ISANG MAINIT na tag-araw, aksidenteng pinagtagpo tayo ng kung anumang
puwersang nagbibigay-direksyon sa ating kasaysayan. Sa unang pag-uusap
ay agad na humanga ako, di lang sa iyong kagandahan ngunit pati sa
iyong paninindigan at pagmamahal para sa ating propesyon at bokasyon.
Hinila mo ako palabas sa Net na puno ng sapot ng kabiguan, kung
saan ako lulutang-lutang sa balag ng kawalang katiyakan. Niyaya mo
akong mag-enjoy rin sa tunay na mundo, at puno ng pananabik na inabangan
ko ang bawat nating pagsasama.
Nagtagpo tayo kapwa sa cyberspace at ganoon din sa ibabaw ng daigdig
na may tatlong dimension kung saan ang tubig, hangin, lupa, at apoy
ay di lamang nakikita't naririnig, kundi nahahawakan at nararamdaman
din.
Magkasama nating tinunghayan ang mga bituin habang ninanamnam ang
lamig ng gabi sa Sunken Garden sa kabila ng kainitan ng umiiral na
tag-araw. Nagsalo tayo sa matamis na kasiyahang dala ng good time
teddy bear na putol ang paa matapos mabiktima ng bomba ni Bush sa
Iraq. Buong gabi nating nilamay ang pagsubok na unawain ang kaisipan
ni Little Prince at ang kuwento nila ng kanyang matampuhing rosas.
Ibinulong natin sa isa't isa ang mga nakalipas na kabiguan at mga
pangarap para sa kinabukasan.
Ang ugnayan nati'y patuloy na yumabong, at hindi naging hadlang
ang layo sa ating mga kuwento't balitaan at mga mapagpalayang buntunghininga
sa gitna ng mga trahedya sa bayan nating puno ng luha't dalita. Habang
tayo'y magkalayo, umigpaw sa pagitan ng mga bundok at dagat ang ating
mga tinig at sa tuwina'y halos magkandarapa ako sa pananabik na muli
kang marinig.
Sabi mo, kakaiba ako (kahit sobrang corny, hehe). Ngunit pareho
tayong kakaiba. Hindi ka gaya ng karaniwang babae. Bagama't tulad
ni Maria Claria'y kailangan mo rin ng mapagkalingang mga bisig, malampa
man ako'y kaya mo akong alalayan. Nauunawaan mong hindi sa lahat ng
oras ay kasinlakas ako ni Shaider. Ideyal kang katuwang tulad din
ng magandang si Annie. Hindi ka lamang palabang Cinderella at mulat
na Gabriela—mas asteeg ka pa kaysa kay Darna. Dahil diyan, titingin
pa ba naman ako sa iba?
Dati, sinabi kong kung muli akong makakaramdam ng tulad ng nararamdaman
ko ngayon, higit pa sa romantikong pangangarap at pagsusulat ang aking
gagawin. Sabi ko, siguro'y tatayo na ako, kikilos at muli't muling
susugal hanggang sa tagumpay. Isang malaking sugal sa pagitan ng kaligayahan
at kasiphayuan ang ginawa ko nang ipasilip ko sa iyo ang aking kaluluwa
ngayong tag-araw.
Sana, ikaw na lang ang lalagi kong kasama sa bawat tag-araw at bawat
panahon ng buhay ko.
---------------
Ito ay para kay Mhay.