Nakilala ko siya nung
unang araw ng pagpunta ko sa Edsa Kuwatro.
Madali mo siyang mapapansin
sa kumpulan ng mga taong nakaitim na damit doon, kasi naman, halu-halo
ang kulay ng kanyang damit.
May red.
May orange.
May yellow. May green. May blue.
May indigo. May violet.
Non-conformist kako
sa sarili. Ito ang isang taong hindi magsusuot ng itim kahit na
sinabi ng mga organizers ng Edsa Kuwatro na itim ang kulay natin.
Hindi mukhang hiphop, hindi rin mukhang retro. Mas lalong hindi
mukhang pangkista, at hindi siya mukhang durugista.
May lengguwahe ang
anyo niya na nanunuot sa mga eskinita ng aking pag-iisip, at nag-iiwan
sa mga dingding niyon ng mga damdaming humuhukay sa kaloob-looban
ng aking mga tadyang. Para bang may daan-daang paruparo na doo’y
nagliliparan.
Okey ito, kako.
Matapos isa-isahin
ang maaring ipantawag sa aking naramdaman sa kanya, dumating ako
sa isang konklusyon na iyon ay hindi libog o pag-ibig. Kundi ang
pangangailangan na makilala siya. Magpakilala ako. Makamayan siya.
Ngitian.
At gantihan ng kanyang
sariling ngiti.
Matapos iguhit sa isip
ang aking daraanan, tantyahin ang mga sisingitan at hahawiing
kabataan, nagpasya akong lapitan siya. Mayroon lamang dalawampung
metro ang aming pagitan, pero sa kapal ng mga taong naroroon ay
malamang aabutin ako ng dalawampung minuto bago makalapit sa kanyang
kinatatayuan.
Napaka-festive at napakaingay
ng paligid.
Nandito na naman ang
mga estudyante ng Edsa Dos na hindi na-mobilize noong Edsa Tres
dahil nagkataong bakasyon. Marami sa kanila ang may hawak na cellphone.
Kaya tantiya ko, text na naman ang humila sa kanila papunta dito
kagabi matapos i-assassinate si dating Pangulong Gloria Macapagal
Arroyo at pumalit sa puwesto si Vice President Guingona, na siyang
nagtawag ng Edsa Kuwatro upang ialerto ang buong sambayanan sa
mga susunod pang pagpatay na ibinibintang sa oposisyon na nagwagi
ng 0-13 sa nakaraang pambansang halalan.
Malayo pa lang ay nakikita
ko na siyang sumasabay sa chanting na sumusulpot dito, sumusulpot
doon. Ito pa rin iyong mga chanting na inianak noong Edsa Dos.
“Enrile Supot! Enrile
Supot!”
“Jokla Honasan! Jokla
Honasan!”
“Mirriam baliw! Mirriam
baliw!”
Panay ang hagikhik
niya tuwing magtatapos sa sigawan ang bawat chant. Nailing ako,
mukhang hindi politically incorrect ang linya ng isang ito a.
Pero okey na, pag galit ang isang tao, nagiging morally justified
na ang rage. O kung hindi man , ang rhetoric ng political correctness
ay nagiging rhetoric na lamang. Hindi bagay sa mga ganitong panahon.
Nakisigaw rin naman ako kanina ng “Maceda, Bading!” a.
Tatlong metro na lang.
“Excuse me, makikiraan,
makikiraan,” kako sa mga taong nakapalibot sa akin.
Dalawang metro.
Excuse me. Excuse me.
Isang metro.
Pagdating ko sa harap
niya, tumabi siya.
Nakikisigaw pa rin,
“Ipako si Mirriam! Ipako si Mirriam!”
Ewan ko, pero, kahit
na napaka-naive nitong isang ito’y patuloy naman yata sa paglipad
ang mga paruparong nakakulong sa aking tadyang at para bang nag-aangat
sa aking buong katauhan. Nagpapasabik.
Hanggang mapansin niyang
nakatingin ako sa kanya, at nakangiti.
“Daan ka na!” anya.
Na para bang matagal
na kaming magkakilala. O sadyang ganun talaga ang nangyayari kapag
pinag-isa ang inyong mga damdamin ng isang paniniwalang banal?
Tulad ng ganitong mga tagpo na mula sa kung saan ay susulong kayo
rito sa krosing ng Edsa upang magtipun-tipon sa nagbabato-balaning
imahen ng Lady of Edsa?
Inabot ko ang aking
palad.
Nakangiti ko siyang kinausap, “Ako si Joseph.”
Hindi agad siya nakakilos. Nilingon ang kaliwa, ang kanan, ang
likuran, upang tiyakin kung
siya nga ang pinag-aabutan ko ng kamay.
“Ako ba?” tanong niya, para tiyakin kung siya nga.
“Oo, nakikipagkilala ako sa iyo.” Ngumiti siya nang maluwang.
“Kulay,” anya.
Natuwa ako.
Kulay ha.
Kaya naman pala technicolor ang isang ito e.
“Ows?” kulit ko.
“Anong ows?”
“Kulay?”
“Oo nga, Kulay!” natatawa niyang sagot. “Diwata ako ng kagandahan!”
“Talaga ha?” natatawa kong sagot. “Pwes, Bathala naman ako ng
mga mariposa’t peruparo!”
“Ows?” sagot niya.
Nginitian namin ang isa’t-isa.
Saka niya inabot ang kanyang mga kamay.
At nagsugpong ang aming
mga palad kasabay ang malakas at sunud-sunod na putukan na galing
sa kung saan. Mabilis na nagtakbuhan ang mga tao sa paligid namin
at nang lingunin namin ang entablado’y isa-isang nagbagsakan ang
mga duguang senador na natalo noong nakaraang halalan.
Ilang saglit pa at
nakadama ako ng pag-iinit sa aking tiyan.
Nagsisigaw si Kulay.
“Kasama may tama ka! May tama ka kasama!”
Mabilis siyang pinatahimik
ng isang bala ng baril na lumagos sa kanyang pilipisan.
Hindi ko alam kung
ganito ang nakikita ng mga namamatay.
Pero mula sa pinaghandusayan ng bangkay ni Kulay ay sumirit papuntang
langit ang pitong kulay ng bahaghari. At nakita kong tinunton
iyon ng daan-daang paruparo na kulay puti at nagmumula sa nasugatan
kong tadyang.
Sundan sa ikalawang pahina