LECHENG SOUTH South Expressway na 'to.
Galit ako sa konkretong ahas, akong paulit-ulit na biktima ng malupit
na tuklaw ng lungsod.
Punyetang MRT 'yan.
Minumura ko ang alupihang bakal, habang sinasagupa ang trapik, usok,
alikabok, at panganib sa pagtitiyagang umuwi araw-araw sa isang semi-urban
na pekeng paraiso.
Walanghiya kang manyakis ka.
Babae akong napopoot sa araw-araw na pag-iwas sa mapagsamantalang
mga kamay na ang puntirya'y bulsa, kundi man hita.
Sino nga ba ngayon ang hindi nagagalit, nagmumura, napopoot sa sari-saring
dahilan habang bumibiyahe sa masalimuot na sementadong gubat? Manhid
na tayo sa mala-gyerang mga eksenang itinatanghal araw-araw sa lungsod.
Dati, ang aalalahanin mo lang sa pagluwas ay pagkahilo at konting
pagkangawit kung siksikan ang sasakyan. Ang hilo, madali namang lunasan
ng Bonamine, balat ng dalandan, o plastic bag kung talagang 'di mapigilan.
At dahil walang trapik, kayang tiisin ang sikip ng kinauupuan.
Ibang-iba na ngayon ang biyahe, at maging ang anyo ng tinatahak na
daan ng libu-libong nagco-commute araw-araw. Pero, eh ano naman ngayon
kung iba na ang pangalang nakabalandra sa mga higanteng billboard
na "Road Lighting: Project of Mayor ____" kung hindi pa
rin natitigil ang mga kahunghangan at katiwalian sa pamahalaan, at
maging sa mga pribadong establisimyento? Ano'ng saysay kung nagpalit
na ang mukhang nakaimprenta sa MRT ticket ko kung sa bawat paglalakbay
ay nariyan pa rin ang banta ng pananamantala at karahasan?
Unang eksena:
Kampante kang nakasakay sa MRT, eksakto lang dapat ang dating sa
opisina. Biglang hihinto, gagaralgal ang gulong sa pagsadsad sa riles
na bakal. Technical problem, ia-announce ng driver. Sorry for the
inconvenience. Lilipas ang limang minuto, sampu…labinglima.
Putcha, stranded na kayong lahat. Gusto mo nang magwala. Kailangan
nang buksan ang bintana kung gusto mo pang makahinga, hindi na umuubra
ang aircon. 'Pag minalas-malas ka pa, belated penitensya—lakad
sa riles na parang Death March. Syempre asa pang 'di ka male-late
sa trabaho.
At aba, akala pa yata nila nag-enjoy kayo! Akalain mo ba kasing maulit
pa 'yun? Hindi lang minsan, kundi humigit-kumulang minsan isang linggo
mo sigurong mararanasan ang ganoon. Ano 'to, mala-roller coaster na
biglang titigil sa gitna for suspense, habang nakabitin sa ere ang
mga pasahero? 'Di kaya may proposal na i-combine ang tren ng MRT sa
isang carnival ride, at sinusubukan nila ngayon kung papatok 'to?
May variations din pala ang ride. Pwedeng nasa platform ka na at
naninigas na ang tuhod sa kahihintay, pero wala ni anino ng parating
na tren. Iniwanan ka na't minura sa text ng ka-appointment na kanina
mo pa dapat sinipot, saka pa lang darating si pesteng tren. Na-delay
lang naman pala raw ng beinte minutos dahil sa technical problem;
sorry ulit for the inconvenience. O kaya, paakyat ka pa lang sa istasyon,
sasalubungin ka na ng announcement: wala pa pong tumatakbong tren,
may technical problem. Sorry again for the inconvenience. Pwede ka
raw maghintay, o kung nagmamadali ka naman pero nakabili ka na ng
ticket, pwede mong i-refund na lang ang ticket para makasakay ng bus.
Parang pinapapili ka kung paano mo gustong ma-late: dahil sa buhul-buhol
na traffic sa Edsa (na iniiwasan mo nga kaya ka nag-MRT, di ba?) o
dahil sa makatirik-matang kahihintay sa wala. 'Di lang pala suspense,
game of chance pa. Suwertehan na lang kung makakarating ka nang buhay
sa patutunguhan mo sa tamang oras. At kung makarating ka man sa wakas,
sasalubungin ka ng sirang escalator at elevator at nanlilimahid na
CR: out of order, no water supply; sorry for the inconvenience.
Pero kulang pa pala! Akalain mo pa mandin na ibalita minsan sa radyo
na napakalaki raw ng utang na buwis ng Metrostar sa Quezon City government.
Ewan kung bakit hindi pumutok nang husto sa media ang exposé
na ito at mukhang 'di na rin na-follow-up. Pero kung totoo nga ito,
ano naman kaya ang idadahilan ng management ng Metrostar? Tumambak
at na-delay nang ilang taon ang pagbabayad nila ng buwis dahil sa
technical problem; sorry na lang for the inconvenience?
Pangalawang eksena:
Pag-akyat mo sa bus matapos magpakahirap mag-make-up at magpostura
para magmukhang "presentable" kuno sa trabaho, naglalakihang
poster ng mga halos-hubad na babae ang tatambad sa iyong paningin.
Para bang wallpaper na ipinlasta sa kisame, sa tabi ng upuan ng driver,
sa mga bintana.
Biglang may tatabing lalaki sa upuang dalawahan na kinalalagyan mo.
Sisiksik na para bang 'di magkasya o gustong umangkin ng teritoryo.
Ang gusto'y halos nakatagilid ka na at nakadikit na sa dingding, samantalang
siya'y komportableng sumasakop ng espasyo, nakahindara pa't nakabukaka.
'Di ka na makakalipat ng upuan, puno na ngayon ang bus. Maya-maya'y
magtutulug-tulugan ang lalaki, hihilig at didikit sa balikat at tagiliran
mo. Napapansin ng konduktor pero wala siyang ginagawa, naaaliw pa
yata sa nakikita. Damang-dama mo ang unti-unting paggapang ng kamay
niya patungo sa dibdib mo habang kunwa'y nakahalukipkip. Kapag siniko
o sinigawan mo, may gana pang magalit ang walanghiya at itanggi ang
tinatangka niyang gawin.
O kaya naman ay naglalakad ka sa overpass, nagmamadali nang makauwi
sa takot na gabihin. Bigla kang babanggain ng isang hinayupak na lalaking
mukhang durog, sabay walang pasubaling hihipuan. Matutulala ka na
lang sa sobrang takot at gulat. Ni hindi ka makasigaw, habang nakangisi
pang lalakad palayo ang manyakis na adik.
Nariyan din ang sipulan ka at kantyawan habang naglalakad sa daan.
Hindi mo na alam kung anong klaseng pagtatakip sa katawan ang gagawin
mo para makaligtas sa malalaswang titig. Wala na yatang sinasantong
babae ang mga lintik, bata man o matanda, naka-miniskirt o naka-saya,
basta't makursunadahan ka.
Nandyan ang kumapit sa hita o baywang mo sa loob ng MRT sa pagkukunwaring
nawalan ng balanse paghinto ng tren. Samantalang nakaupo naman ang
bastos na lalaki habang ang mga matatandang babae, na tinabig niya't
inunahan sa pagpasok sa tren, ay nagtitiis na tumayo at mangunyapit.
At marami pang mga pambabastos na mas malala't mas garapal pa kaysa
rito, na maikukwento sa 'yo ng kahit sinong babaeng kilala mo.
Hanggang umabot sa punto na para ka nang praning, na lahat ng taong
makakasalubong mo sa paglalakbay ay tinitignan mo na bilang potensyal
na banta o kaaway. Na kahit mga lalaking mukha namang desente't matinong
kumilos ay hindi mo na makuhang pagkatiwalaan. Mahirap na, mabuti
nang nag-iingat. Daig mo pa si Bush na gustong bombahin lahat, mapa-Palestine,
Iraq o Afghanistan; gustong pasabugin lahat ng itinuturing niyang
terorista, mula kay Saddam at bin Laden hanggang sa Abu Sayyaf. Mahirap
na, baka maunahan pa siya sa pagpapasabog ng guni-guning "weapons
of mass destruction."
Ikatlong eksena:
Hapo ka na sa isang araw na namang trabaho at ilang oras pang overtime.
Sasakay ka ng bus, inaasam ang ilang oras na tulog pagdating sa bahay,
bago bumangon na naman nang maaga't sumagupa sa gulo ng lungsod. Kauupo
mo pa lang ay may sasakay na tatlong lalaki.
Ilang sandali lang ay mag-a-announce na ng hold-up ang isa sa mga
lalaki. 'Di na yata uso ang baril ngayon, dinadaan na lang sa dahas
at pananakot. Lilimasin ang mga bag, waring nagmamadali habang sapilitang
pinadadaan sa underpass ang bus. Kukunin ang pera't cellphone, magtatangka
pang mangapkap. Madali ring bababa ang tatlo, na wala man lang maskarang
pantakip sa mukha at wala ring inilabas na patalim na panindak sa
mga pasahero. Basta ganoon na lang, pilit na aagawin ang pinaghirapan
mong pera't gamit—at waring namimili pa ng mamahaling modelo
ng cellphone.
Mahihimatay ang isang matandang babae, pero sa una'y ayaw pang ihinto
ng drayber. Kakaripas nang malapit na ang istasyon ng pulis; mukhang
kasabwat pa ang mismong drayber at konduktor. Mapipilitan lang tumigil
dahil sa paulit-ulit na pakiusap ng mga pasahero na hayaan silang
tulungan ang namumutla nang matanda. 'Yun pala, naka-jackpot ang mga
holdaper kahit konti lang ang mga pasahero sa bus: tumataginting na
P20,000 ang nakuha nila sa matanda, na pauwi pala ng probinsya.
Ewan ko na lang kung 'di ka ba naman nakapag-amok sa panahong 'to.
Pagkagulo-gulo na nga ng mundo, pare-pareho namang apektado ng krisis,
meron pang mga halang ang bituka na nasisikmurang pagsamantalahan
ang ibang tao at basta na lang kamkamin ang pinaghirapan mo. Ang cellphone
na matagal mong pinag-ipunan para mabayaran nang hulugan, ang perang
pinagtiisan mong pagtipiran para maiuwi sa pamilya mo, pagkakakitaan
lang ng mga taong walang gawang matino. Mga taong may baluktot na
katwiran, na ginagawang dahilan ang kahirapan para mang-agrabyado
ng kapwa nila, na pinagbubuwisan ng pawis at dugo ang kinikitang pera
at ang pagkain na inihahapag sa mesa. Desperado na nga siguro sila.
Pero sino ba'ng hindi?
Ito ang ilan lang sa mga eksenang susuungin mo araw-araw sa paglalakbay
mo sa lungsod. At bago tanungin ng kung sino man kung paano ko nalaman:
oo, nangyari na lahat sa akin ito. Kaya naman balot ng takot ang bawat
galaw ko habang naglalakbay; wala nang ligtas na lugar at mapagkakatiwalaang
tao. At alam kong hindi ako nag-iisa sa aking mga pangamba.
Sa lagay na ito, para na pala tayong mga hayop sa gubat ng kalunsuran,
takot laging masilo ng mabangis na kalaban. Ang kakila-kilabot lang
dito, kung iisipin mo'y kapwa mo rin pala ang naghahanda ng bitag
mo—kapwa mo tao, kapwa mo Pilipino.
---------------
Umaasa pa ring sumikat si Dina Sy-Sicat. Sagisag-panulat ito ng isang
insomniac na manunulat na may kakaibang pagkahilig sa mga tulay at
nakatira malapit sa Laguna Bay. Minsan din siyang nakilala bilang
si Ericka Celis.