MARAMI ANG nagpatuloy ng laban para sa kalayaan kahit idineklara
na mga mananakop na tapos na ang labanan.
Taliwas sa sinasabi sa maraming aklat-aralin na ang pakikibaka laban
sa mga Amerikanong mananakop noong 1899 hanggang sa pagkakadakip lang
sa noo'y pangulong Emilio Aguinaldo at pagsuko ni Heneral Miguel Malvar
ng Batangas, di natapos ang labanan sa pagkilala ni Aguinaldo sa mananakop
matapos na matiyak na hindi magagalaw ang kanyang mga pang-ekonomiyang
interes bilang isang ilustrado.
Isa sa mga nagpatuloy ng laban ay si Simeon Ola. Siya ang namuno
sa pakikibakang ito sa Kabikulan, lalu na sa Albay. Galing siya sa
panggitnang saray (Dy-Liaco 1996) na pamilya ng Guinobatan, Albay.
Hindi na niya natapos ang kursong Pilosopiya sa seminaryo ng Nueva
Caceres at sumapi na siya sa Katipunan ni Andres Bonifacio. Rebolusyonaryo
siya sa edad na 31. Naging isa siyang mayor sa rebolusyonaryong hukbo.
Sumuko siya noong Hulyo, 1901, ngunit muling namundok.
Si Ola ay naging patunay na maging ang mga walang pormal na kasanayan
sa siyensya militar ay maaaring maging mahuhusay na pinuno ng mga
rebolusyonaryong puwersa basta may suporta ng masa. Kahit ang mga
pangkat na kulang sa baril ay maaaring makapagsagawa ng matagumpay
na pakikipaglaban. Mahusay ang istratehiyang ginamit niya sa pagsasagawa
ng pakikipaglaban sa mga mananakop na Amerikano. Pangunahin dito ay
ang pagsandig sa masa. Hindi naman sila tatagal kung walang suporta
ang masa.
Hindi makuha ang mga gerilya ng mga Amerikano, kaya pinarusahan
na lang nila ang masa sa pagtatayo ng mga kampong rekonsentrasyon
(Reconcentration Act 781) hindi lamang sa Albay kundi sa buong Bikol
at kapuluan. Dahil sa rekonsentrasyon, maraming Bicolano ang nagutom,
nagkasakit, at namatay. Napabayaan ng buong komunidad na nasa rekonsentrasyon
ang kanilang mga pananim at kabuhayan.
Nang sumuko si Heneral Malvar noong Abril 1902, idineklara ni pangulong
Roosevelt na tapos na ang digmaang Pilipino at Amerikano noong ika-4
ng Hulyo 1902. Pero tuloy ang laban para kay Ola. Sakit pa rin siya
sa ulo ng mga mananakop; At kahit sa sinasabing "post war"
ng mga Amerikano halos 300,000 taga-Albay (Schirmer 1987) pa rin ang
kanilang ikinulong. Patuloy na pinapasista ang mga masang nasa probinsyang
kinikilusan ni Ola.
Lahat ng taong wala sa kampo ng rekonsentrasyon ay tinuturing na taga-suporta
sa mga rebolusyonaryong lumalaban sa mananakop na Amerikano. Layunin
ng rekonsentrasyon na tanggalan ng baseng masa ang mga rebolusyonaryo
at sa gayo'y pigilin ang pagdaloy ng mga tauhan, pagkain, at kagamitan
patungo sa kanila.
Habang nasa rekonsentrasyon ang mga taong baryo, pinabantayan sa
malalaking pangkat ng pamahalaan ang mga pook na kinikilusan nina
Ola. Noong Marso, 1903, 3 balangay ng mga Philippine Scout ang ipinadala
sa Albay upang dagdagan ang mga puwersa ng pamahalaan doon. Umabot
sa 24 balangay ang nagtugis sa mga rebolusyonaryo ng Albay.
Kahit may rekonsentrasyon, tuloy pa rin ang laban ng mga rebolusyonaryong
nagnanais lumaya mula sa dayuhang mananakop. Isa sa mga tampok na
tagumpay ng mga puwersa ni Ola ay ang biglaang paglusob sa garison
ng konstabularya sa Oas. Tahimik na pumasok sa kabayanan ang mga rebolusyonaryo
at nakihalo sa mga tao. Sapagkat nasa isang gilid ng liwasan ang garison,
madali silang nakalapit dito nang di napapansin. Nang may magbigay
ng senyal ay nilusob nila ang garison at nadaig nila ang mga sundalo.
May dalawampung boluntaryong nakatalaga sa garison na una na nilang
sinabihan tungkol sa balak na sumalakay; pumanig ang mga taong ito
sa mga rebolusyonaryo. Sa paglusob na ito'y nakakuha sila ng 48 riple
at 1,600 punlo.
Bukod sa mga pagsalakay sa mga garison ng konstabularya upang makapang-agaw
ng armas, dinis-armahan din nila ang mga pulis sa mga kabayanang pinasok
nila. Tumanggap sila ng mga kagamitan mula sa mga tagatangkilik at
kinumpiska nila ang mga ari-arian ng mga Bicolanong tumutulong sa
mga Amerikano.
Sa mga panahong talo sila sa dami ng armas, gumamit si Ola ng isang
istratehiya kung saan ang mga may gulok ay siyang namuno sa mga opensiba
at pumalibot sa mga may riple. Sa ganito, ang mga may riple, na higit
na mahalaga sa mga puwersa nila, ay naipagsanggalang at napigil ang
pagkalagas ng kanilang mga baril.
Upang linlangin ang mga kaaway, madalas silang nagkunwaring nagbabalak
na sumuko. Sa pamamagitan nito'y nakatiyak sila sa mga panandaliang
tigil-putukan, na kanilang sinamantala upang higit na mapadali ang
pangangalap ng tauhan at ang pag-oorganisa. Pumayag siyang makipagkita
sa pinunong militar ng isang distrito na si Major Jesse Garwood. Kinausap
si Ola nito upang hikayating sumuko. Walang balak na sumuko si Ola,
at pagkatapos ng diyalogo'y hinayaan niyang makaalis si Garwood nang
walang anumang galos. Nakatulong ito upang higit siyang mapabantog,
at dumami ang kanyang mga tauhan.
Sa kanilang kalakasan, ang mga puwersa ni Ola ay may higit sa 1,500
tauhan at 150 baril; ang iba pa ay humawak ng gulok. Hindi na rin
nakakapagtaka kung ang grupong ito ay tinawag ng mga Amerikanong kolonyalista
na mga bandido.
Sa isang malaking kampanya laban sa mga puwersa ni Ola, dinisarmahan
muna ang mga Pilipinong nagboluntaryo sa mga Amerikano. Pinaghihinalaan
ng mananakop ang kanilang katapatan.
Kahit pinaghihinalaang ang katapatan mayroon ding mga Bicolanong
nakipagsabwatan sa mga Amerikano lalu na mula sa elite ng Albay. Sila
pa ang nagkukumbinsi kay Ola na huwag ng ipagpatuloy ang ipinapakipaglabang
kalayaan ng mga rebolusyonaryo. Si Don Ramon Santos pa ang sumama
kay Major Garwood sa kampo ni Ola. Nangalap din ng pera ang mga mayayamang
mangangalakal ng Albay (Gerona 1988) na ibibigay kay Ola para lang
sumuko-todong ikinagalit ito ni Ola. Hindi na rin nakakapagtaka kung
ang mga elite na ito ay nabiyayaan ng pamahalaan ng mananakop. Sila
ang nakikinabang sa maka-dayuhang ekonomiya, pulitika, at kultura.
Si Ramon Santos ay nagi pang gobernador ng Albay pagkatapos sumuko
ni Ola.
Nakapinsala rin sa wakas ang pagkakatiwalag kina Ola mula sa kanilang
mga baseng masa. Datapwat di sila sumuko nang kung paano na lamang;
ayon sa mga Amerikano, nang sumuko ang mga tauhan ni Ola karamihan
sa mga ito'y "kaypapayat at may mga tropical ulcer na sinlalaki
ng kamao."
Nagpatuloy sa pakikipaglaban si Ola hanggang 29 tauhan at 31 baril
na lamang ang natira sa kanya. Sinasabi ng ilang tagapagkwento ng
kasaysayan na sumuko siya ngunit sinasabi ni Ola na siya ay nilinlang
ng mga Amerikano (Dy-Liaco 1996) upang bumaba mula sa mga kabundukan.
Sinasabi niya na hindi kinilala ng Amerikano ang terminong napagkasunduan
niya at mga Bicolanong negosyador ng pamahalaang Amerikano. Kung ito
nga ay panlilinlang, hindi na rin nakakapagtaka kung kasama dito ang
ilang Bicolano elitistang pansariling interes lamang ang iniisip.
Bumaba mula sa kabundukan si Ola noong ika-25 ng Septiyembre 1903-Isang
taon at limang buwan pagkatapos sumuko si heneral Miguel Malvar sa
mga mananakop. Maraming dokumento ang nagsasabi na si Malvar ang pinakahuling
Pilipinong sumuko sa mananakop na Amerikano ngunit ang kapanahunan
ng pagbaba ni Ola mula sa kabundukan ng Bicol ay dapat makita rin
ng kasaysayan. Dapat kinikilala ang pakikibaka ni heneral Malvar ngunit
dapat ring matuwid sa kasaysayan ang ilang mga mahahalagang takdang
panahon ng pakikibaka ng Pilipino. Mahalaga ito para sa mga susunod
na henerasyon na nais ipagpatuloy ang pakikibakang naiwan ng kanilang
mga ninuno.
References:
Schirmer DB and Shalom SR (1987) The Philippine Reader: a history
of colonialism, neocolonialism, dictatorship, and resistance. KEN
incorporate, Quezon City. p19.
Gerona, Danilo M. (1988). From epic to history: a brief introduction
to Bicol History, Ateneo De Naga.
Dy-Liacco, Leonor R. (1996). Sarung Dolot sa satuyang ina, J &
R Printing Co., Inc. p41.
---------------