GUMAGAWA KAMI ng mga bulaklak. Yari sa papel de hapon. Marami. Yun
ang unang pagkakataong nakakita ako ng napakaraming kulay na pinagsasama-sama,
pinagsabay-sabay. Dilaw, naaalala ko. Berde, Pula, Puti. Asul? Hindi
ko maalala. Malamang wala. Matipid si Lola. Patay noon si Lolo. Maraming
tao, maraming kulay.
Mas marami pa kesa sa mga tao, sa mga kulay noong pasko. Kapag pasko
naman, walang pinagkaiba ang buhay. Nag-aararo pa rin sina Tatay sa
bukid, marami pa ring ginagawa sina Nanay sa bahay. Hindi nga lang
ako makapaglaro. Dapat nagtratrabaho kapag pasko. Dapat mas nagtratrabaho
kapag pasko para mahiblong, mamihasa sa kagagawa, sa katratrabaho.
Ilang araw matapos ang pasko, ginising ko si Lolo, hindi sya magising.
Ipinagising ko sya kay Tita. Hindi pa rin sya magising. Ipinagising
sya ni Tita kay Lola. Ayaw pa rin nya. Ipinatawag namin si Lola Mameng,
ang manggagamot, ang manghihilot. Ginising din sya ni Lola Mameng.
Hindi pa rin sya magising. Nag-orasyon si Lola Mameng. Nagpausok.
Nag-iyakan silang lahat. Hindi ko alam kung bakit.
Baka lumabas ako habang nag-iiyakan sila. Baka pinalabas ako. Para
maglaro. Bihira lang akong nakakalabas sa Ligaya. Malimit akong kinukulong
ni Lolo sa mga paa nya. Hindi na gaanong nakakapaglakad o nakakapagsalita
si Lolo. Paralisado ang kalahati nyang katawan. Ayaw nya akong umaalis.
Gusto nyang sinasamahan ko sya. Hindi ko naintindihan dahil hindi
naman sya nagsasalita. Kahit noong nakakapagsalita pa sya. Nakaupo
si Lolo sa kanyang tumba-tumba kapag araw. Sa may pintuan sa tindahan.
Hindi pa ako nag-aaral pero marunong na akong magbilang. Sa Ingles,
sa Waray, hanggang one hundred. Syien. Hanggang sampu lang ang alam
na bilang ng taga-Samar gamit ang sariling nyang wika. Pagkalampas
dito, ang hiram na bilang na ng mga Kastila ang alam nya. Unsi, Dusi,
Trisi, Katursi, Kinsi, Baynte, Traynta, Kwarenta. Singkwenta, Saysinta,
Sitinta, Otsyienta, Nubinta, Syien.
Sabi ni Tatay kapag nakapagbilang na ako ng hanggang one hundred
makakapagbilang na ako ng hanggang walang hanggan. Hanggang walang
katapusan. Ano yun, sabi ko. Ano ang walang katapusan, ano ang walang
hanggan, sige nga, magbilang ka nga, ipakita mo sa akin at malalaman
ko na. Sabi nya alam ko na rin daw gawin yun. Alam ko nang magbilang
ng hanggang one hundred kaya alam ko nang magbilang ng hanggang walang
hanggan, kaya hindi na nya ipapakita. May pagkaduga ang aking ama.
Maaring dahil sa kasalatan kaya hanggang sampu lang ang alam na bilang
ng taga-Samar. Simple at tahimik at hindi magarbo ang alam na buhay
ng taga-Samar. Maaaring dahil dito kaya wala syang konsepto ng mga
bagay bagay na lumalampas sa sampu. Maaaring dahil wala syang pagnanasa
sa mga bagay bagay na lumalampas sa sampu kaya wala syang konsepto
nito. Maaaring kaiba sa mga bagay bagay na lumalampas sa sampu ang
ninanasa nya kaya wala syang pagnanasa sa mga bagay bagay na lumalampas
sa sampu. Maaring hindi numero ang pakialam nya. Maaring hindi numero
ang pakialam nya. Sa diretsahang salin, ang ibig sabihin ng waray
ay wala.
One hundred. Tapos uulit uli sa one hundred one, two, three, two
hundred. Two hundred one, two, three. Hindi naman uulit sa one, two,
three. One hundred one, one hundred two, one hundred three. Uulitin
mo lang ang mga values na basic: one, two, three pero ikakabit mo
yun sa hundreds, ibang values yun. Iba ang one hundred one sa one,
ang one hundred two sa two, ang one hundred three sa three. Oo na,
oo na. Alam ko na, alam ko na.
Alam ko na noon ang tungkol doon kagaya ng alam ko na noong patay
na nga si Lolo. Alam na hindi alam. Kumuha si Tatay ng papel at ballpen.
Imamapa namin ang mga numero sa kanilang place value system. Nasaan
ang ones, ang tens, ang hundreds dahil may mapa ang lugar ng mga yun.
Ang decimal point at ang decimal values. Ganyan, ganyan, ganyan. Naiintindihan
mo na ba?
Nasaan si Lolo? Nasa langit. Anong ginagawa nya dun? Masaya sya dun.
Anong ginagawa nya dun? Wala. Kaya pala masaya. Hindi, ibig kong sabihin,
hindi ko alam kung anong ginagawa nya dun. Kaya pala masaya.
Naiintindihan mo na ba? Naiintindihan ko na. Naiintindihan ko ang
teorya. Nasusundan ko ang teorya. Nagagaya ko ang teorya. Pero hindi
ko pa rin makita ang walang hanggan. Hindi ko pa rin makita ang walang
katapusan. Hindi pa rin ako makapagbilang ng hanggang walang hanggan.
Kelan mo ba kailangang magbilang ng hanggang walang hanggan? Hanggang
walang katapusan?
Inilipad ng hangin ang supot na pambalot ng Chippy Red. Iba na ngayon
ang lasa ng Chippy Red. Lasang tira-tirang baboy, basurang pagkain.
Noon lasang langit ang Chippy Red. Lasang panaginip. Pangarap. Katamaan.
Kaakmaan. Madagundong na palakpak. Lasa ng parangal at pagbibigay-pugay.
Dahil Valedictorian ako sa grade six. May kasama pang Sprite. Dahil
nga Valedictorian ako sa grade six. Hindi na ako tatanggap ngayon
ng Chippy Red bilang premyo sa pagkakamit ng College Degree sa Unibersidad
ng Pilipinas. Ayoko na ng lasa ng Chippy Red.
Napakahalaga ng mga pambalot sa Ligaya. Iniipon ang mga ito. Itinatago.
Kung bibili ka ng bigas, dapat may sarili kang dalang lalagyan. Kung
hindi sako, bayong, supot. Ng skyflakes kunwari, yung malaki, yung
bag ng skyflakes na nasa individual wrappers. O di kaya ay sando plastic
bag. Pulang sando plastic bag na may guhit guhit na puti ang gamit
na bag pang-eskwela ni Non Non. Hawak nyang nakasablay sa likod at
nakasabit sa isang daliri habang nakatupi ang kanyang kamay sa balikat.
Doon nya nilalagay ang mga libro nya. Ang lapis at papel. Wala syang
notebook. Wala namang may notebook sa Ligaya. Kami lang. Listahan
ng mga may utang. Magaling magbilang si Non Non. Hindi sya marunong
magbasa at magsulat. Nagsusulat ako ng mga numero sa papel at nagso-solve
ako, nagbibilang lang sya. Kung magkano utang nila. Kung magkano sukli
nya. Talo nya ako. Mas mabagal ako. Mas mabilis sya. Pero hindi sya
marunong magsulat at magbasa. Talo ko sya.
Tinuruan akong magbilang bilang parusa sa aking kakulitan. Masyado
akong maraming tanong, masyado akong maingay, masyado akong malikot,
masyado akong sutil, masyado, masyado, masyado. Basag na naman ang
isang garapon ng mga kendi, nahagip ko. Magbilang ka dyan. Magsulat
ka dyan. Wag kang lalabas ng bahay.
Pagkatapos nila akong turuang magbilang, pinagbantay nila ako ng
tindahan. Ang galing. Parang isang programa ng Correctional and Penal
Bureau. Tapos pagkatapos nila akong turuang magsulat ng pangalan,
tinuruan din nila akong magbasa. Ang galing galing ko. Ako lang ang
bata sa buong isla ng Ligaya na kayang magbilang, magbasa at magsulat
ng pangalan nang hindi pa, nang malayo pang mag-grade one. Si Non
Non grade two na hindi pa rin marunong magbasa at magsulat.
Hindi na nakauwi sa Ligaya si Marina. Si Marina ang pinakamatanda
sa lahat ng mga kalaro ko. Dalagita na sya. Siguro kinse na sya noon.
Pero hindi pa rin sya marunong magsulat o magbasa o magbilang. Hindi
sya nag-aral. Napakaganda ni Marina. Mahaba ang buhok at malusog ang
katawan. Matangkad.
Sa tuwing naglalaro kami, gustong gusto nyang sya ang Nanay. Gustong
gusto nyang kunwari buntis sya. Nilalagyan ng tuwalya o di kaya ng
kumot ang duster nya. Tapos sasakit kunwari ang tiyan nya dahil manganganak
na sya. Mag-aatungol sya. Mamimilipit, magtutuwad-tuwad. Araaayyyy!
Berto, hayup ka, nasan ka? Wala kaming Tatay sa laro. Kalimitan nasa
laot o nasa sakahan ang mga lalaki sa Ligaya. Si Marina tumutulong
din sa sakahan. Pero hindi sya pumapalaot. Sya ang nag-aalaga sa mga
kapatid nya, ang naiiwan sa bahay. Magaling magluto at mag-ayos ng
bahay si Marina.
Kinuha syang katulong sa Manila. Sinundo sya ng sabi ay Tita nya.
Lalabas daw sila sa Ligaya. Lalayo, malayong malayo. Tatawid sa dagat,
mawalak na malawak na dagat. Hihigit isang araw ang biyahe. Magbibiyahe
rin daw sila sa gabi, habang nakatingin ang buwan. Maraming pera daw
doon. Maipapasemento ni Marina ang sahig nila, maipapayero ang bubong
nila. Sama raw ba si Marina? Sumama si Marina. Umalis sila. Tapos
wala nang balita kay Marina. Walang sulat, walang padala. Walang nakakaalam
kung ano nang nangyari sa kanya. Anak ng dagat, yun daw ang ibig sabihin
ng pangalan ni Marina. Nagmula sa dagat at palaging tinatawag ng dagat.
Gusto ko ako ang baboy sa laro. Yung kinakatay. Hinahabol, hinuhuli,
hinahawakan sa mga paa at kamay. Itinatali. Pinapasakan sa bibig.
Pinipilit na supilin ang mga hinaing. Eeeek! Eeeek! Tapos sinasaksak
sa leeg. Ayokong namamatay. Ang tagal tagal kong nag-ii-eeek! Eeek!
Naaasar na sa akin ang mga kalaro ko; nangangalay na sila, di pa rin
ako mamatay-matay. Pero sa bandang huli palagi pa rin akong namamatay.
Hindi kasi matatapos ang laro namin kung hindi ako mamamatay. Yun
ang aming The End: ang ako ay mamatay. Handa na ang litson para sa
anak ni Marina. Sa kasal ni Marina, sa libing ni Marina. Sa mga engkantong
kumuha kay Marina.
Ang mga kulay na pula, dilaw, at berde. Mga kulay na nasa colorgun
ng mga color TV. Sabi ng teacher ko sa Basic Broadcasting, color is
reflected . The color red is every color in the spectrum except red.
The color yellow is every color in the spectrum except yellow. The
color yellow has red, green, violet, indigo, and blue in it. Absorbed
by it. But not yellow. Whatever color is not absorbed is reflected.
Ironically, we call something by the color it does not contain. We
call something by the color it gives off. Spectrum daw ang itatawag
namin sa dati na naming tinatawag na rainbow habang nasa klase kami
na yun.
Kung magsasalita ka sa klase na yun, may dalawang wika kang pagpipilian.
Pwede mong gamitin ang kahit na isa lang sa mga ito. Piliin mo na
daw ang pinakagamay mo. Ingles o Filipino. At dahil isa lang ang pipiliin
mo sa dalawang mga wikang ito, dire-deretso dapat ang gamit mo sa
wika. O kung nahihirapan ka, pwede mong gamitin ang dalawang wika
pero tatapusin mo ang isang buong pangungusap sa isang wika bago ka
lilipat sa isa pang wika at tatapusin mo rin ang pangungusap na iyun
sa isa pang wika na yun.
Ang kulay na itim. Lahat ng kulay sa spectrum ina-absorb ng kulay
na itim. Kaya wala itong niri-reflect. Kundi kadiliman. Kaya wala
kang makikita rito. Kundi kadiliman. Kaya tayo nakakakita (kung maayos
naman ang mga mata natin) ay dahil may liwanag, sabi ng teacher ko
sa Basic Broadcasting. Dahil iniilawan ng liwanag ang mga kulay. Dahil
pinapagre-reflect ng liwanag ang mga kulay. Pinapag-reflect ng liwanag
ang kadiliman. Ang kadiliman ng isang kulay na punung-puno, meron
ng lahat, kargo ang lahat. Ang kulay na itim.
Ang kulay na itim. Ang t-shirt na itim. Ang mukhang maitim. Mula
sa itaas ng bundok kung saan nandoon ang paaralan, kung saan nagmumulto
si Catalina, makikita ang tatlong kasko lulan ang napakaraming itim.
Itim na mga payong na sumusukob sa mga katawang balot sa itim. Mga
mumunting itim sa malawak na asul na karagatan. Mabagal ang usad.
Mabagal ang usad.
Iyun ang prosesyon ng libing namin kay Lolo. Tatlong mga kasko papunta
sa kabilang bahagi ng isla kung saan nandoon ang sementeryo, kung
saan humaharap ang isla sa Bungto, ang katapat ng Ligaya sa kabilang
ibayo, sa pulo ng Samar. Samar din naman ang Ligaya pero halos ang
buong mundo naming mga taga-Ligaya ay Ligaya na lang talaga. Hindi
kami halos makaalis sa isla. Parang napakalayo ng Samar para sa isang
taga-Ligaya.
Lulan kami ng isa sa mga kasko. Si Lola, si Tatay, si Nanay, si Tita,
si Tito. Ang Nanay at Tatay ni Lolo: sina Mamay at Papay. Si Lolo,
sa loob ng kabaong, pinapalibutan namin. Ang mga pinsan kong galing
pa sa Bungto. Ang iba pang mga kamag-anak, ang mga kapit-bahay, si
Lola Mameng, si Tiyon, ang mang-aawit ng Ligaya, si Lanero, ang tagagawa
ng kalamay at asukal, si Inay Simiona, ang tagagawa ng banig, si Mama
Biyay, ang aswang. Ang lahat ng tao sa Ligaya, kunti lang yun. Ang
lahat ng tao sa Ligaya, lahat kamag-anak yun. Tatlong kasko kaming
lahat. Dalawang bangka ang katumbas ng isang kasko. Ang lapad nito
ay katumbas ng lapad ng dalawang bangkang pinagdigkit. Ang haba nito
ay katumbas din ng dalawang bangkang pinagdugtong. O higit pa. Walang
makina. De sagwan.
Banayad ang tubig. Bahagya lang ang dampi ng hangin sa mukha ng ilog,
halos kumapos ang yapos, halos hindi lumapat, halos hindi dumaop.
Napapadaan lang kasi. Hindi magtatagal, hindi mananatili. Kagaya ng
pagdaan nito araw-araw, oras-oras, minu-minuto. Ordinaryo. Nakatitig
ang mga bukid. Nakatanghod ang mga puno, nakayukod ang mga dahon.
Nakatigil. Tahimik. Nakikinig sa mabagal naming usad.
Isang gabi nakatayo si Lolo sa harapan ng bintana. Nakatanaw sa labas.
Nasa tabi nya ako. Nakahawak sa hita ng pantalon nya. Nakapasok sa
bulsa nya ang mga kamay nya. Madilim na madilim sa labas. Paminsan
may lumilipad na alitaptap. Wala kaming imikan ni Lolo. Hanggang sa
naglapat ang aming mga palad.
Hindi humuhuni ang mga alitaptap.
Nasa kusina si Lola si Nanay at si Tita. Naghihiwa ng laing, nagdudurog
ng luya at nagkukuyod ng niyog habang nakikinig kay Eng Eng at Simatar
sa radyo. Nasa laot si Tatay at si Tito. Umaga pa uuwi. Nasa may bintana
kami ni Lolo. Wala kaming hinihintay, wala kaming hinahanap. Nakatingin
lang kami sa labas. Nakikinig sa pangungusap ng katahimikan ng Ligaya.
Si Catalina. Ang pinakaunang tao sa isla ng Ligaya. Ipinangalan nya
sa kaisa-isang nyang anak ang Ligaya. Engkanto ang Tatay ni Ligaya.
Si Catalina, ang nakakita ng lahat lahat. Ang umako sa lahat lahat.
Ang kumargo sa lahat lahat. Ng buong istory ng Ligaya. Ng buong kasaysayan
ng Ligaya. Ng buong kagandahan ng Ligaya. Inako nya lahat, wala syang
pinagsabihan. Punong-puno si Catalina. Nag-uumapaw. Sa kawalan. Maitim
na maitim ang mukha.
Si Lolo, apo ni Catalina. Maitim din ang mukha. Hindi rin nagsasalita.
Pinakamaiitim ang mga mata nya. Parang ang dagat ng Ligaya. Burak
ang ilalim, malalim na malalim. Malulunod ka na lang, hindi ka pa
rin pahihintulutang masayad, masagad ang ilalim. Lulutang ka. Mamamatay
kang hindi naaarok, hindi namamalasan ang kanilang kaibuturan. Noong
namatay si Lolo, ipinikit din nya ang napakaiitim nyang mga mata.
Nag-alay ako ng mga bulaklak sa puntod ni Lolo. Karamihan pula. May
ilang dilaw. Karamihan santan. May ilang gumamela. Sabi ko sa susunod
na balik ko tapos na ako. Makikita na ako sa TV. Dadaloy na rin ako
sa airwaves, sa cyberspace. Kung saan man yun. Malapit siguro yun
sa kung saan man sya nandoon. Dumadaloy, lumulutang, naghihintay.
Mangarap daw ako, sabi ni Lolo. Magaling daw ako, sabi ni Lolo. Kaya
ko raw umalis sa Ligaya. Kaya ko raw lumipad. Malayo raw ang mararating
ko. Sigurado sya. Bilib sya sa akin.
Mula sa puntod ni Lolo nakikita ko ang Bungto. Papalayo sa Ligaya.
Papalawak ang ilog na pumapagitan sa kanila. Papaurong ang bakawan.
De makina na ang mga bangkang tumatawid sa ilog na ito. Mabibilis
na ang takbo. Maingay na ang Ligaya. Pero nangangati pa rin ako kapag
umuuwi ako. Makati at matahimik pa rin ang simoy ng hangin sa Ligaya.
Yumayakap, nangungusap.
Isang gabi nakatayo si Lolo sa harapan ng bintana. Nakatanaw sa labas.
Nasa tabi nya ako. Nakahawak sa hita ng pantalon nya. Nakapasok sa
bulsa nya ang mga kamay nya. Walang ilaw sa loob ng tindahan kung
saan kami nakatayo. Baka nagtitipid si Lolo sa gaas. Madilim na madilim
sa labas. Paminsan may lumilipad na alitaptap. Wala kaming imikan
ni Lolo. Hanggang sa naglapat ang aming mga palad. Wala kaming hinihintay,
wala kaming hinahanap. Nakatingin lang kami sa labas. Nakikinig sa
pangungusap ng katahimikan ng Ligaya.
Noong unang araw ng burol ni Lolo, pinagliyab ng libu-libong mga
alitaptap ang kumpul-kumpol na mga puno ng katmon sa bakuran ni Lola
Mameng. Maalab na maalab. Maliwanag na maliwanag. Matahimik na matahimik.
Hindi pa rin humuhuni ang mga alitaptap.
Noong nag-report ako sa klase ko sa Basic Broadcasting, pinaupo ako
ng teacher ko. At nang nakaupo na ako, pinalabas nya ako. Masyado
syang naalibadbaran sa akin. Hindi ko mabigkas ng tama ang salitang
between. Bitwuin daw ako ng bituwin, e ang liwa-liwanag ng araw. Ulitin
mo, inulit ko: bituwin. Between! Ulitin mo! Inulit ko: bituwin. Between!
Bituwin. Between! Bituwin. Inulit nya, inulit ko. Napikon sya, pinaupo
nya ako. Nagsimula syang mag-report ng report ko, nakita nya ako,
pinalabas nya ako. Hindi ako lumabas.
Drinop nya ako. Kinuha ko sya uli. Pumasa ako. Kinuha ko sya uli.
Sa ibang subject. Law on Mass Media. Alam ko na ngayon kung paano
bigkasin ng tama ang between. Between. Between. Between. Isa pa? Between.
Ulitin ko pa?
Ang teacher kong yun, hanggang tatlo lang ang alam na bilang. Ako,
hanggang one hundred. Pero hindi pa rin ako makapagbilang ng hanggang
walang hanggan. Hanggang ngayon. Siguro hanggang walang hanggan.
Buti naman.
---------------