DATI'Y TINATAWAG nilang "terorista" ang sinumang magsabi
niyon.
Datapwat nang si Hen. Dionisio Santiago, ang kamakaila'y nagretiro
sa pagiging pinakamataas na pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas,
ang magsabing tuta ng Amerika ang Pilipinas, hindi mausal ni Gloria
Macapagal-Arroyo at ng kanyang mga henyong tagapagsalita ang katawagang
"terorista." Paano nga naman nila matatawag na "terorista"
ang isang taong hanggang sa huling araw ng kanilang serbisyo ay pinakinabangan
nila nang husto sa kampanya laban sa itinuturing na "terorista"
sa ating bayan—ang mga rebolusyonaryong grupong Communist Party
of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front at
Moro Islamic Liberation Front?
Ang sumagot kay Hen. Santiago ay si Ignacio Bunye, opisyal na tagapagsalita
ng Palasyo, na ayon sa mga tagapamahala ng Muntinlupa High School
ay nagtapos sa naturang paaralan bilang valedictorian. Sinabi niyang
ang Pilipinas ay hindi tuta ng Amerika; nagkataon lamang na magkakapareho
ang mga interes ng dalawang bansang nabanggit.
Kung ang nakabalita tungkol sa sagot ni Bunye kay Hen. Santiago ay
hindi nagbasa nang kahit na katiting tungkol sa Pilipinas at sa Estados
Unidos, aakalain niyang talagang angkop sa dalawang naturang bansa
ang ilan sa mga linya sa kantang "Iisa" ni Gary Granada,
yaong: "Digmaan mo'y digmaan ko/Buhay mo at buhay ko/Iisa."
Marahil pa'y ipoproklama niyang isang henyo si Bunye at magmumungkahi
siya ng kategoryang Lohika sa Gantimpalang Nobel at iaalok bilang
kauna-unahang nominado sa naturang kategorya ang tagapagsalita ng
Malacañang.
Subalit ang sinumang nakapag-aral nang kahit kapiranggot tungkol
sa Pilipinas at sa Estados Unidos ay tiyak na magsasabing kung walang
ibang maaaring paghanapan ng talino liban sa sagot ni Bunye kay Hen.
Santiago ay likha lamang ng maligalig na guniguni ang konsepto ng
katalinuhan.
Nakapaloob sa isang tagibang na balangkas ang ugnayan ng Pilipinas
at ng Estados Unidos.
Sa pamamagitan ng dala nilang labis na kapital, nalalamon ng mga
korporasyong Amerikano ang mga puhunang Pilipinong nagtatangkang sumulong
tungo sa pagiging matatatag na industriya. Sapagkat nagmula sila sa
bansang higit na mataas ang antas ng teknolohiya, kaya nilang lumalang
ng lalong marami sa lalong kaunting panahon. Dahil dito'y higit na
mababa ang gastos nila sa produksiyon, kaya't kayang-kaya nilang magbaba
ng mga presyo nang mababa pa sa presyo ng mga talagang yaring-Pilipinas.
Walang panalo sa kanila ang mga lokal nating puhunan kaya't hindi
tayo magkaindustriya.
Samantala, buo nilang nailalabas ang kanilang kinikita sa pamamagitan
ng talino, lakas, at yaman ng Pilipinas. Higit itong malaki kaysa
sa kinikita natin sa pagbibili sa kanila ng hilaw na mga sangkap na
kanilang ibinabalik sa bansa nila upang gawing bahagyang-yaring mga
gamit, na dito tatapusin ang pagyayari at isasailalim sa packaging
upang pagkatapos ay dito ipagbili.
Upang mapangalagaan ang malaking pang-ekonomiyang interes na ito,
pinanghihimasukan ng mga opisyal ng Estados Unidos ang ating pulitika
at kultura—sa pamamagitan, kundi man ng tahasang pakikialam
sa pamahalaan, ng samu't saring "kasunduan" at "palitang"
sila rin naman ang may "mungkahi."
Paano ngayon naging pareho ang mga interes ng Pilipinas at ng Estados
Unidos?
Isa pa'y hinding-hindi maaaring mangyari ang hustong pagkakapare-pareho
ng mga interes ng alinmang dalawang bansa, sapagkat ang bawat bansa
ay may sariling karanasan at kalagayang naiiba sa mga karanasan at
kalagayan ng iba pang mga bansa. Kaya't walang dahilan upang manatiling
nakakapit ang Malacañang sa pundilyo ng White House na tila
isang garapata sa bulbol.
Liban na nga lamang kung siya'y isang tuta.