Mahigit isang taon na ngayon mula nang sumabog ang payola scandal
kaugnay ng pagpapasa ng power bill sa Kamara.
Marami na ring kontrobersiyang napabalita kaugnay sa power bill na
ito. Bago natin balikan ang mga kontrobersiyang iyon, alamin muna
natin kung ano nga ba itong tinatawag na power bill.
Noon pang panahon ni dating presidente Fidel Ramos, isinusulong na
ang pagpapasa ng power bill na ito. Inabutan pa ito ni Erap na nagsabing
rerebyuhin lahat ng proyektong pribatisasyon at kontratang pinasok
ni Ramos. Ngunit sa kabila ng mga salitang ito ni Erap, prayoridad
agad sa programa ng kanyang gobyerno ang pagpasa sa power bill. Sinamampalad
naman ang kanyang administrasyon at hindi naipasa ang batas na ito
hanggang sa matanggal nga si Erap bilang presidente ng bansa. Ngayon,
si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo naman ang susubok ng kanyang
suwerte sa power bill.
Ilang araw pa lamang matapos malagay sa puwesto si Macapagal-Arroyo,
sinabi niyang hindi na ipapasa ang power bill sa kasalukuyang Kongreso.
Pero makalipas lamang ang ilang araw, binawi niya ang nauna niyang
salita. Sinabi niya na kailangang maipasa ang power bill bago dumating
ang ika-12 Kongreso.
Ang power bill o Electricity Industry Reform Act ay isang panukalang
batas na naglalayong baguhin ang istraktura ng industriya ng kuryente
at isapribado ang National Power Corporation (Napocor). Ayon sa mga
tagasulong nito, layunin daw ng panukalang batas na makawala ang gobyerno
mula sa pagkakabaon sa utang ng Napocor. Layunin din ng pagsasapribado
na gawing epektibo ang paghahatid ng kuryente kung kaya’t ililipat
ang industriyang ito sa pribadong sektor. Ngunit higit sa lahat, ang
power bill ay isang kondiyon ng Asian Debelopment Bank at Japan Export-Import
Bank upang maibigay ang $950 milyong loan ng gobyerno. Kailangan ding
maipasa ang panukalang batas na ito upang mabigyan ang gobyerno natin
ng “seal of good housekeeping” upang muli tayong makapangutang.
Masusuma sa 3 mahahalagang bahagi ang power bill.
Una, nakasaad dito ang paghihiwa-hiwalay sa iba’t ibang sektor ng
industriya ng kuryente. Ang power generation ay magiging fully deregulated
na, ganoon din ang supply sector o tagahatid ng kuryente sa mga consumer.
Samantala, mananatiling kontrolado ng gobyerno ang transmission sector,
gayon din ang distribution o ang paggamit sa mga kawad ng kuryente.
Sa ngayon, ang generation sector o ang pagpu-prodyus ng kuryente ay
ginagawa ng Napocor at ng independent power producers (IPPs). Ang
distribution sector natin ngayon ay kinapapalooban ng pribadong distribution
companies tulad ng Meralco at ng electric cooperatives na siyang direktang
naghagatid ng kuryente sa mga komunidad at ganood din sa mga industriya.
Ikalawang mahalagang bahagi ng batas ay ang pagsalba sa pagkakautang
ng Napocor. Ito, higit sa lahat, kung tutuusin ang pinakamalaking
problema ng korporasyon. Dalawang klase ang pagkakautang nito. Ito
ay ang loans o bonds at utang sa mga kontrata o lease obligations
sa IPPs. Ayon sa 1999 audited financial report ng Napocor, umaabot
na sa P736 bilyon ang buong pagkakautang nito, P428 bilyon nito ay
napupunta para sa IPPs. Ayon naman sa Department of Energy (DOE) umaabot
na sa $6.7 bilyon ang utang ng Napocor.
Ang pangatlong bahagi ng batas ay ang pagsasapribado sa Napocor,
kasama na rito ang mga kontrata sa IPPs.
Sundan sa ikalawang pahina