v31
Mayo 1 - 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

BAYANI
Ang Lumpong Manghihimagsik

KILALA NG lahat ng Pilipino si Apolinario Mabini. Ngunit may pagkilala at may pagkilala.

Kilala siya ng karamihan sa atin bilang isa sa dalawang mukha sa sampung piso (kasama niya roon si Andres Bonifacio, gaya ng nalalaman natin). Mula sa ating mga naging klase sa Araling Panlipunan o Agham Panlipunan, nagugunita natin siya sa katawagang "Dakilang Lumpo" at "Utak ng Himagsikan."

Ngunit bakit siya dapat na ilagay sa mukha ng sampung piso? Bakit siya itinuturing na dakila at ano ang naging papel niya sa Himagsikan? Aling Himagsikan ang kanyang kinasangkutan?

Nakalulungkot, ngunit mahirap umasang gayon kadaling masasagot ang mga tanong na iyan sa bayang ito. Higit pa, batay sa naging mga bunga ng mga sarbey ng mga palatuntunang dokumentaryo sa telebisyon, hindi malayong kapag itinanong mo kung sino si Apolinario Mabini ay may sasagot sa iyo nang ganito: "Mabini? Di ba kalye 'yan sa Maynila—y'ong maraming pokpok?" (Halimbawa, nang magtanong si Cheche Lazaro ng The Probe Team sa isang diumano'y estudyante sa isang pamantasan kung sinu-sino sina Hen. Vicente Lim, Josefa Llanes Escoda, at Jose Abad Santos, sinabi ng kabataang pantas na si Hen. Vicente Lim ay isang mayamang lalaki, si Josefa Llanes Escoda ay isang girl scout, at yaong Jose Abad Santos ay isang lansangan sa Maynila. Ang naturang programa nina Cheche Lazaro ay maraming katulad na karanasan.)

Higit pang nakalulungkot ang pangyayaring habang sinusulat ito ay may labing-apat na araw na lamang bago ang ikaisang daang taon ng kanyang pagpanaw, subalit sa mga balita'y hindi nababanggit ang anumang pagsisikap na siya'y gunitain (kung mayroon man, pagkat parang wala), at ang mga bida'y yaong mga kabataang aktor at aktres na nagbabalik-tambalan.

Sino nga ba si Apolinario Mabini?

Si Apolinario Mabini ay isinilang noong Hulyo 23, 1864 sa Talaga, Batangas. Anak siya nina Dionisia Maranan, anak niyaong guro sa kanilang nayon at manininda ng gulay sa pamilihan ng Talaga; at Inocencio Mabini, isang maralitang magsasakang hindi nakababasa ni nakasusulat.

Sa murang gulang na anim ay nagsimula siyang sumama sa isang nakatatandang kapatid sa pagpasok nito sa paaralan ng kanilang lolo. Napansin nitong bagama't nakababata si Apolinario ay higit siyang mabilis na matuto ng leksiyon. Iminungkahi nitong siya'y papasukin sa isang regular na paaralan. Sapagkat siya'y tumutulong sa saka ng kanyang ama, hindi siya natuloy na mag-aral pa hanggang sa siya'y malapit nang magbinatilyo.Nag-aral siya sa paaralan ng isang Simplicio Avelino at kapalit ng libreng pagkain at tirahan ay naglingkod siya bilang isang kasambahay sa tahanan ng isang sastre. Nagpasya siyang huwag bumalik sa paaralang iyon nang makatikim ng pamamalo ng guro.

Di naglaon ay nag-aral siya sa ilalim ng pagtuturo ni Padre Valeriano Malabanan, isang bantog na guro sa Tanauan. (Ang pari at gurong ito ay ginawang tauhan ni Dr. Jose Rizal sa El Filibusterismo; siya roon ang naging guro ni Placido Penitente, ang napakatalino at dating masipag na estudyanteng nang magpatuloy ng pag-aaral sa Maynila ay naging isang rebelde dahil sa balbal na pamamalakad sa kolehiyo.) Noong 1881, natanggap si Apolinario bilang isang iskolar sa Colegio de San Juan de Letran, kung saan niya tinapos ang haiskul. Habang nag-aaral doon ay nagturo siya ng Latin upang kumita ng pambayad sa pagkain at tirahan.

Alamat sa Letran ang kung paano napamangha ni Mabini ang isang gurong nakatuwaan siya dahil sa kapangitan ng kanyang pananamit—na dala naman ng labis na karalitaan. Tinawag siya nito at binato ng mahirap na tanong, sa pag-aakalang magiging katawa-tawa ang sagot niya. Ngunit walang gatol niyang sinagot nang napakahusay ang tanong.

Noong 1882, nagkaroon ng epidemya ng kolera sa Maynila at napilitan siyang bumalik sa Batangas. Nagtrabaho siya sa paaralan ni Padre Malabanan bilang isang katulong na guro.

Sa pagbabalik niya sa Batangas ay muntik niyang makaaway ang isang pari roon. Noo'y kaugalian ang paghalik sa kamay ng mga pari. Nasalubong ni Mabini sa lansangan ang pari at inialok nito ang kamay upang mahagkan. Kinamayan niya ang pari at siya'y tinawag nitong isang "lapastangan." Subalit kanyang ipinaliwanag sa kapatid na noo'y kasama niya na hindi dapat na hagkan ang kamay ninuman—liban sa kamay ng magulang—sapagkat ang lahat ay magkakapantay.

Nang makaipon ng malaki-laking halaga, nagbalik si Mabini sa Maynila upang tapusin ang pag-aaral. Tinapos niya ang kursong pilosopiya sa Letran at siya'y tumuloy sa abugasya sa Unibersidad ng Santo Tomas, kung saan siya nagtapos noong 1894.

Habang nag-aaral ng abugasya ay nasangkot na si Mabini sa kampanyang repormista. Isa siya sa mga nanawagan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng kinatawan sa lehislatura ng Espanya at sa pagiging mga mamamayang Kastila ng mga Pilipino. Kaipala'y nakilala niya ang mga kasapi ng kilusang repormista sa pamamagitan ng lihim na samahan ng mga Mason, kung saan nagmula ang karamihan sa mga pinuno nito. Regular siyang sumulat kay Marcelo del Pilar, ang patnugot ng repormistang pahayagang La Solidaridad sa Espanya, upang ipaalam ang mga kalagayan sa bansa.

Nabigo ang kampanyang repormista at marami sa mga pinuno nito ang pinagdarakip ng mga Kastila, at ang iba sa kanila'y binitay. Sumiklab ang Rebolusyon nina Andres Bonifacio noong 1896.

Sa taon ding iyon nagkasakit nang napakalubha si Apolinario. Naratay siya sa Pagamutang San Juan de Dios. Ang kanyang pagkakasakit ay nagbunga ng pagkakaparalisa ng lahat niyang kalamnan mula baywang pababa.

Dahil sa kanyang pagkakasangkot sa kilusang repormista, dapat sana'y kasama si Apolinario sa mga pinagdarakip na ayon sa mga Kastila'y mga "subersibo." Ngunit nang makita siya ng mga Kastila sa San Juan de Dios ay inisip nilang baka hindi siya yaong hinahanap nila; hindi nila inakalang ang isang lumpo ay maaaring maging lubhang "mapanganib" na tao. Bukod pa'y hindi naman niya tinangkilik ang Himagsikan sa pagsisimula nito dahil sa tingin niya'y hindi pa lubusang nalulusaw ang kilusang repormista at may ibubuga pa ito. Kung papipiliin kasi sana si Apolinario, higit niyang gusto noon ang payapang reporma kaysa armadong rebolusyon.

Nang mabalitaan ni Apolinario ang pagpaslang kay Rizal at ang mga pagkamatay nina del Pilar at Graciano Lopez Jaena, inisip niyang tapos na ang kampanyang repormista. Sila ang mga lider-repormista at tuluyang pinaglahuan ng lakas ang kilusang repormista sa pagpanaw ng tatlong ito, sapagkat ang mga nakasama nila karamiha'y mga kapwa ilustradong ang paninindiga'y hindi kasintaas ng sa kanila at higit na pansariling kapakinabangan ang pinag-iisip. Sa yugtong ito, inilipat ni Apolinario ang buo niyang pagtangkilik sa Himagsikan nina Bonifacio.

Tumulong si Mabini sa Himagsikan sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga polyetong ipinamahagi nang walang kabayaran. Humihikayat sa mga kababayan niya ang mga polyetong ito na huwag mawalan ng loob sa pakikipaglaban, bukod pa sa pagpapalaganap ng mga simulaing makabayan at makademokrasya. Sa mga panahong ito nabasa ng mga Pilipino ang mga akdang "Ang Tunay na Sampung Utos" (kilala sa Ingles bilang "The True Decalogue"), "Mga Patakaran ng Rebolusyon," at Programang Konstitusyonal ng Republika." Isa sa mga napabantog niyang pangungusap ang sumusunod: "Siya lamang ang tunay na makabayan: yaong anuman ang kinalalagyan, mataas man o mababa, ay nagsisikhay na gawin ang pinakamalaking ikagagaling ng kanyang mga kababayan."

Noong 1898, nabalitaan ng kampo ni Hen. Emilio Aguinaldo si Mabini, at siya'y ipinatawag nito upang hikayating maglingkod sa itatatag na rebolusyonaryong pamahalaan. Tumulong siya sa pag-oorganisa ng rebolusyonaryong pamahalaan. Nagsulat siya ng mga batas at kautusan. Hinirang din siyang Pangulo ng Gabinete. Di magtatagal, makakahidwaan niya ang mga kasapi ng Gabinete na magpipilit ng awtonomiya sa ilalim ng Estados Unidos sa halip na kalayaan; hahantong ito sa kanyang pagbibitiw sa tungkulin noong Mayo 1899.

Nang salakayin ng mga Amerikano—na diumano'y tumutulong sa mga Pilipino—ang Pilipinas, nagsulat si Mabini ng mga polyeto at, sa mga pahayagan, ng mga sanaysay at artikulong nag-uudyok ng pagpapatuloy ng pakikipaglaban alang-alang sa kalayaan upang huwag masayang ang dugong ibinuhos ng mga bayani. Sinabi niyang dapat na magpatuloy sa pakikipaglaban ang mga Pilipino—gaano man kalupit ang larangan—alang-alang sa mga susunod na henerasyon.

Nakipagtalo rin siya sa propaganda ng mga bagong mananakop, na nagsabing sila'y nasa Pilipinas upang turuan ang mga Pilipino sa sining ng pamamahala sa sarili; sa marami sa kanyang mga sanaysay, sinabi niyang hindi matututunan ang pamamahala sa sarili kundi sa pamamagitan ng sariling karanasan—tulad ng ipinakikita ng karanasan ng mga Amerikano—at kung gagamitin nang gagamitin ng mga Amerikano ang ganitong pangangatwiran ay hindi kailanman matututo ng pamamahala sa sarili ang mga Pilipino at magkakaroon ang mga Amerikano ng walang hanggang kadahilanan upang manatili sa Pilipinas.

Nang tugisin ng mga Amerikano ang mga pinuno ng rebolusyonaryong pamahalaan at ang mga maimpluwensiyang makabayan, lumikas si Mabini patungong Cuyapo, Nueva Ecija. Ngunit hawak na noon ng mga Amerikano ang Nueva Ecija at si Mabini'y nasa talaan ng mga pinaghahanap. Sa tulong ng ilang Macabebe Scout—yaong taksil na pangkat ng mga sundalo't espiyang mula sa Macabebe, Pampanga—nadakip si Mabini sa kanyang pinagtataguan. Nabilanggo siya sa Fort Santiago mula Disyembre 11, 1899 hanggang Setyembre 23, 1900.

Habang nakabilanggo at maging matapos na makalaya, nagpatuloy si Mabini sa pagsusulat.

Noong 1901, nagpasya ang mga Amerikanong ipatapon si Mabini sa Guam. Dalawang taon siyang lumagi roon. Natakot si Mabini ng takot na baka roon na siya mamatay at gusto niyang mamatay sa lupa ng sariling bayan. Kaya't masama man sa loob, tinanggap niya ang kundisyong kaakibat ng pagkakataong makabalik sa sariling bansa—ang panunumpa ng katapatan sa bandila ng Estados Unidos.

Matapos makabalik sa Pilipinas, sinimulan ni Mabing ipagpatuloy ang pananawagan ng kalayaan. Ngunit tatlong buwan matapos siyang magbalik ay sumiklab ang isang epidemya ng kolera sa Maynila; dinapuan siya nito at noong Mayo 13, 1903 ay sumakabilang-buhay siya. Naiwan niyang di-nalathala ang aklat na Ang Himagsikang Pilipino, isang maikling kasaysayan ng Himagsikan at pagbatikos sa mga pinuno nitong tumalikod sa kapakanan ng bayan upang higit na pahalagahan ang sariling kapakinabangan, tulad ni Hen. Emilio Aguinaldo.

Si Apolinario Mabini ay halimbawa ng isang intelektuwal at manunulat na ginamit ang kanyang katalinuhan at kakayahan upang paglingkuran ang kanyang bayan. Nakalulungkot na ang pagkakakilala sa kanya ng karamihan ngayon ay nakakulong sa kanyang pagiging isa sa mga mukha sa sampung piso at sa kanyang pagiging "Dakilang Lumpo" at Utak ng Himagsikan."

---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan