ko, basta bilib ako. Syempre nagpaparinig ako na masyado s'yang
mabait para kay D, na at that time sobrang sama talaga ng tingin sa
akin. Understandable. Ayaw n'yang mabuko s'ya kay T. Ang katotohanan
n'yan ay marami akong alam na kalokohan ni D. Sobrang nagtiwala kasi
itong si D sa akin. Akala n'ya pagtatakpan ko s'ya kay T. Akala ko
rin dati 'yun. Pero kaya talagang baguhin ng kabutihan ang kasamaan.
Grateful lang ako kay T kaya siguro bigla akong nagpasya na tratuhin
s'ya ng nararapat, at tigilan na ang pakikipag-flirt ko sa jowa n'ya.
Pero hindi pa 'yun ang dahilan kung bakit magkasama kami ni T ngayon
sa Timog. May nangyaring kakaiba kahapon lang.
Magkakasama kami kahapon. Ako, itong dalawang mag-jowa, tsaka isang
kabarkada ko 'tsaka ka-date n'ya. Nag-inuman lang kami sa apartment.
Noong umalis na sila akala ko naman walang problema.
Today, seven hours ago, tumawag itong ka-date n'ung kabarkada namin
nina D at T. Kinausap namin. Hinalay daw s'ya ni D. With my little
respect left to D, hindi ko na lang ibibigay ang details. Pero sobrang
malaswa ang ginawa n'ya na napamura ako ng putangina nang paulit-ulit.
Putangina talaga. Tangina nya. Hinalay nya itong batang-bata na ka-date
nung kabarkada ko. Hinalay n'ya sa kotse nung bata. Magkalapit kasi
sila ng bayan, kaya sabay silang umuwi na silang dalawa lang kasi
bumaba kasi itong sina T atsaka kabarkada somewhere along the way
kasi iba ang direksyon papunta ng bahay nila. At nung bumaba na si
T, umandar ang pagiging makati ni D. Nagyaya syang uminom nang kaunti
at magkwentuhan kasama si bata. Pero may masama pala syang balak.
Tangina ayaw n'yang bumaba ng kotse unless mahahalay n'ya itong si
bata. Buti na lang n'ung bandang huli lumaban na s'ya kay D. Natauhan
ang walanghiya. Nung palabas s'ya ng kotse pahabol n'yang sinabi na
pasensya lang daw kasi tag-libog sya. Tangina.
Kaya four hours ago, dumating si T sa apartment. Supposedly magkikita
pala sila ni D mamaya pa. Hindi nakapagpigil itong si kabarkada ko
at nabanggit n'ya kaagad kay T ang nangyari kinagabihan. Namutla si
T. Kahit na ako nabigla rin ako. Itong isa palang kabarkada ko rin,
niyaya s'ya dati ni D na mag-caladryl. Ako naman ang namutla. Tangina!
Lahat pala yata kami hinalay (or gustong halayin) ni D. Tangina grabe
na 'to. Sobra na si D. At sa sobrang guilt ko na rin siguro, umamin
ako kay T tungkol sa namamagitan sa'min ni D. At sinabi ko pa ang
ibang kalokohang ginagawa ni D sa likod n'ya. Naghuhugas ako ng kamay,
pero parang pakiramdam ko na mali rin itong ginawa ko. Naging balimbing
ako bigla.
Sa apat na oras na magkasama kami ni T, naging close kami. S'yempre
sinuportahan ko sya. Sabi ko ayos lang 'yan, pabayaan mong ma-guilty
si D. Maghiwalay na kayo kako. Pagkatapos, nagkwentuhan kami tungkol
sa family, school, personal lives. Pati na rin tungkol sa mga exes.
Pati na rin si D syempre. Pareho naming pinagkwentuhan ang taong pareho
naming gusto, ginusto, at ngayon minumura namin. Ang saya-saya!
At eto pa ang mas masaya. habang tumatagal naintindihan ko na rin
si D, kung bakit sila magjowa ni T. Panalo kasi itong si T. Jowa material.
Mabait na, tapos habang tumatagal nagiging cute 'pag tinignan mo ng
matagalan. Tangina. Mahal ko na sya! Walang halong kabalimbingan ito.
Matagal din ang apat na oras. N'ung limang oras na, dumating ang
dalawa pa naming kabarkada. At n'ung naging anim na oras na 'yun,
dumating si D, may suot na shades. Kasingdilim ng gabi at budhi n'ya
ang salamin n'ya. Palibhasa ayaw n'ya siguro na mabasa namin ang mga
mata n'ya at nahihirapan din s'ya sigurong tumingin ng diretso sa
amin kasi may kasalanan s'ya. Kailangan n'ya ng security blanket.
Actually, security blankets. Kasi may isa pa s'yang pantakip. Kasama
n'ya ang ex n'ya. Binulungan kami ni T ng kabarkada ko. Tama ba naman
na unahin n'yang i-meet ang ex n'ya bago ang current jowa n'ya? Dinagdagan
n'ya pa, siguro daw may kaugnayan pa itong dalawang ito. Nakakaawa
tuloy itong si T. Ang bait-bait n'ya. Tanginang D ito.
Nag-inuman kami. Pero hindi na umiimik itong si D. Kanina nagtext
s'ya sa'kin. Nagso-sorry s'ya. May nagawa daw s'yang masama. Halatang
guilty. Ako naman deadma lang, tinanong ko kung ano ang problema.
Basta daw.
Halos noong kakarating nina D at ex n'ya, halos silang dalawa lang
nag-uusap. Kami naman nina T ay may ibang topic rin ng conversation.
Kakaiba ang mood sa mesa. Obvious na mayroong nangyaring 'di maganda.
Kinakausap na ni D si T. 'Di ko alam kung ano sinasabi nila sa isa't
isa pero magaling magtago ng emosyon itong si T. Siguro, deep within
sumasabog na ang galit nitong si T. Gusto ko s'yang yakapin. I-comfort.
'Wawa naman 'tong si Carebear.
Lumipat kami ng bar. Ka-text nung kabarkada ko si batang hinalay
ni D. Pinilit n'ya na sumipot para maipakita namin na sinusuportahan
namin s'ya at galit kaming lahat sa kalokohan ni D. Noong dumating
s'ya, nag-dahilan si D na aalis daw s'ya muna para kumain. Pumasok
kami ng bar at uminom at sumayaw ng kaunti. Pagbalik ni D may bitbit
na s'yang kasama. Friends daw n'ya. Security Blankets uli. Hanep talaga
'tong tanginang 'to.
Natapos ang gabi. Sabay umuwi sina D at T. Mag-uusap siguro. Break-up
siguro. Tinext namin s'ya n'ung kabarkada ko na all-out ang suporta
namin sa kanya kahit anong mangyari. Nagtext-back s'ya at nagpapasalamat.
Pagkauwi ko ng apartment, na-miss ko bigla si T. Naaawa ako sa kanya.
Kung pwede nga lang sasaluhin ko na lang s'ya kay D. Hindi sya deserving
ng ganitong pagtrato kay D. Tanginang D, nakakadiri sya. Ano bang
nakita ko dun at napansin ko 'yun? Caladryl lang pala ang tingin niya
sa'kin. Hindi n'ya kayang magmahal ng totoo gaya ni T. Mahal ko na
si T.
Kinabukasan, tinext ako ni T. Hindi n'ya raw alam ang gagawin n'ya.
Hiwalayan mo na kako.
After two days, nagkita kami ng kabarkada ko 'tsaka si T. Nagkwentuhan
kami. Tinanong namin kung ano na ang desisyon n'ya. Hindi n'ya pa
raw alam. Ok lang. Napansin ko bigla na parang may pasa sya sa leeg.
Tinanong ko kung anong nangyari d'un. Wala ito, sabi n'ya. Tinignan
mabuti ni kabarkada. Chikinini yan ah! sabi n'ya. Hindi raw, sabi
ni T. Mukha ngang chikinini. Oo nga pala, sabay sila ni D na umuwi
n'ung lumabas kami.
Lumipas ang tatlong araw, madalas kaming magtext. Miss calls din.
Tinext nya ako na mahal n'ya pa raw si D. Sabi ko follow your heart.
Kung saan ka masaya, suportahan ta ka. Baka daw pagtawanan namin ang
desisyon n'ya. Ah ok, sabi ko. Napabuntong hinga ako. Tinext ko, sabi
ko kung magkabalikan sila malulungkot ako. Sabi ko sana man lang tratuhin
s'ya ni D na deserving sa kabutihan n'ya. Nagpasalamat s'ya. Actually
sinuggest ko pa na gantihan n'ya si D. Pag-iisipan daw n'ya. Si D
nagpaparamdam na raw na parang gustong humiwalay pero gustong marinig
ni T nang diretso. At hindi nangyari 'yun. Nag-usap daw sila uli nang
maayos. Inamin lahat ni D. I-vinalidate ni T ang information na nakuha
n'ya sa 'kin tungkol sa mga kalokohan ni D. Nabigla si D at sinabi
n'ya na ako lang daw ang may alam n'un. Bakit daw namin sya pinagkakaisahan?
'Yun ang huling kwento ni T sa'min.
Matagal din naming hindi nakita ng kabarkada ko si D at si T. Nagkabalikan
daw sila. Sigurado ang daming pangako ni D sa kanya. Siguro nga mahal
talaga ni T si D. 'Di na rin siya masyado nagtetext sa 'kin. Siguro
pinagbabawalan ni D. Siguro nga mahal nila ang isa't isa na kaya nilang
tanggapin lahat ng kalokohan ng isa sa ngalan ng pag-ibig.
Nakalipas ang isang buwan, wala na kaming balita kay D at itong si
T nakikita ko paminsan-minsan sa pinagtratrabahuan namin. Nagkwentuhan
kami minsan.
Sila pa rin.
---------------
Si James Nicolay ay hindi ni miski minsan gumamit ng Caladryl.