v31
Mayo 1 - 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Commercial Fallacy

CIGARETTE SMOKING is dangerous to your health. Drink moderately.

Ang isang pangkaraniwang manonood ng TV ay maaaring mabighani ng pantasyang mundong nais likhain sa patalastas ng sigarilyong Fortune o mapaniwala sa pagkakaibigang nabubuo sa pag-inom ng San Miguel Beer subalit sa dulo ng patalastas, at sana'y mapansin ito, ay mababatid niyang hindi ito iniendorso nang buung-buo ng pamahalaan dahil sa masamang idudulot nito sa katawan ng tao. Bagama't kapos sa sinseridad, kahit paano'y nagagabayan at napoprotektahan ang publiko sa pagpili ng mga produktong bibilhin sa palengke.

Makapangyarihan ang TV sa paghubog ng katotohanan. At kadalasa'y tinatanggap ng madla ang ipinapalabas nito bilang absolutong katotohanan nang walang kritikal na pagsusuri. Kung kaya't may naiiwan pa akong pagpapahalaga sa mga babala sa mga komersyal bilang minimum na proteksyon sa mga konsumer.

Ganoon na lamang ang laki ng aking pagkabahala sa paglabas ng mga komersyal ng mga eskuwelahan nitong mga nakaraang buwan. Halimbawa, robotics daw ang itinuturo sa isang computer school. Trabaho pagkagraduate ang pangako naman ng isang eskuwelahan. World-class kaliber daw ang mga graduate sa isang pamantasan. Magiging klasmeyt mo siNA Kristine Hermosa at Juday sa eskuwelahang iniendorso nila.

Hindi ito simpleng paglalahad ng serbisyong inaalok ng mga eskuwelahan; matindi ang panlolokong ginagawa sa kapakanan ng publiko na ikinukubli ng maaamong mukha ng artista, magarbo at tila sopistikadong teknik na ginamit sa patalastas, at ang mismong swabeng epektibo ng TV sa pagdala ng mensahe sa nakakarami. Pero bago tayo mapalawig dito, kailangang ipaliwanag muna natin ang kahulugan ng paggawa ng komersyal ng mga eskuwelahan.

Una, ito ay tanda ng pagpasok at pagdomina ng malaking negosyo sa sektor ng edukasyon. Hinahalintulad ang edukasyon sa iba pang kalakal na kailangang i-package nANg mabuti at ibenta sa publiko batay sa umiiral at persepsyong demand na trabaho. Kung parang kabuteng nagsulputan ang mga computer school noon, ngayon naman ay umuusbong kung saan-saan ang mga caregiver institution dahil ito ang may mataas na demand sa abroad. (Kahit si Amable Aguiluz ng AMA ay may St. Augustine na para sa paghubog ng mga caregiver.)

Pangalawa, ito ay tanda ng desperasyon. Kung tutuusin, hindi problema noon ng mga eskuwelahan ang enrolment. Pangarap ng bawat Pilipino ang makatuntong sa kolehiyo at hindi na kailangang suyuin ang mga kabataan na mag-aral. Subalit dahil sa walang tigil na pagtaas ng matrikula taun-taon, bumulusok nang husto ang enrolment sa malalaking pribadong pamantasan. Idagdag pa ang pagkadismayang idinudulot sa mga kabataan sa nakikita nilang bata-batalyon ng mga nakatapos ng kolehiyo pero wala namang trabaho. Kaya ngayon, sa TV, dyaryo at naglalakihang billboard sa kalye, andyan ang anunsyo ng mga eskuwelahan at ang nilalako nilang tipo ng edukasyon.

Marami ang nabibiktima sa panloloko ng mga eskuwelahan. Enrolment pa lang ay nalulula na ang mga estudyante sa taas ng bayarin. Hinahanap-hanap ang pangakong abanteng pasilidad subalit hindi pala ito pwedeng gamitin ng lahat. Kahit ang kurikulum at eskuwelahan mismo ay hindi pa pala accredited ng CHED. Reklamo sa amin ng mga estudyante sa isang international business school na malaking kabalintunaan diumano ang world-class teaching na inaanunsyo sa TV dahil part-time teachers lang ang kinukuha ng eskuwelahan na palaging absent, pagod at hindi marunong magturo. Ang ipinagyayabang na kagyat na trabaho pagkagraduate ay isa palang ilusyon na walang pinagkaiba sa mga komersyal ng Axe deodorant.

Dumadaan ba sa screening ang mga komersyal ng mga eskuwelahan? Kung ang mga patalastas ng gamot ay aprubado muna ng Bureau of Food and Drugs, dapat ganun din sa mga eskuwelahan ng CHED. Libu-libong pera at kinabukasan ng isang kabataan ang nakasalalay sa inaanunsyo ng mga eskuwelahan, tama man o (kadalasan) mali. Dapat pag-isipan ng gobyerno kung paano pangangalagaan ang interes ng publiko. Kailangang ipagbawal—at dapat bigyan ng leksiyon ang mga eskuwelahang tahasang nagsisinungaling sa edukasyong kaya nitong ibigay.

Payag naman kaming ituloy ang pagsahimpapawid ng mga komersyal ng mga eskuwelahan basta't dapat ilagay sa dulo ang isa sa mga sumusunod na STUDENT WARNING: High tuition fees guaranteed, quality education not inclusive, at contractual employment after graduation assured.

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan