Pinoy Times - The truth is here
Isyu 3.0
Hunyo 10, 2001
 

Home
This Issue
Tinig 101
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Guestbook

 

 


 

 

 


Power Bill: Power para sa nasa Kapangyarihan?
Ni Marie Stella De La Cruz
Pinoy Times Special Edition

(Ikalawang pahina)

Pakinabang o Pahirap?

May kaugnayan ang problema ngayon ng Napocor sa mga kontrata nito sa IPPs. Bandang 1999, umabot sa 45 IPPs ang nakontrata ng Napocor para magprodyus ng kuryente para sa bansa. Noong 1990s dumanas ang Pilipinas ng krisis sa enerhiya. Nagkaroon ng mga brown-out na tumatagal mula 4 hanggang 8 oras araw-araw. Kaya noong 1992, pumasok ang gobyerno ni Ramos sa mga kontrata sa mga pribadong prodyuser ng kuryente o mga tinatawag na IPPs. Maraming ibinigay na mga garantiya sa IPPs mahikayat lamang silang pumasok sa bansa.

Ilan sa mga garantiyang ito ay ang “take-or-pay agreement.” Ayon sa kontrata, bibilhin ng gobyerno ang 70% hanggang 90% ng kayang i-produce na kuryente ng IPPs. Magamit man o hindi, i-prodyus man o hindi ang nakontratang kuryente ay kailangang bayaran ng Napocor. Ayon na rin sa isang ulat, 20 hanggang 40% lamang ang aktuwal na nagagamit ng Napocor. Noong Setyembre 1998, umabot sa P7.5 bilyon ang lugi nito mula sa 32 contracts.

Meron ding fuel cost guarantee na ibinibigay sa IPPs. Hindi apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo ang operasyon ng IPPs. Ang Napocor ang sasagot sa mga pagtaas ng presyo ng krudong gagamitin para sa pagprodyus ng kuryente. Hindi lang pagtaas sa presyo ng krudo ang ginagarantiyahan, ganoon din ang pagbabago sa halaga ng piso laban sa dolyar. Hindi rin apektado ang lahat ng mga kontrata sa IPPs ng pagbaba ng piso laban sa dolyar. Dahil ang mga kontrata ay dolyar ang halaga, ang Napocor muli ang pumapasan sa epekto ng pagbaba ng piso laban sa dolyar. Noong 1996 umabot lamang sa P23-P26 ang halaga ng isang dolyar at tumaas na ngayon sa P50, Napocor ang nagbabayad ng labis na ito.

Ang masakit pa nito, bukod sa dolyar ang katumbas ng halagang ibinabayad sa IPPs, hindi hamak na mas mahal pa ang presyo ng bawat kilowatt-hour na ibebenta ng IPPs sa Napocor kaysa kuryenteng gawa ng planta nito. Ayon sa pag-aaral mismo ng World Bank, noong 1996, ang average na presyo ng pagprodyus ng kuryente ng IPPs ay umabot sa $76 bawat megawatt hour kaysa sa $57 lamang ng Napocor.

Ayon sa DOE, gayundin sa proponents ng bill, kailangan daw ang ganitong mga garantiya upang mahikayat ang IPPs na magprodyus ng kuryente noong panahon ng krisis sa kuryente sa bansa.

Ayon sa pag-aaral ng Freedom from Debt Coalition (FDC), ang mga garantiya sa kita ng IPPs tulad ng: take or pay agreement, fuel guarantee at foreign exchange guarantee ay hindi makatarungan para sa mamamayan at para na rin sa pamahalaan. Dahil sa ganitong mga garantiya kung bakit lalong nalubog sa utang ang Napocor. Unang-una, kung talaga ngang malaki ang pangangailangan sa kuryente noong 1990s, papasok pa rin ang IPPs sa bansa dahil sa may siguradong bibili ng kanilang kuryente. At kahit na makalipas ang 1995, kung kailan nalampasa na natin ang krisis, pumasok pa rin ang Napocor sa mga kontrata sa IPPs na taglay ang ganitong mga garantiya. Isa pang natuklasan ng GDC ay mayroong nakasaad na “confidentiality clause” sa mga kontrata. Ipinakita nitong hindi transparent ang ginagawang kasunduan sa pagitan ng Napocor at ng gobyerno sa ilalim ni Ramos at ng mga IPPs.

Sino ang nagbabayad ngayon ng hindi naibebentang kuryente ng Napocor?

Talagang hindi makakayanang bayaran ng Napocor ang pagkakautang nito mula sa mga kontrata sa IPPs. Kung kaya’t kanino pa ba naman nila ito ipapasa, kung hindi sa ating mamamayan? Halos lahat sa atin ay nagrereklamo na sa taas ng kuryenteng binabayaran buwan-buwan. Bukod sa mataas na ang basic charge sa kuryente P3.59 sa residential, lahat tayo ay nagbabayad ng PPA of purchased power adjustment. Halos 70% ng basic charge ang binabayaran natin para sa PPA. Tatlo ang pangunahing nilalaman ng PPA: fuel cost, foreign exchange adjustment at purchased power cost adjustment, Sinasabi ng DOE ngayon na nagbabayad tayo ng piso kada kilowatt-hour pambayad para sa IPP contracts na ito.

Sabi nga ng isang senador, kahit na ano pang pagtitipid ang ating gawin, mataas pa rin ang kuryenteng babayaran natin.

Iyan ay dahil sa PPA. At sabi naman ng FDC, kahit na maipasa pa ang power bill na iyan, mataas pa rin ang ating kuryente dahil sa mananatili pa rin ang ating pagbabayad sa mga madadaya at hindi makataong kontrata sa pagitan ng Napocor at ng IPPs..

-------------
Ang artikulong ito ay muling inilathala ng Tinig.com nang may pahintulot ng editor in chief ng Pinoy Times na si Ms Chit Estella

 


Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved.

MULA SA PATNUGOT:
Youth Power, Hindi Power Bill

IN THIS ISSUE:

Mas Palpak ang CHED Kaysa Comelec
Ni Mong Palatino

What It Feels Like to Know a Friend and Love Him
By Tina Briones

Ang Aking Mundo
Ni Angela

MAIKLING KWENTO
Si Kulay sa Pusod ng mga Itim na Daluyong ng EDSA People Power IV
Ni Jun Lisondra

TULA
Sana at Wag Sana
Ni James Nicolay

SPECIAL FEATURE ON THE POWER BILL
Power Bill: Power para sa nasa Kapangyarihan?
Marie Stella De La Cruz, Pinoy Times

Compromise Bill Compromises National Interest
By Akbayan

Bayan Muna: Junk this Shotgun Piece of Legislation!

The Electricity Industry Reform Act Bicam Report: Some Comments
By Rep. Wigberto E. Tañada

LETTER
Thank-You Letter from Winnie Monsod