Si Kulay, sa
Pusod ng mga Itim na Daluyong ng EDSA People Power IV
Ni Jun Lisondra
(Ikalawang
pahina)
Tatlong metro
na lang.
“Excuse me, makikiraan,
makikiraan,” kako sa mga taong nakapalibot sa akin.
Dalawang metro.
Excuse me. Excuse
me.
Isang metro.
Pagdating ko sa
harap niya, tumabi siya.
Nakikisigaw pa
rin, “Ipako si Mirriam! Ipako si Mirriam!”
Ewan ko, pero,
kahit na napaka-naive nitong isang ito’y patuloy naman yata sa paglipad
ang mga paruparong nakakulong sa aking tadyang at para bang nag-aangat
sa aking buong katauhan. Nagpapasabik.
Hanggang mapansin
niyang nakatingin ako sa kanya, at nakangiti.
“Daan ka na!”
anya.
Na para bang matagal
na kaming magkakilala. O sadyang ganun talaga ang nangyayari kapag
pinag-isa ang inyong mga damdamin ng isang paniniwalang banal? Tulad
ng ganitong mga tagpo na mula sa kung saan ay susulong kayo rito sa
krosing ng Edsa upang magtipun-tipon sa nagbabato-balaning imahen
ng Lady of Edsa?
Inabot ko ang
aking palad.
Nakangiti ko siyang kinausap, “Ako si Joseph.”
Hindi agad siya nakakilos. Nilingon ang kaliwa, ang kanan, ang likuran,
upang tiyakin kung
siya nga ang pinag-aabutan ko ng kamay.
“Ako ba?” tanong niya, para tiyakin kung siya nga.
“Oo, nakikipagkilala ako sa iyo.” Ngumiti siya nang maluwang.
“Kulay,” anya.
Natuwa ako.
Kulay ha.
Kaya naman pala technicolor ang isang ito e.
“Ows?” kulit ko.
“Anong ows?”
“Kulay?”
“Oo nga, Kulay!” natatawa niyang sagot. “Diwata ako ng kagandahan!”
“Talaga ha?” natatawa kong sagot. “Pwes, Bathala naman ako ng mga
mariposa’t peruparo!”
“Ows?” sagot niya.
Nginitian namin ang isa’t-isa.
Saka niya inabot ang kanyang mga kamay.
At nagsugpong
ang aming mga palad kasabay ang malakas at sunud-sunod na putukan
na galing sa kung saan. Mabilis na nagtakbuhan ang mga tao sa paligid
namin at nang lingunin namin ang entablado’y isa-isang nagbagsakan
ang mga duguang senador na natalo noong nakaraang halalan.
Ilang saglit pa
at nakadama ako ng pag-iinit sa aking tiyan.
Nagsisigaw si
Kulay.
“Kasama may tama ka! May tama ka kasama!”
Mabilis siyang
pinatahimik ng isang bala ng baril na lumagos sa kanyang pilipisan.
Hindi ko alam
kung ganito ang nakikita ng mga namamatay.
Pero mula sa pinaghandusayan ng bangkay ni Kulay ay sumirit papuntang
langit ang pitong kulay ng bahaghari. At nakita kong tinunton iyon
ng daan-daang paruparo na kulay puti at nagmumula sa nasugatan kong
tadyang.
-------------
Si Jun Lisondra ay isang tubong Nueva Ecija. Isang makata, nobelista,
kuwentista. Nahuhumaling rin siya sa paggawa ng digital photography
at paggawa ng mga short documentary videos gamit ang kanyang kompyuter.
Siya ay kasalukuyang researcher sa Outreach Philippines, Inc., isang
NGO. Siya nga pala, hindi siya nagtapos sa kolehiyo.