NANDITO
NA naman ako. Dating gawi ng isang rallyista. Maging sa ingay ng mga
sigaw ng "Erap resign!" at "Guilty si Erap!" di
pa rin maalis ang agam-agam na nararamdaman ko. Ano kayang kahihinatnan
ng lahat ng ito? Tulad ng lahat ng bagay sa mundo, walang katiyakan.
Walang kasiguraduhan. Iniisip ko pa rin, hindi lang ang agarang epekto
o pagbabago. Higit sa lahat ang mas malawak, yung mas tumatagal. Mayroon
nga kaya?
Ewan ko ba. Likas nga lang bang mapagpatawad ang mga Pinoy? Tingnan
na lang natin sina Macoy at Meldy. Si Erap kaya mapapatawad din? Marahil
may depekto na ang bahagi ng utak natin para sa long-term memory.
Ano na nga ba yun? Lintek na yan! Maging eksamen ko sa sikolohiya
ay nakalimutan ko na. Para lang sa ganito.
Lang? Bakit ko naman nasabi yun? Lang nga kaya ang ipinunta ng tao
dito? Lang nga kaya ang pananakit ng katawan at paghapdi ng mga mata
dahil sa kakarampot na pahinga?
Dalawang gabi na rin kaming naririto sa nanlilimahid na kalsada ng
EDSA kasama ang libu-libong mga taong tulad ko'y pagod na rin. Di
lamang ang katawan sa paglalakad. Mas lalo ang isip. Pagod sa pag-iisip
kung ano ang kahihinatnan ng lahat. Sana may bukas pa para malaman
ko ang ending ng kabanatang ito.
Ibang klase rin talaga ang kakapalan ng ibang naririto. Ang iba'y
itinulak ng kanilang mga makamundong interes at pilit nakisama sa
hangaring mapatalsik ang walanghiyang nasa Malakanyang. Kanya-kanya
kami rito ngunit iisa rin. Iisa lamang pero magkakaibang dahilan ng
pagsama.
Minsan nakakapanindig-balahibo ang ilusyon ng pagkakaisang nilikha
ng lugar na ito lalo na't may tumutugtog ng mga kantang ni-recycle
mula sa People Power at sinasabayan pa ng mga confetting inilaglag
mula sa flyover. Ang mga saglit na ito'y tulad din ng mga fireworks
na pang-agaw atensyon: pinaliliwanag ang madilim na kalangitan sa
ilang segundo ng buhay nito. Napakagandang tanawin na kailangang habulin
ng paningin kundi'y maglalaho lamang.
Naglalakad ako ngayon sa kahabaan ng EDSA. Antok na antok, sinisipon,
naiihi na sa salawal. Dangan kasi'y ayokong umihi sa masangsang na
portalet. Nilakad namin ito hanggang makarating sa Galleria pero di
rin naman kami pinapasok. Hindi naman daw kami kakain sa mga restawran
nila. Putangina nila sabi ko.
Ang mga nagpipiyesta talaga rito eh ang mga maliit nating entrepreneur,
ang mga tindera ng fush ball, balot, kendi, yosi, at kung anu-ano
pang memorabilia. Naka-ilan na nga ata akong "glow-in-the-dark"
na ginagawang bracelet. Ang mga Pinoy talaga, lahat ginagawang selebrasyon.
At kung may selebrasyon, siyempre may mga kumikita. Ayos din talaga
itong si Erap, sa pagtanggi lang na mag-resign eh kumikita pa ang
mahihirap. Kakatwang pangitain pero totoo.
Sana'y matapos na ito nang makabalik na sa normal ang buhay ng lahat.
Pero kung iisipin rin ay mabuti na rin ang ganito. Naalala nating
may mas malaking komunidad rin tayong kinabibilangan. Hindi lang tayo
parte ng buhay elitista sa magagarang malls o mga tindera sa paligid
o mga estudyanteng naghahabol ng deadlines. May mas malaking role
tayong ginagampanan. Dito sa EDSA natin matutuklasan.
---------------
Unang nalathala sa Sulo, literary folio ng UP Journalism Club.