sana
nandito ka
katabi ko
kausap
kalambingan
kaibigan
wag mo sanang isipin na
kamalian, isang malaking kamalian
ang mangarap na nandito ka
ang gumawa ng tula
at bigyang halaga
ang iyong ngiti
ang iyong ilong
na minsan may laman pa
nakakaaya ang bawat bagsak ng buhok mo
parang fountain sa may Glorietta
makinis, bumabagsak, kumikintab, parang sapatos
bawat hati, bawat tumpok ng buhok
isa-isa sila sa pagdiriwang
ng iyong kagandahan
nakakatuwa
akala ko pa naman tayo na
e katulad ka rin nila
akala ko pareho tayo
na nasa kabilang ibayong mundo
sana nga totoo
dahil malungkot ang maging tulad ko
pero sana nga
magkita pa tayo
lingo na ako habang namamatay ang araw
habang bumabalot na ang takot
sa puso ko
na wala ka na
na wala na nga
na wala ka na bukas
sana nga
masabi ko sa'yo
pero di ko kaya
mabuti nang ganito
na nangangarap sa'yo
at nangangarap na totoo
at hindi totoo
ang nararamdaman ko
para sa'yo
pero minsan
nagsasawa na rin ako
palagi na lang ganito
matatamaan sa loob ng tren
parang yung sa savage garden
tapos wala na
isang linggong nanghihinayang
naghihinayang
pero duwag naman
sana makita kita uli
sana iba na
sana mabasa mo na lang ang utak ko
parang scanner ba
na kahit dalawang araw lang tayong nagkakilala
pinalala mo
ang panghihinayang ko
na sana di ako ganito
o sana ganito ka rin
kahit malungkot, kahit nakakahiya
tang-ina nila
mahal kita
--------
Si James Nicolay ay nasa ikaapat na taon na sa kanyang pag-aaral
sa UP Diliman.