v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

TULA
Tulog

Sumama na yata sa dugo ko ang gatas na ininom ko
kanina, ngunit hanggang ngayo'y di pa rin ako dalawin
ng antok kahit anong lamig pa ang dala ng gabi. Bakit
ikaw, itinumba mo ang matapang na kape, pero hayan at
malayang namamaluktot yakap ang unan. Pinapanood
kita sa yong pagbiling-biling sa nilamutak na kutson.
Sa lumalalim mong pagtulog habang hinuhukay ko mag-isa
ang gabing 'yon, nabibingi rin ako sa hagok ng yong
paghilik...hudyat na nagtagumpay ka na naman at narating
ang mga panaginip. Mag-isa ka na namang nakapaglakbay
sa mga pangarap na dapat tayong dalawa ang aabot. Nangako
naman akong sasamahan kita kahit saan ngunit bakit
hanggang sa panaginip di mo ako kayang pagtiwalaan.
Iniwan mo na naman akong nakatunganga...naghihintay
sa pagbabalik ng yong ulirat. Nag-aabang na sana'y bigla
kang maalimpungatan at makita mong gising pa ako sa tabi mo
na tila kuwagong nakamasid sa 'yong paghimlay. Naghihintay
na kahit pakunwari, kahit pasinghal pa, kahit walang anumang
lambing sabihin mo sa akin "tulog na tayo".

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan