ANG BUWAN ng Mayo, bukod sa pagiging buwan ng mga bulaklak, ng mga
ina, at ng Mahal Birhen, ay buwan din ng mga manggagawa at panahon
ng paggunita sa mga bayani ng kalayaan.
Habang papatapos ang tag-init, ihinahandog namin sa inyo ang sari-saring
tinig: mga hirit habang naglalakbay sa lungsod na malupit, mga kuwento
at pagpapahayag ng pag-ibig at libog sa tag-init, mga pagtutol sa
walang ayos na kaayusan, at hiling at hibik ng mga magsasaka't manggagawang
sa paglaya ay nasasabik.
Ngayong Mayo ay inaalala ang Araw ng mga Manggagawa at ginugunita
ang pagpanaw ng dalawang lider ng Himagsikan: sina Andres Bonifacio
na pinatay matapso agawan ng pamumuno ng kanyang mga kasama; at Apolinario
Mabini, ang nagbigay ng katinuan sa windang na liderato ng pumalit
kay Bonifacio. Sa isyung ito ay tinatalakay rin natin ang buhay ni
Simeon Ola, isang bayani mula sa Kabikulan.
Inaalala rin natin si Beng Hernandez, isang makabayang kabataang
manunulat na pinaslang habang nakikipamuhay sa mga karaniwang tao
noong nakaraang tag-araw.
At bilang pagpapatuloy sa ating post-People Power 2 commitment na
tulungang makilala at maipakalat ang magagandang layunin para sa kapwa,
ng mga organisasyon ng mga kabataan, ipinakikilala ng Tinig.com sa
inyo, aming mga mambabasa, ang Guided and Unified Interaction for
the Development of Children, Inc.
Tinatalakay rin sa isyung ito ang mainit na isyu ng pagpatay o pagsupil
sa mga mamamahayag na may tapang at hindi nangiming ibalita ang mga
naghaharing kabuktutan sa ating lipunan.
At siyempre, gaya ng nabanggit na, nariyan pa rin ang mga kolum, kuwento't tula at mga
sanaysay na nagsasalaysay ng iba't ibang uri pagkakaibiga't pag-iibigan
at samu't saring usapin at isipin.
Para pa rin sa inyo ang mga Tinig.com ngayong tag-init.

EDERIC P. EDER
Patnugot
---------------