Ang
Aking Mundo
Ni Angela
(Ikalawang
pahina)
Minsan wala siyang
pasok at sila ang naglaba ng katulong dahil umalis ang tamad naming
labandera. Nakaidlip ako saglit. Sinigawan niya ako. Tamad daw ako.
Hindi ko raw nilinis ang kuwarto ko. Ang totoo, katatapos ko lang
maglinis
Kapag may problema
sa bahay, ikinuwento pa ng mga magulang ko sa mga kaibigan nila. At
hindi lamang sa isa--sa marami pa. Pakiramdam ko tuloy, isa akong
makasalanang taong isinusumpa ng mga kakosa nila. Ang alam ko, kapag
problema ng pamilya itinatago na lang. Bakit kailangan pang malaman
ng madla?
Nung gumagamit
siya ng Internet at nag-safe mode ang computer, pinagalitan na naman
ako ng nanay ko. Puro na lang daw Playstation ang inaatupag ko. Sana
raw hindi na lang niya binili iyon. Pero hindi ko hininging ibili
niya kami. Siya ang nagkusa. Ngayon ako ang nagdurusa.
Sino kaya samin
ang may problema, ako o ang nanay ko? Malamang ako.
Pero hindi pa
rito nagtatapos ang gulo sa mundo ko. Maliban sa nanay ko, nandiyan
ang mga kaklase ko na mahilig manira ng kapwa. Nagtataka nga ako,
bakit ang iba hindi makita ang tunay na ako? Bakit hindi nila ako
matanggap kung ano talaga ako?
Hindi talaga makuntento
ang tao sa mundo.
Minsan iniisip
ko kung ano pa ang silbi ko. Magsulat? Maging tagapakinig ng problema
ng iba? Manlait at gumawa ng kasalanan? Maglihim? Hanggang dito na
lang ba ako?
Kung mayroon mang
kasiyahan ang buhay ko, kaunti lamang iyon. Sawang-sawa na ako sa
panloloko, pagbibiro at paninira ng ibang tao.
Hindi raw ako
nag-iisip kaya ako pinapagalitan.
Ano ba ang silbi
ng 23 medalyang nakasabit sa dingding ng kuwarto ko? Ano pa ang halaga
ng mga piyesang pinapadala ko sa mga diyaryo at Web sites upang maipahayag
ko ang sarili ko kung hindi ako nag-iisip?
Baka naman tanga
ako.
Malamang matalino
lamang ako pagdating sa paaralan, sa kung ano lang ang tinatalakay
sa apat na sulok ng aming classroom. Na alam ko lang ang mga nababasa
ko sa libro, nakikita sa telebisyon at naririnig sa radyo. Pero sa
kabuuan, wala akong alam sa tinatawag nilang buhay -- sa realidad.
Di ko alam na
mahirap mabuhay sapagkat pinalaki ako sa sarap. Ang mga magulang ko
ay nagtatrabaho upang may maipakain, maipabihis at maipagpaaaral sa
amin. Nais nilang magkaroon ako at aking kapatid ng magandang kinabukasan.
Pinag-aaral nila ako sa Katolikong paaralan upang lumaking may paggalang
sa Diyos.
Kahit naman pala
wala silang gaanong oras sa akin, inaalala pa rin nila ako.
Sa bandang huli,
nalaman ko na mahirap palang mag-budget ng oras lalo na kung tambak
ang trabaho. Minsan, dahil sa pagod at inis, talagang masisigawan
mo ang mga ang anak mo. Nalaman ko rin na noong sabihin kong nasa
isang Web site ang sinulat ko ay ipinagmalaki rin nila ako sa mga
kaibigan nila.
Kahit pala papaano
ay inaalala rin nila ako. Mahal nila ako. At mahal ko rin sila.
Pero kailan kaya
nila ako mauunawaan? Kailan kaya sila tatabi sa akin upang itanong
kung may mga problema ba ako? Malalaman pa kaya nilang matalino ang
ex ko at napasama pa sa dean list? Na iginalang niya ang pagkababae
ko? Kailan kaya yung hindi ako papaalisin sa kusina, sa halip ay sabihing
manood ako upang matutong magluto?
Kailan kaya matututo
ang mga kaklase ko na tumanggap ng pagkatalo at titigil sa paninira
at pang-aabuso ng kapwa?
Kailan nila mapagtatanto
na hindi kami mananatiling bata habampanahaon? Na dapat naming suungin
ang buhay at matutong magsikap nang hindi umaasa sa kapwa?
Hanggang kailan
kaya ako magkikimkim ng sama ng loob? Isang kaibigang taga-Maynila
lang ang nakikinig sa akin na para ko nang tunay na kuya.
Sana malapit na.
Pero habang hinihintay ko ang pagdatal ng mga kasagutan sa aking mga
tanong, isusulat ko muna ang tungkol sa aking mundo.
Nawa’y maunawaan
ninyo ako.
-------------
Si Angela ay isang high school student na taga-Cavite. Nais niyang
mag-aral ng Journalism sa Unibersidad ng Pilipinas kapag siya'y nagkolehiyo.