v29-30
Marso 16 - April 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

TULA
Pamimintana I

Malalim na dagat
ang sumasalungat
sa muling pagtakas
ng dalawang holeng
nagiginaw sa kawalang-himig.
Mga titig na tumalilis
tungo sa ulilang kawalan
upang lumayo sa pagtulog
ng nilalamig na libog
dito sa silid na palutang-
lutang.
Isang multong arko,
isang ligaw na barko
ang silid na ito

sa itim na dagat,
isang gabing tag-araw
habang natutulog ang mga bituin
at nakapikit ang matang
buwan.

Pamimintana II

Panatag itong gabi
sa pakikilamay nito sa aking pag-iisa.
Tinititigan nito ako ng tahimik,
nakatitig naman ako sa kisameng may mapang
alaala ng nakaraang tag-ulan.
O sa labas ng bintana, sa makapal na kakahuyan,
sa bundok, huklubang kuba nitong kalupaan,
malayo sa aking silid na siyang sisidlan
nitong aking paglilimi't pananahimik.
Panatag itong gabi, may kumot ang dilim
na siyang balabal ng buwan.
Ngayong salat sa andap ng mga bituin
itong gabing katatapos lang ng ulan.
Panatag ang puntod ng magdamag

---------------

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan